Mga pelikula tungkol sa obrero, para sa obrero


Ang Films for a Living Wage ay humihikayat sa mga filmmaker na ibahagi ang kanilang likha sa pagpapalakas ng kilusang paggawa.

Hindi palaging pagsigaw sa mga protesta o pagwagayway ng pulang bandila ang mukha ng pelikulang tungkol sa manggagawa. Minsan, ito’y nagsisimula sa mga kuwento ng araw-araw, ng pawis at pasensiya, ng pagkayod, ng pagkabigo, at mga masasaya at nakakatawang sandali.

Para mas ipakilala ang uring manggagawa, ang kanilang buhay at pakikibaka sa mas malawak na publiko, sinimulan ng Mayday Multimedia, isang independent multimedia collective na nakatuon sa pagtatampok ng mga isyu ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pelikula at media, ang isang inisyatiba para mangalap ng mga pelikulang tungkol sa mga obrero.

Ang Films for a Living Wage (F4LW) ay isang proyekto ng Mayday Multimedia na humihikayat sa mga nagsisimula at batikang filmmakers na ibahagi ang kanilang likha para sa pagpapalakas ng kilusang paggawa. Binibigyang diin at pansin ng proyekto ang mga usapin ng manggagawa hinggil sa sahod, usapin sa trabaho o kawalan nito. Kasabay nito, pinapatampok rin ng proyekto ang kahusayan ng kolektibong lakas ng manggagawa para ipaglaban ang kanilang mga batayang karapatan.

Film screening kasama ang mga miyembro ng Pambato Cargo Forwarder Labor Union Maynila. Kat Catalan/Mayday Multimedia

“Hindi alam ng karamihan na dati ay may national minimum wage bago ipasa ang Herrera Law. Hindi rin nabibigyang pansin ang papel ng militanteng kilusang paggawa sa pagbagsak ng diktadura ni Marcos Sr.,” paliwanag ni Kat Catalan, pangunahing coordinator ng F4LW.

Ito umano’y sintomas ng malalim na krisis sa edukasyon at midya—kung saan nananatiling hindi litaw o invisible, unheard and unseen ang mga isyu at karanasan ng uring manggagawa.

Kabilang sa line up ang F4LW ang “Dela Cruz, P. Juan” sa direksyon ni Sena Verdejo. Isa itong short narrative tungkol kay Juan na tinanggal sa trabaho at naghihikahos na makahanap ng panibago. Kasama rin sa line up ang “Invisible Labor” na isang maikling dokyumentaryo sa direksyon ni Joanne Cesario tungkol sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas. Ginawa ang pelikula katuwang ang Mayday Multimedia at ang Kilusang Mayo Uno. Kasalukuyan itong nasa proseso na maging isang full length na pelikula.

Bahagi ng layunin ng Mayday Multimedia na punan ang kakulangang ito. Sa pamamagitan ng F4LW, binibigyang-lakas ang mga kabataan at tanyag na filmmaker na magsalita at magkuwento at ibinabalik para magmulat sa hanay ng mga manggagawa mula pederasyon, unyon at sa mga hindi pa organisado.

Film screening kasama ang komunidad sa pakikipagtulungan ng BIEN Pilipinas at Bayan Muna East Rembo Chapter. Mika Manalo/Mayday Multimedia

Sa prosesong ito, naisasalin ang kasaysayan, karanasan at kolektibong pakikibaka ng manggagawa sa sining ng pelikula—isang medium na may potensiyal na umabot sa mas malawak na madla.

Hindi lang ito plataporma ng sining, isa rin itong espasyo ng pag-aaral, diskurso at pagkakaisa. Sa panahong laganap ang disimpormasyon at kakulangan sa kaalaman sa batayang karapatan, kailangang mas mailapit ang ating sining sa panlipunang reyalidad.

Sa huli, ang proyekto at mga pelikulang ito’y hindi lang para sa panonood. Ito’y para magmulat ng mas nakakararami, para sa pagkilala sa uring lumilikha ng yaman ng lipunan pero siya ring patuloy na pinagsasamantalahan, at para sa panawagan na sa bawat pelikulang tampok sa proyektong ito, isinisigaw ang simple, ngunit makatarungang panawagan: nakabubuhay na sahod para mabuhay nang may dignidad ang obrerong Pilipino.Para sa detalye ng screenings at updates, bisitahin ang facebook.com/maydaymidya.