Minor na detalye
Ang boycott bilang tugon sa supresyon sa nobela ni Adania Shibli ay bahagi rin ng isang minor na detalye ng pakikibakang Palestino.

Tuloy-tuloy ang panawagan ng mga manunulat at mga organisasyon na iboycott ang ika-77 Frankfurt Book Fair kung saan guest of honor ang Pilipinas. Bunsod ito ng pagkansela ng nasabing Book Fair sa seremonya ng paggagawad sa nobelang “Minor Detail” ng Palestinong manunulat na si Adania Shibli ng LiBeraturpreis Literature Prize noong 2023.
Nahahati ang nobelang ito sa dalawang bahagi. Ang una ay piksiyonal na rekonstruksiyon ng isang aktuwal na insidente ng panggagahasa at pagpaslang sa isang babaeng Bedouin ng mga sundalong Israeli sa Negev noong 1948. Uminog naman ang ikalawang bahagi sa trahedyang sinapit ng isang Palestinong babae na gustong tuklasin ang lunan ng nasabing krimen sa konteksto ng papaigting na kontrol ng Israel sa Palestina sa ikadalawampu’t isang siglo.
Sa katatapos na semestre, isinama ko ang nobelang ito sa reading list ng klase ko sa “Re-reading the Canon.” Sa kursong ito, sinusubukang usisain ang mga historikal, kultural at politikal na kontekstong nagbibigay-hugis sa nosyon ng panitikan ng daigdig (world literature). Isang susing usapin dito ang kaugnayan ng panitikan sa mga pakikibaka para sa pagbuo ng bansa. Maaaring halimbawa rito ang papel na ginampanan ng “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” sa paghuhubog ng kamalayang makabayan sa Pilipinas, o ‘di kaya naman ang halaga ng “Buru Quartet” ni Pramoedya Ananta Toer sa konteksto ng pakikibakang anti-diktadura sa Indonesia.
Mahalaga sa gayon ang “Minor Detail” kung sisipatin ito kaugnay ng sapilitang pagbubura sa Palestina. Maaaring basahin ang pamagat ng nobela bilang komentaryo sa minoritisasyon ng buhay at pag-iral ng sambayanang Palestino.
Sa mga talakayan sa klase, naging matingkad na usapin kung paano umiral ang minoritisasyon sa mismong paraan ng pagkukuwento ni Shibli. Ang unang bahagi ng nobela ay nakatutok sa isa sa mga sundalong Israeli na kasangkot sa pandarahas sa mga pamayanang Palestino. Metodikal ang pagkukuwento ng nobela sa araw-araw na gawi ng sundalo—nakakainip, ordinaryo at walang anumang malakihang kaganapan. Ang tagpo ng pandarahas sa babaeng Bedouin na kanilang dinakip ay naging isa lamang sa mga maliliit na detalyeng bumubuo sa tila nakababagot na operasyong militar ng mga sundalo.
Sa gayon, mahalaga ang ikalawang bahagi ng nobela bilang tugon sa sapilitang pagpapaliit ng buhay at pakikibaka ng mga Palestino. Mula sa tila maisasantabing detalye ng isang krimen na naganap ilang dekada na ang nakalipas, tinalunton ng tauhang babae ang alaala ng dahas na nakalimbag sa lupain, maging ito man ay magbulid sa kanya sa kapahamakan. Dito, malinaw na itinatatwa ni Shibli na minor na detalye lamang ang kuwento ng pinaslang na babaeng Bedouin; ito ay hindi lang isang maliit na insidente—ito ay kuwento ng historikal na dahas na dinanas ng buong sambayanan.
Ang paglakas ng tinig ng boycott bilang tugon sa supresyon sa nobela ni Shibli ay bahagi rin ng pagtutol na isang minor na detalye lamang ang pakikibakang Palestino. At patuloy na lumalaki, lumalawak ang pakikibakang Palestino sa mga aklat na nagtatala ng kanilang pag-iral, pagtutol, pananatili at paglaban, at sa mga pampulitikang pagkakaisang nabubuo sa loob at labas ng kanilang binuburang mga pamayanan.