Tanggal ang umay ‘pag may mangga
Para sa pantanggal umay, narito ang simpleng resipi na Mango Sago na siguradong madali at magugustuhan ng pamilya.

Nasanay na tayong mga Pilipino ang panghimagas pagkatapos kumain. Nakasanayan na rin nating panghimagas ang mga prutas—masustansiya, matamis at nakakapresko. Imbis na matatamis na panghimagas gaya ng cake, mas pinipili ng ilan ang prutas.
Ang mga prutas tulad ng pakwan, saging o mangga ay tumutulong linisin ang panlasa mula sa alat, asim o mantika ng ulam—kaya mas satisfying ang ending ng kainan.
Ang mga mangga ng Pilipinas ay kilala sa buong mundo dahil sa tamis at lambot nito. Sa katunayan, ang Guimaras mango ay isa sa pinakamatamis sa mundo kaya hinahangaan ito ng mga dayuhan. Kilala din ang Manggahan Festival tuwing Mayo sa islang lalawigan bilang selebrasyon ng anihan.
Hindi lang sa Guimaras ang kilalang may masarap na manga. Pati ang Zambales kilala rin sa malalaki at matatamis ng mangga. Mayroon din silang kilalang pista, ang Dinamulag Festival na ginaganap naman tuwing Abril bilang pasasalamat sa masaganag na ani.
Dahil sa mga katangian ng mangga, puwede itong kainin nang hilaw man o hinog. Maaari itong kainin kasama ng masasarap na ulam o panghimagas. Nakasanayan din gamitin na sangkap sa paggawa ng sa dessert, shake, mango sticky rice, mango float o isama sa ulam na mga inihaw, ensalada o mango salsa.
Para sa pantanggal umay, narito ang simpleng resipi na Mango Sago na siguradong madali at magugustuhan ng pamilya.
Mga sangkap
- 4 na pirasong hinog na mangga
- 1 tasa maliliit na sago (maaaring lutuin at nabibili sa palengke)
- 1 lata o pack ng all-purpose cream
- 1 lata condensed milk (ayon sa panlasa)
- 1/2 tasa evaporated milk
- Ice cubes or crushed ice (opsiyonal)
Paraan ng Pagluluto
- Sa pagluto ng sago, magpakulo ng tubig sa isang kaserola. Idagdag ang sago at haluin paminsan-minsan.
- Lutuing mabuti hanggang maging translucent (mga 10-15 minuto depende sa laki).
- Patayin ang apoy, iwanan muna ng 10 minuto sa mainit na tubig, pagkatapos ay salain at banlawan sa malamig na tubig at itabi.
- Balatan ang dalawang manga, hiwain ito sa cubes. Ilagay sa isang plato at itabi.
- Para sa natitirang manga, hiwain ito sa kahit anong sukat at i-blender hanggang madurog ito at maging puree.
- Sa isang malaking mangkok, ilagay ang na-blend na mangga, mga hiniwang mangga at napalamig na sago. Isunod na ilagay ang all-purpose cream, evaporated milk at kalahati muna ng lata ng condensed milk. Haluing mabuti. Tikman at magdagdag paunti-unti ng natirang condensed milk hanggang makuha ang gustong tamis.
- Kapag nahalo na ang lahat ng sangkap at nakuha na ang gustong lasa, ilipat na ito sa isang lagayan at ilagay sa refrigerator ng isa hanggang dalawang oras. Hayaan muna ito lumamig. Mas maigi din na 24 hours ang pagpapalamig nito.
- Kapag lumamig na, maaari na ito ihain sa pamilya. Puwedeng lagyan ng crushed ice para sa extra lamig o texture.
Tandaan na ang mangga, kahit hindi opisyal na idineklara ng batas, ay itinuturing na pambansang prutas ng Pilipinas. Bahagi ito ng pagkain, tradisyon at maging ng panitikan at sining nating mga Pilipino.