Mga imahen ng manggagawa
Ipinagdiriwang ang kanilang pagpapagal, ngunit hindi ang kanilang ahensiya at paggigiit. Pinupuri ang kanilang pagkamartir, ngunit hindi ang kanilang pakikibaka.

Mayroon tayong mga tipikal na paghihiraya sa imahen ng manggagawa. Naikintal ang mga ito sa pamamagitan ng kulturang popular—pelikula, telebisyon at maging mga advertisement.
Madalas napapakipot sa mga imaheng ito ang ilang mga susing usapi kaugnay ng politika ng pakikibaka sa lakas-paggawa.
Tipikal sa mga popular na paghihirayang ito ang imahen ng pagkapagal. Madalas pawisan. Minsan ay marungis, dala ng pakikipagsiksikan sa commute, pagbubuhat ng hollow blocks at iba pang pakikipagsapalaran sa mga panganib ng lugar-paggawa.
Imahen sila ng pagkamartir, ng pagpupunyagi sa gitna ng mga krisis pang-ekonomiya.
Ngunit sa korporatisadong interbensiyon ng kulturang popular, madalas resolbado ang kanilang mga krisis sa pag-inom ng mga tableta kontra stress, sa pagpapaputi ng kanilang mga uniporme sa tulong ng detergent o simpleng pag-uwi sa tahanan kung saan masaya ang hapunang nailuto sa tulong ng inilalakong seasoning.
Sa mga imaheng ito, natutugunan ng konsumerismo ang anumang pagkapagal sa hanapbuhay.
Sa iilang paghihiraya naman, naipapasilip sa atin ang imahen ng militansya sa lakas-paggawa. Madalas makikita ang mga imaheng ito sa mga pelikulang politikal na hindi gaanong naipapatatangkilik sa madla dahil sa kontra-insurhensyang ethos ng popular na midya.
Mula sa mga pelikulang gaya ng “Sister Stella L.” (1984), “Bayan Ko: Kapit sa Patalim” (1984) at “Invisible Labor” (2024), inilantad ang iba’t ibang imahen ng pakikibaka sa hanay ng kilusang paggawa. Nakalakip sa imahen ng militanteng paggawa ang pagpupunyagi upang igiit ang makataong sahod, seguridad sa trabaho at demokratikong karapatan.
At kalakip ng mga imaheng ito ang mga banta ng dahas na patuloy na hinaharap ng mga lider-unyon mula sa magkasabwat na puwersa ng estado at kapital.
Sa isang lipunan kung saan tinitingnan ang pagbungad ng Mayo bilang okasyon upang kilalanin ang kahalagahan ng mga manggagawa, iginuguhit ang hangganan sa maaaring gawin ng mga manggagawa.
Ipinagdiriwang ang kanilang pagpapagal, ngunit hindi ang kanilang ahensiya at paggigiit. Pinupuri ang kanilang pagkamartir, ngunit hindi ang kanilang pakikibaka.
Sa gayon, ang imahen ng paggawa ay nauuwi bilang isang hungkag na simbolo na ninanakawan ng militanteng nilalaman. Dahil dito, mabisang naiaangkop ang uring manggagawa sa mga diskurso at proklamasyon ng mga korporasyon.
Sa panahon ng halalan, ginagamit ang imahen ng manggagawa bilang avatar sa mga partylist na itinataguyod ng mga pampolitikang dinastiya.
Ngunit ang imahen ng lakas-paggawa ay laging imahen ng pakikibaka.
Sa likod ng mga nakangiting obrero, anakpawis, at kawani, nariyan ang imahen ng mga winawakasang kontrata, ng delayed na pasahod, ng red-tagging at higit sa lahat, ng mga unyon na naititindig at napapalakas.