Imburnal
Mainam na manindigan para sa mga tinaguriang hampaslupa dahil kailangang labanan ang mga dapat na ihampas sa lupa.

Sa titulo pa lang, alam na ang paksa. Opo, tungkol ito sa nangyayari sa tabi-tabi. Pero hindi lang ito tungkol sa nag-viral na mga retrato ng taong biglang lumabas sa imburnal, biglang tumakbo at biglang nabiyayaan ng ayudang P80,000.
Hindi na kasi nakakagulat na may mga taong napipilitang tumira kung saan-saan bunga ng malawakang kahirapan. May mga pinagtagpi-tagping istruktura sa tabi ng estero, sa ilalim ng tulay, sa may riles ng tren. May mga nagtutulak ng karitong nagiging tulugan sa pagsapit ng gabi. Para sa mga walang kariton, naglalatag na lang sila ng mga karton sa eskinita para makapag-ipon ng lakas sa bagong pakikipagsapalaran bukas.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot na sa 4.5 milyong Pilipino ang walang tirahan (homeless). Kung pagbabatayan ang batas, maituturing na bahay ang isang tinitirhan kung ito ay permanente o medyo permanente (semi-permanent). Siyempre’y nakasaad rin sa batas na kailangang may pahintulot sa may-ari ng lupa ang anumang itatayong tirahan, isang bagay na hindi nagawa ng 3.7 milyong pamilyang tinatawag na “informal settlers” o mga iskwater (kung gagamit ng masakit na pananalita), ayon sa datos noong 2023 ng UN-Habitat Philippines.
Nasa Metro Manila ang malaking bilang ng mga walang tirahan at “informal settlers.” Ito ang dahilan kung bakit normal nang makakita sa tinaguriang sentro ng kapangyarihan ng mga barong-barong na kung saan-saan na lang sumusulpot. ‘Yong mga nakatira, kadalasang nasa labas. May nagbebenta ng sampaguita sa umaga at sarili sa gabi. May namamalimos na bitbit ang sanggol. Ang napariwarang batang hamog ngayon, posibleng maging taong grasa bukas.
Sadyang may mga batang napagkakaitan ng pagkakataong maging bata. Sa halip na mag-aral at maglaro, napipilitan silang mamalimos o maglako ng kung ano-ano. Natututo silang magbasa’t magbilang hindi sa paaralan kundi sa lansangan. Nakikipagpatintero sila sa mga humaharurot na sasakyan, hindi sa mga kaedad sa palaruan. Teka, may mga libreng palaruan pa bang natitira kung mas pinagkakagastusan lang ng pamahalaan ang mga bagay na pinagkakakitaan?
Ang ganitong klaseng priyoridad ng pamahalaan ang magpapaliwanag kung bakit nagiging mabilis lang ang tulong sa mahihirap kung mag-viral sila’t maging bahagi ng news cycle ng midya. “Sampaguita Girl” sa labas ng mall noon, “Sadako” mula sa imburnal naman ngayon. Agarang umaaksiyon ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kapag nagiging trending topic sa social media at kinakalampag na sila ng mga peryodista. Doon lang napapansing may badyet naman pala ang gobyerno para tumulong, bukod pa sa iba’t ibang programang posibleng makatulong sa mga nasa laylayan ng lipunan.
At dahil binigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P80,000 na tulong kabuhayan ang taong gumapang mula sa imburnal, hindi masisisi ang mga kababayang mapa-“sana all.” Sa bawat pabirong post na kailangan nang maghanap ng imburnal para magkapera, nalalantad ang karumal-dumal na sitwasyon ng mahihirap na napagkakaitan ng batayang serbisyo tulad ng libreng pabahay. Mas inuuna pa kasi ang mga kaduda-dudang gastusin tulad ng confidential and intelligence funds ng ilang ahensiya ng pamahalan.
Sino na nga ang opisyal na na-impeach dahil sa mga milyon-milyong pondong hindi alam kung paano nagastos? Hindi ba’t wagas siyang magmura at nagbanta pang may kinontrata na siyang papatay sa ilang opisyal ng gobyerno kung may mangyari sa kanya? Bakit patuloy pa siyang ipinagtatanggol ng mga tagapagtaguyod ng disimpormasyon?
Palibhasa, nasa antas ng kanal ang kanilang lohika’t retorika. Para sa mga matapobre, amoy-imburnal ang mahihirap. Para sa mahihirap, ugaling kanal naman ang mga matapobre. Mainam na manindigan para sa mga tinaguriang hampaslupa dahil kailangang labanan ang mga dapat na ihampas sa lupa.
Totoong maraming nangyayari sa tabi-tabi. Ang tunay na labanan ay nasa maruruming lansangan na malilinis lang kung wawalisin ang mga tiwaling nasa kapangyarihan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com