Tunay na lingkod-bayan sa lokal na komunidad
Kilalanin ang mga progresibong kandidato na dapat ihalal sa mga pamahalaang lokal na titiyaking maririnig ang boses ng taumbayan. Narito ang mga lokal na kandidato na miyembro ng Makabayan Coalition sa Kamaynilaan.

Sa paparating na halalan sa Mayo, marami sa mga lokal na posisyon ang pinag-aagawan ng mga nagkukunwaring lingkod-bayan. Pero may mga totoong kandidato na ang nais ay ang isuling ang kapakanan ng mas nakakarami at hindi ng iilan.
Kilalanin ang mga progresibong kandidato na dapat ihalal sa mga pamahalaang lokal na titiyaking maririnig ang boses ng taumbayan. Narito ang mga lokal na kandidato na miyembro ng Makabayan Coalition.

Tumatakbong konsehal para sa District 1 ng Caloocan City si Ricardo “Rex” Margallo. Bitbit niya ang panawagan para sa dagdag benepisyo, kongkretong plano at programa para sa mga manininda sa lungsod.

Mula sa Muntinlupa City sina Eleazar “Eli” Anaya at Myrna dela Concepcion. Tumatakbo sa pagkakonsehal ng District 1, ang lider-kabataan at miyembro ng Kabataan Partylist-Muntinlupa, pokus ni Anaya ang kabataan at edukasyon na abot-kamay para sa lahat.
Gayun din si dela Concepcion na tumatakbo ring konsehal sa parehong distrito, isusulong niya ang dagdag badyet sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.

Tumatakbo sa District 2 ng Valenzuela City si Leticia “Letty” Castillo bilang konsehal. Kasalukuyan siyang chairperson ng Gabriela-NCR. Panawagan niya ang seguridad sa pabahay, pondo sa mga health center, dagdag pensiyon sa senior citizen at ang paglaban abuso at diskriminasyon sa kababaihan at LGBTQ+.

Tumatakbo naman bilang konsehal sa District 4 ng Quezon City si Lorevie “Lory” Caalaman. Pokus niya ang edukasyong makamasa at libre para sa lahat. Nais din niyang tugunan ng pansin ang pagbibigay ng siyentipikong solusyon sa pagbaha sa lungsod.

Sa Lungsod ng Maynila, isang beteranong organisador ng manggagawa si Eduardo “Edong” Gado. Siya’y tumatakbo bilang konsehal sa District 1. Siya rin ang kasalukuyang secretary general ng Kilusang Mayo Uno-NCR. Bitbit niya ang platapormang KKK: Kabuhayan, katiyakan at karapatan sa paninirahan para sa mga Manilenyo.

Isang lider-maralita mula Taguig City si Girlie “Jing” delos Santos ng tumatakbong konsehal sa District 1. Panawagan niya ang katiyakan sa paninirahan sa kabila ng iba’t ibang banta ng demolisyon at relokasyon sa lungsod.

Tumatakbo naman sa Marikina City District 2 si Rene Mira. Isa rin beteranong lider-maralita na pangulo at nagtaguyod ng Fortune United Vendors Association sa Marikina. Bitbit niya ang panawagan sa karapatan sa kabuhayan ng mga manininda sa Marikina City.

Mula sa Las Piñas City District 1, tumatakbo bilang konsehal si Jinsei Castillo. Siya ang chairperson ng Kabataan Partylist-Las Piñas. Nais tugunan ni Castillo ang pangangailangan ng mga kabataang mag-aaral. Isa na dito ang pagsusulong ng P1,000 monthly student allowance. Pokus din niya ang pangunguna sa sakuna, labor desk at dagdag trabaho para sa mga Las Piñeros.
Ilan lang sila sa mga progresibo, makabayan at tunay na lingkod na umaasang makakaupo sa mga konseho ng mga siyudad sa Kamaynilaan para ipagpatuloy ang taos pusong paglilingkod sa sambayanan.