81 anyos na bilanggo, laya na matapos ang ilegal na detensiyon


Ipinag-utos ng korte sa Maynila na palayain na si Prudencio Calubid Jr. matapos ilegal na arestuhin ng pulisya at ikulong sa loob ng anim na buwan dahil sa maling pagkakakilanlan.

Makakalaya na mula sa pagkakakulong sa Manila City Jail si Prudencio “Pruding” Calubid Jr. kasabay ng paglalabas ng desisyon ng Court of Appeals na pumapabor sa kaniyang habeas corpus case noong Hun. 27. NUPL/Facebook

Pagkatapos ilegal na makulong nang mahigit anim na buwan, ipinag-utos ng Court of Appeals 16th Division ang pagpapalaya kay Prudencio “Pruding” Calubid Jr., 81 anyos, nitong Hun. 27.

Sa inilabas na desisyon ng korte sa habeas corpus case, sinabi nilang nabigo ang pulisya na mapatunayang si Calubid ang tinutukoy sa iba’t ibang criminal information at arrest warrant.

Inaresto si Calubid noong Dis. 7, 2024 sa kanilang bahay sa Olongapo City ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG).

Sinasabing ang kanyang pagkaaresto ay batay sa warrant na nakapangalan sa isang consultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Prudencio Calubid Sr. na nawala noong taong 2006 pagkatapos dukutin ng mga ahente mg estado sa Camarines Sur.

Sa kabila ng pagpresenta ni Calubid ng mga pruweba na hindi siya ang tinutukoy sa warrant, ipinagpatuloy pa rin ang pagkakakulong sa kanya sa Manila City Jail.

Ibinasura rin ng korte ang sinasabing “surveillance” na isinasagawa umano ng mga pulis dahil napag-alamang pangunahing nakabatay ang mga ito sa mga open-source internet search, larawan sa Facebook at hindi malinaw na pagkakahalintulad ng hitsura.

Sinabi ng korte na mas dumepende ang mga pulis sa kanilang nakikita online at hindi na pinansin ang mga opisyal na dokumentong iniharap ni Calubid. 

Gayundin, kinilala ng korte ang mga isinumite ni Calubid na nagpapatunay ng kanyang pagkakakilanlan.

Nitong Abril, inakusahan ng pamilya ni Calubid ang mga pulis na inaresto nila ang matanda dahil umano sa halos P8 milyong pabuyang maaari nilang matanggap kapag naging matagumpay sa pagkakahuli.

Sa ilalim ng sistema ng Communist Terrorist Group Most Wanted List ng estado, may makukuhang gantimpala ang sinumang makakahuli sa mga nasa listahan.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, hindi maituturing na isolated case ang nangyari kay Calubid. 

“Ang paggamit ng sistema ng pabuya upang arestuhin ang mga sibilyan kapalit ng perang gantimpala ay laganap na gawain sa hanay ng mga pulis at militar,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa Ingles sa ulat ng Kodao Productions

Sa inilabas na pahayag ng nagsisilbing abogado sa kaso ni Calubid na National Union Peoples’ Lawyers (NUPL) noong Hun. 27, sinabi nilang ang mga inosente ang nagiging biktima ng ganitong sistema. 

Tinanggap naman ng Karapatan ang desisyon ng korte na palayain si Calubid at sinabing hindi na dapat ito inaresto at ikinulong sa simula pa lang dala ng kanyang karamdaman.

“Iniinda niya ang sakit niya sa kidney at matinding gout kaya hindi na siya makalakad at makatayo nang walang alalay,” anila. 

Kabilang si Calubid sa mga 106 na nakatatandang bilanggo at 100 na may sakit na nasa looob ng piitan.

Sinabi ng NUPL na kinokonsidera nila ang pagsasampa ng kontra demanda sa mga responsable sa pag-aresto at pagkulong kay Calubid.

Iginiit nilang hindi dapat palampasin ang ilegal na anim na buwang pagkakakulong ni Calubid.

“Kailangang managot ang mga puwersa at ahensiya ng estado, lalo na ang mga nanguna, nagsagawa at nakinabang sa paglabag sa karapatang pantao,” pahayag nila.