Karera sa partylist, tadtad ng kurakot, manok nina Marcos at Duterte
Sa pag-aaral ng election watchdog na Kontra Daya, mahigit kalahati o 86 sa 156, ng mga partylist ngayong halalan ang kaduda-duda at hindi tunay na kumakatawan sa interes ng mahihirap at marhinado.

Kawawang partylist system. Mula sa dating pinagpupugayan bilang instrumento para bigyang boses ang marhinadong mamamayan sa gobyerno, ngayo’y tila tuluyan nang nilamon ng maruming politika.
Sa pag-aaral ng election watchdog na Kontra Daya, mahigit kalahati o 86 sa 156, ng mga partylist ngayong halalan ang kaduda-duda at hindi tunay na kumakatawan sa interes ng mahihirap at marhinado.
“Hijack” sa sistemang partylist naman daw ito, sabi ng Center for People’s Empowerment in Governance (CenPEG), ng mga naghaharing uri, mga makapangyarihang pamilya at malalaking negosyante.
Nang unang binuo ang partylist system noong 1997, nagsilbi ito para magkaroon ng mga kandidato sa Kamara mula sa mga sektor ng lipunan na walang direktang kinatawan. Pero sa desisyon ng Supreme Court noong 2013, basta raw may adbokasiya para sa isang sektor o kaya’y rehiyon, maaari ng bumuo at tumakbo bilang partylist.
Pero ang paglilinaw na ito’y sinamantala ng maraming puwersa ng “kasamaan at kadiliman.”
Sa suri ni Natalie Pulvinar ng CenPEG, “Imbis na maging plataporma para sa tunay na representasyon, ang sistemang partylist ay mistulang backdoor para sa mga tradisyonal na politiko at [elitista] para lalong konsolidahin ang kanilang kapangyarihan.”
Sa tala ng Kontra Daya, pasok sa anim na kategorya ang mga partylist na sinasabing ‘di tunay na kinatawan ang mga sektor na nais bigyang boses. Ito’y kung ang partylist ay may mga kinatawan mula sa isang political dynasty, may koneksiyon sa malalaking negosyante, koneksiyon sa pulisya at militar, may mga kaso ng korupsiyon at pandarambong, may kuwestiyonableng track record sa sinasabi nilang adbokasiya, at iyong mga wala o limitado ang impormasyon ukol sa kanilang grupo at mga nominado.
Nitong Abril 1, pormal na nagsampa ng kasong disqualification ang Kontra Daya sa Vendors Partylist sa dahilang taliwas ang kanilang track record at katayuan sa interes ng mga maliliit na manininda.
Nasampolan ang Vendors Partylist dahil talaga namang malinaw na salungat ang kanilang mga nominado sa kalagayan at pangangailangan ng mga manininda. Pero plano ng Kontra Daya na sunud-sunurin ang paglalantad sa mga iba pang mga kaduda-dudang partylist.
Ang nominado ng Vendors Partylist na si Malou Lipana, umamin na may-ari ng higanteng kompanya na Olympus Mining and Builders Group Philippines. Umamin din siya, sa panayam kina Ted Failon at DJ Chacha na nakakuha siya ng halagang P200 milyon na kontrata mula sa Department of Public Works and Highways.
“Kahit sino, puwede tumakbo, pero dapat malinaw na advocate,” ani Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya sa panayam sa Facts First ni Christian Esguerra. “Sa kaso ng [Vendors Partlist], talagang yung track record is hard to find.”
Iba pang halimbawa ang Turismo Isulong Mo Partylist. Ang nominado nilang si Wanda Tulfo-Teo, kapatid ng sikat na Tulf\o brothers, ay dati ring kalihim ng Department of Tourism. Natanggal siya sa puwesto dahil sa ilegal na paglalagay ng P60 milyon para sa patalastas sa mga programa ng kapatid niya.
Sa PPP Partylist naman, nominado si Harold James Duterte para umano sa mga mangingisda. Hindi malinaw kung siya ba’y apo, pamangkin o anuman, pero klarong miyembro sa kontrobersiyal na pamilya.
Pinuna naman ni Arao ang mga partylist na ginagamit ang mga programa ng gobyerno bilang pangalan, para bang karugtong ng sikat na polisiya. Kabilang dito ang 4Ps Partylist at Tupad Partylist.
Panawagan ni Arao sa mga ahensiya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment, “Dapat ‘di hayaang ipagamit ang [mga] pangalan na iyon dahil misleading sa tao.”
Magakaroon man lang itong mga grupo ng “common decency at ethics,” hirit ni Arao.
Nagsusulong naman si Pulvinar at ang CenPEG ng mga susing reporma para sa sistemang partylist para maiwasan na maging kasangkapan ng mga trapo at dinastiya.
Anila, dapat estriktong ipatupad ang mandato ng partylist na para lang sa mga tunay na kumakatawan sa mga maralita at madryinalisadong sektor ang tumakbo.
Dapat rin ipadiskuwalipika ang lahat ng malalaking negosyante at dinastiya, maging transparent o bukas ang proseso ng accreditation, at bumuo ng reporma para palakasin ang boses ng mga inaaping sektor.