Konteksto

Magkano?


Sadyang may mga handang gumastos ng milyon-milyon o bilyon-bilyong piso dahil sobra-sobra ang kanilang mababawi kapag nakaupo na sila.

Dahil alam na ang mga kandidatong wagi at sawi, siyempre’y wala nang dahilan para pumunta ang mga mayaman at makapangyarihan sa komunidad para magpamudmod ng pera. Wala nang makikipagkamay at mag-aabot ng sobre.

Para naman sa mga gumagamit ng e-wallet, wala nang manghihingi ng numerong ipapadala ang inaasam na salapi. Wala na ring ipamimigay na ecobag na may bigas at de-lata. Balik sa “normal” kumbaga, balik sa araw-araw na buhay ng pagiging salat.

Kakaunti ang nasa tuktok samantalang mayorya ang nasa laylayan. Sa usapin ng katayuan, walang binago ang halalan. Nasa puwesto pa rin ang mga mayaman at makapangyarihan. Kung mayroon mang lumang napalitan, marami sa mga bagong halal ay bahagi pa rin ang katunggaling dinastiya. Kung mayroon mang matitinong nahalal ngayon, kakaunti lang sila’t nilulunod ang kanilang minoryang boses sa kontra-mahirap na ingay ng mayorya.

Kung susuriin ang magiging komposisyon ng Senado sa darating na Ika-20 Kongreso, may mga magkakapatid na Cayetano (Alan at Pia), Ejercito/Estrada (Jinggoy at JV), Tulfo (Erwin at Raffy) at Villar (Camille at Mark). Paumanhin sa grupong BINI at Blooms pero ito ang “walo hanggang dulo” na hindi katanggap-tanggap. Mas lalong hindi katanggap-tanggap ang sitwasyong napakaraming pamilyar na apelyidong sangkot sa pagnanakaw, disimpormasyon at paglabag sa karapatang pantao. Sa konteksto ng peryodismo, may iba pang nahalal na mistulang kaaway ng kalayaan sa pamamahayag.

Ganito rin ang sitwasyon sa mga magiging miyembro ng Kamara de Representantes. Kung hindi miyembro ng dinastiyang politikal, sila naman ay bahagi ng malaking negosyo. Minsan nga’y dinastiya na, malaking negosyo pa. Totoong may mangilan-ngilang nasa laylayan sa lipunan pero nananatili sila sa minorya.

Kahit ang sistemang partylist sa Kamara na para dapat sa mahihirap, inangkin na ng mga mayaman at makapangyarihan. Hindi na ipinaubaya ang 63 upuan sa mga nasa laylayan ng lipunan. Mistulang regalo na nila ang mga upuang “Honorable” para sa mga kamag-anak at kaalyado.

Batay sa pagsusuri ng grupong Kontra Daya (na isa akong convenor), anim sa bawat 10 partylist representative ay mula sa mga grupong partylist na hindi itinataguyod ang interes ng mahihirap. Sadyang ang sistemang partylist na para dapat sa mga salat sa buhay ay nagiging mekanismo para madagdagan ang upuan ng mga masarap na ang buhay. Kung district representative ang nanay o tatay, ginagawang partylist representative ang anak o sinumang kamag-anak.

Gayundin ang kaso sa mga pambansa’t lokal na opisyal na posibleng may kamag-anak sa Kamara, district man o partylist representative. Tulad ng Senado, ito ang magpapaliwanag kung bakit may “family reunion vibes” ang bawat sesyon sa Kamara. Matapos ang “trabaho,” asahan ang hapunan ng pamilyang “Honorable” sa mamahaling hotel o restaurant, bawat isa’y may kanya-kanyang alalay at lulan ng mamahaling sasakyan. Masarap kaya ang ulam nila araw-araw? Opo dahil ibang klase ang sikmura ng mga garapal.

Sila ang mga nilalang na gagawin ang lahat para manalo sa halalan. Handang mandaya tuwing kampanya para makapagnakaw matapos maiproklama. Sa bawat pisong boto na binili nila, asahan ang libo-libo’t milyon-milyong ilalagay sa kanilang bulsa.

Nakakaalarma ang bilihan ng boto (vote-buying) sa nakaraang halalan. May isang lugar  na mayroong kalakarang 1-2-3-4. Apat na beses pinuntahan ng mga kandidato o tagasuporta ang mga botante. Sa unang pagbisita, P1,000 ang ibinigay. Dinagdagan ito ng P2,000 sa ikalawa, P3,000 sa ikatlo at P4,000 sa ikaapat. Kaya tumataginting na P10,000 ang nakuha ng mga masuwerteng botante.

Pero “panis” ang P10,000 sa isa pang lugar. Batay sa testimonya ng ilang mapagkakatiwalaang indibidwal, umabot sa P16,000 bawat botante ang pinamudmod. Kapalit ng malaking perang ito ang boto hindi lang para sa mga lokal na kandidato kundi para sa isang grupong partylist. Ito ang magpapatunay na sadyang may mga nakaupo ngayong partylist representative na handang magbayad nang malaki para lang sa isang upuan.

Sadyang may mga handang gumastos ng milyon-milyon o bilyon-bilyong piso dahil sobra-sobra ang kanilang mababawi kapag nakaupo na sila. Mababaw na dahilan ang prestihiyo ng titulong “Honorable” at ang espesyal na mga plakang ilalagay sa mga mamahaling sasakyan. Mas malalim na dahilan ang konsolidasyon at pagpapalakas ng kapangyarihan, yaman at impluwensiya.

Sa pansamantalang pagkakaroon ng medyo malaking pera para sa mga masuwerteng botante, matagalang malas naman ang pagdaraanan oras na maubos ito. Kung sabagay, babalik ang suwerte makalipas ang tatlong taon kapag halalan na naman. Mainam na basagin ang paikot-ikot, paulit-ulit na panahon ng suwerte’t malas. Posible ang lipunang walang dinastiya, walang nagsasamantala, walang kahirapan.

Huwag tanungin kung magkano. Alamin kung paano.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com