Suring Balita

Kompanyang nagpapa-demolish sa Tondo, malapit sa gobyerno at partylist


Tinangkang idemolish ang kabahayan sa Mayhaligue sa Tondo, Maynila nitong Mayo. Sino ang nasa likod ng pagtanggal sa tahanan ng mahigit 400 pamilya doon?

Marahil sariwa pa sa isip ng karamihan ang tangkang pagpapa-demolish ng mga tahanan ng mahigit 400 na pamilya sa Mayhaligue Street, Tondo, Maynila nitong katapusan ng Mayo. Ngayon na lang ulit sumiklab ang ganitong kalaking tensiyon sa pagitan ng maralitang lungsod at ng mga awtoridad. Napakaraming pamilya ang apektado at abnormal ang bilis ng pagproseso ng pagpapagiba.

Mula sa pananaliksik, napag-alaman natin na ang kompanyang 2288 Ethan Realty ang nasa likod ng demolisyon at sinasabing may-ari raw ng lupa. Bago ang kompanya at nitong 2021 lamang binuo.

Mukhang malapit sa gobyerno si Dennis Sandil, majority shareholder (65%) ng Ethan Realty. Si Sandil rin ay CEO ng D.C. Sandil Construction & Realty Corp na maraming infrastructure projects sa sa Antipolo at Palawan. Sangkot din si Sandil sa katiwalian ng Malampaya corruption scandal sa Palawan. Noong 2008, kinasuhan siya ng Ombudsman bilang private contractor na iligal na kumopo ng 10 na proyekto ng gobyerno na nagkakahalaga ng P41.636 milyon.

Isa pang may-ari ng Ethan Realty ang asawa niyang si Sheryl Chua-Sandil, third nominee ng kontrobersyal na Vendor’s Partylist.

Matatandaang nitong nagdaang eleksiyon ay nagsampa ang grupong Kontra Daya ng disqualification case laban sa nasabing grupo. Taliwas naman daw kasi sa interes ng mga maliliit na maninida ang interes na bitbit ng mga malalaking contractor kagaya nila.

Pag-aari din ng mag-asawa ang 22 Prime Construction & Realty Development na siyang nanalo sa bidding sa karamihan ng mga infrastructure project ng Makati sa katapusan ng 2024.

Joanna Robles/Pinoy Weekly

“Hindi nakapagtataka kung bakit mabilis pa sa alas kwatro ang galaw ng demolisyon sa Tondo. Porke’t sila’y malapit sa kusina, sa [Department of Public Works and Highways] at sa mga [local government unit], napakadaling tapak-tapakan ang karapatan sa paninirahan ng daan-daang mahihirap,” bira ni Mimi Doringo ng Kadamay.

Kapansin-pansin ang mga anomalya sa proseso ng demolisyon. Kakalabas lang ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 24 ng Final Order nitong Pebrero, rumatsada na agad ang demolisyon nang walang konsultasyon ayon din sa mga residente, wala pa ngang alok ng relokasyon sa sinuman.

Nakakuha din ang Pinoy Weekly ng kopya ng pinakalat ng barangay na waiver sa mga residente ilang araw bago dumating ang demolition team. Nakasaad sa “Pagsuko ng Karapatan” na ang sinumang pumirma “ay malayang pumapayag at kusang loob na lilisanin ang ari-arian at pinapayagan ang pagbaklas ng aking istruktura… na pagmamay-ari ng 2288 Ethan Realty Corporation.”

Sa halip na konsultasyon sa komunidad at mabigyan ng tamang panahon para magpasya ang mga residente, kapwa homeowners at nangungupahan, naging sandigan ang waiver para din pabilisin ang pagpapagiba habang pinapalabas na “legal” ang proseso.

“Talamak ang mga iligal na demolisyon. Nililinlang ang mga maralita at nakakalusot ang mga anomaly dahil may backer sila sa gobyerno,” ani Doringo.

Matatapos ang Temporary Restraining Order (TRO) sa demolisyon ngayong Hun. 16, at inaasahan na posibleng bumalik ang mga demolition team para ituloy ang operasyon. Sakaling magtuloy-tuloy, pararamihin nito ang bilang ng homeless sa bansa.

Ayon sa datos na nakalap mula sa Program on Alternative Development ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP-CIDS), may 6.6 milyon na housing backlog ang gobyerno na maaring lumobo pa sa 22 milyon pagdating ng 2040. Ibig sabihin, mas mabilis na dumarami ang homeless dahil sa demolisyon at iba pang dahilan kaysa sa bahay na itinatayo.

Dagdag ng UP-CIDS, kahit pa may relokasyon o pabahay ang gobyerno, kadalasang napakamahal nito para sa karaniwang maralitang Pilipino.

Sa ilalim ng programang pabahay ng Ferdinand Marcos Jr., hindi kakayanin ng isa sa tatlong Pilipino na mabayaran ang buwanang amortisasyon ng socialized housing na P9,235.76.

Higit sa tensyon at gitgitan, may naglalarong interes ng mga korporasyon na kasosyo ng gobyerno sa Tondo, bagay na hindi nalalayo sa iba pang maralitang komunidad na kumakaharap sa demolisyon.

Sa kabila nito, likas na organisado ang komunidad. Ayon sa mga lokal, halos 100 taon na ang ibang pamilya sa lugar at mahigpit ang kanilang bayanihan sa anumang pagsubok.

Joanna Robles/Pinoy Weekly

Kung iba raw ay tumatakas sa tuwing may sunog, sila naman, tumatakbo papalapit sa apoy. Kaya naman hindi nakakapagtaka kung gaano kadesidido ang mga lokal na ipagtanggol ang kanilang komunidad.

“Sabihan man sila ng iba na nanggugulo lamang o kutyain ng mga matapobre dahil sila’y mahihirap, ang totoo’y biktima sila ng sabwatan ng nasa poder at tumitindig sila para sa karapatan sa paninirahan. At dapat silang suportahan,” ani Doringo.