Editoryal

Pangarap para sa bata


Mula sa bahay hanggang sa mga bulwagan, kailangang magsumikap ang lahat para protektahan ang mga karapatan ng bawat bata.

Hunyo na. Nasaan dapat ang mga bata? Sa mga malilim na liwasan, nag-iingay, pawis, nagtatawanan at nagtatakbuhan kapag araw ng pahinga. Kapag may pasok, dapat sa mga paaralan, hawak ang mga librong kanya-kanya at hindi gula-gulanit, nagsusulat o gumuguhit sa kung aling mga pahina. At sa araw-araw, sa mga kabahayan, busog dahil sa sapat na kain sa isang araw at natutulog sa hele ng ligtas na paligid.

Dapat lang, hindi ba? Walang kalabisan sa listahan na ito. Posible pa ngang pahabain ang listahan: dapat bawat bata ay may laya na matuto tungkol sa kanilang kultura, kasaysayan at sariling bayan; sana malaya ang bawat bata na kilalanin at ipahayag ang kanyang sarili nang hindi nabibiktima ng diskriminasyon, pang-aabuso, at anumang karahasan.

Tungkulin ng lahat – mga magulang sa bahay, mga kasama sa komunidad, mga lider ng gobyerno – na siguruhing lumalaki nang maayos ang bawat bata mula sa anumang antas ng lipunan.

Pero sa lumipas na kalahating dekada, naging saksi ang mundo sa kabi-kabilang paglabag sa karapatan ng mga bata. Nakakakilabot isipin na sa yugto ng sangkatauhan na tingin nating asensado na ang mundo, may mga bata pa rin na humihingi ng pahintulot mabuhay.

Sa Gaza, nagbabangga ang katotohanan na kahit marami nang retrato at bidyo ng mga batang sugatan o namamatay sa gutom, kapos pa rin ito sa realidad ng sitwasyon nila. Lalong kapos ang tulong na natatanggap nila.

Sabi ni Rachel Griffin Accurso, kilala sa paggawa ng mga bidyong pambata bilang Ms Rachel, dapat mahiya lahat ng lider sa mundo na nananahimik sa kabila ng karahasan. Isa si Ms Rachel sa mga content creator na hayagang tumututol sa karahasan na dinaranas ng mga bata sa Gaza sa kamay ng armadong puwersa ng Israel. Sa huling nakapanlulumo at madugong talaan, may higit 50,000 nang bata ang patay o sugatan sa Gaza.

Ngayon, may grupo na gustong ipa-imbestiga si Ms Rachel sa gobyerno ng US dahil baka raw banyagang operatiba siya para sa mga terorista. Dahil lang sa pagtindig niya para sa mga bata. Pamilyar na kuwento ito para sa iba’t ibang panig ng mundo, kahit pa sa Pilipinas.

Dito sa sarili nating baluwarte, ang mga dumarating sa saklolo ng kabataang Lumad tulad nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, sinasampahan ng kaso. Ang mga nagtutulak sa isang makabansa at abot-kayang edukasyon para sa mga bata, tinatawag na kalaban at mga nanggugulo sa lipunan. 

Kung titingnan pa ang mga batas at panukala sa edukasyon sa Pilipinas (tulad ng posibleng pagbabawas ng mga kailangang yunit sa General Education), lalong lumilinaw ang posisyon ng gobyerno. Parang pinapalaki at pinamumuhunan ang mga bata para lang gawing kapital sa paggawa sa mga industriyang sinisimot ang lakas at sikhay nila para sa tubo ng iilan. 

Anong hinaharap ang isasalubong sa mga bata? Mga factory na kapos magpasahod? Mga komunidad na malawakang binobomba? Kahit mga isyu sa pagmimina, may epekto sa bata. Sa tuloy-tuloy na pangangalbo sa mga bundok, baka sa gula-gulanit na libro na lang sila makakita ng gubat at yaman ng kalikasan.

Popular na linya ng mga nasa kapangyarihan na dapat hindi “ginagamit” ang mga bata para sa politika o propaganda o ano pang bagong salita na gagamitin laban sa lehitimong kritisismo. Kasi musmos ang mga bata, walang muwang, walang alam sa mundo. 

Pero hindi nila nakikita, o pilit hindi tinitingnan, ang katotohanan na libo-libong bata ang natututong magtipid ng ulam, matulog nang gutom, magparaya sa pag-aaral, magtrabaho nang maaga, magtago kapag may narinig na helicopter, at umiwas sa lugar na baka may barilan. Sino ang walang muwang?

Nasasaksihan natin ang realidad na napatunayan rin naman sa kasaysayan—sa sukdulan ng kasakiman ng mga makapangyarihan, pati kinabukasan ng mga bata kinakamkam. 

Hindi kalabisan na tumindig para sa isang mundo kung saan malayang mabubuhay, matututo, magpapakatotoo at magtatagumpay ang bawat bata. Kailangan, mula sa bahay hanggang sa mga bulwagan, nagsusumikap ang lahat para protektahan ang mga karapatang ito. Pag-asa rin ng kabataan ang bayan.