Patibong na ayuda ng US-Israel sa Gaza


Libo-libo ang Palestinong nanganganib mamatay sa gutom. Sa mga ito, lampas 330 katao na naghahanap ng pagkain sa mga aid distribution center ang patay sa pag-atake ng Israel.

A woman mourns over the body of a relative killed by Israeli fire near a distribution centre in Rafah Hatem Khaled Reuters

Ilang linggo nang walang makain ang pamilya ni Kamel Agha, 32, dahil sa walang humpay na pagsalakay ng Israel sa Palestine. Kasama ang marami pang kapitbahay, naglakad sila nang walong oras mula sa bayan ng Al-Qarara papunta sa itinayong aid distribution center ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF) ng US, sa lungsod ng Rafah noong Hun. 7.

“Nagpunta ako sa lugar ng aid distribution sa pag-asang makakuha ng makakain,” sabi niya sa ulat ng Mondoweiss.

Isa’t kalahating kilometro pa mula sa aid center, pinagbabaril na ng mga sundalong Israeli sina Agha at marami pang Palestino na naghahanap ng ayudang pagkain. Tinatayang 13 ang namatay sa araw na iyon, ayon sa Government Media Office ng Gaza.

“‘Di ko akalaing tama ng bala sa balikat ang iuuwi ko imbis na pagkain,” aniya.

Alam nilang mapanganib ang mga itinakdang aid center ng Israel, sa pangangasiwa ng GHF. Sunod-sunod na noon ang naitalang pamamaril sa mga Palestinong pumupunta para makakuha ng pagkain.

Sa huling tala, 330 na ang napatay, 2,649 ang sugatan at siyam ang nawawala, sa pagsalakay ng Israel sa mga pumupunta sa GHF aid centers mula una itong mag-operate noong Mayo 27.

Tinatayang 16 Palestino ang pinapatay kada araw sa mga naturang bigayan ng ayuda sa nakalipas na tatlong linggo.

Nitong Hun. 17, lampas 70 katao ang naitalang patay sa pamamaril sa GHF center sa lungsod ng Khan Younis sa timog-Gaza. Inaasahang tataas pa ang bilang dahil kritikal ang kondisyon ng marami sa sugatan. Itinuturing ito ngayong “pinakamadugong araw” sa mga bigayan ng ayuda sa Gaza.

Nagluluksa ang mga Palestino sa bangkay ng isa sa mga biktima ng pamamaril sa GHF aid center sa Gaza. Abdel Kareem Hana/AP

Ayon sa mga saksi, gumamit ng mga tangke, drone at malalakas na baril ang mga sundalong Israeli sa pagsalakay sa mga sibilyang Palestino. Sa ulat ng Al Jazeera, gula-gulanit at hindi na makilala ang bangkay ng mga biktima.

Higit 40 katao naman ang pinatay sa naunang pamamaril sa GHF center sa Rafah noong Hun. 16. Sa isang pahayag, inako ng Israeli Defense Forces (IDF) ang naturang pamamaril at sinabing tinitiyak lang nito ang kaligtasan ng kanilang tropa.

Marso 2025, ipinagbawal ng Israel ang pagpasok ng lahat ng makataong ayuda, na dating pinangangasiwaan ng United Nations (UN), sa buong Gaza.

Kapalit nito, kinontrata ng mananakop na estado ang GHF, organisasyon ni Johnnie Moore na spiritual adviser ni United States President Donald Trump, bilang opisyal at tanging tagapangasiwa ng ayuda sa Gaza. Umupa rin ang GHF ng mga pribadong military contractor mula US para sa “seguridad” ng aid centers, na tinatawag ngayong “execution site” ng maraming Palestino.

Gaza Humanitarian Foundation (GHF) executive chairman Johnnie Moore na spiritual adviser ni US President Donald Trump. Jerusalem Post

Patibong

Ipinuwesto sa dulong-timog na bahagi ng Gaza ang mga aid center ng GHF. Para makakuha ng ayuda, kailangang maglakad nang kilo-kilometro at tawirin ang mga lugar na mahigpit na kontrolado ng IDF.

Sa daan papuntang GHF center kadalasang sinasalakay ang mga Palestino, gaya nina Agha.

“Maghapon nagpapaputok ang mga tangke sa aid sites na ito. Namamaril ang mga sniper mula sa isang dating ospital. Buong araw nagliliparan ang mga bomba at bala sa iisang direksyon – papunta sa mga Palestino,” salaysay na inilathala ng Zeteo mula sa isang Amerikanong mersenaryo ng UG Solutions, isa sa mga pribadong military contractor ng GHF.

Isa siya sa 300 mersenaryo mula sa US na inupahan para magbantay sa mga GHF aid center. Malaki aniya ang bayad at inakala niyang mabuti ang kanilang misyon. Pero karumal-dumal ang nasaksihan niya sa mga aniya’y “patibong na ayuda” ng Israel.

“Hindi ko na ikakagulat kung sinasadyang sa gabi ideliver ang mga ayuda, para mapapunta doon ang mga tao, at saka naman sila pagbababarilin,” sabi ng mersenaryo, na hindi nagpapangalan para sa sariling kaligtasan.

Sugatan sa pamamaril sa GHF center sa Khan Younis noong Hunyo 17. Resistance News Network/Telegram

“Death trap” o nakamamatay na patibong ang aid centers ng GHF at walang layuning tugunan ang kagutuman, ayon kay United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees (UNWRA) Commissioner-General Philippe Lazzarini.

Dapat ligtas at sapat aniya ang pamamahagi ng ayuda na magagawa lang sa Gaza sa pamamagitan ng UNWRA.

“Mayroon kaming kasanayan, kaalaman at tiwala ng komunidad,” ani Lazzarini.

May 12,000 humanitarian staff ang UNWRA at mga warehouse sa labas ng Gaza na puno ng ayudang katumbas ng 6,000 truck.

Paliwanag ni Agha, kung hindi lang sa sobrang kagutuman, hindi nila ipakikipagsapalaran ang buhay sa pagpunta sa GHF aid centers.

“Kailangan naming mamatay para may maipakain sa mga anak namin, para makakuha kahit isang kilong harina,” aniya.

Sa tala ng UN, isa sa limang tao sa Gaza ang sadlak sa kagutuman habang 93% ng tinatayang 2.3 milyong populasyon ang nakakaranas ng malubhang kakulangan sa pagkain, dahil sa pagharang ng Israel sa pagkain at makataong ayuda.

Batang nawalan ng tahanan sa Gaza. United Nations

Magdadalawang taon nang pinupulbos ng Israel ang Gaza. Bukod sa ayuda, wala na halos napagkukunan ng pagkain ang mga Palestino doon.

Nawasak na ang 80% ng mga lupang taniman sa Gaza at maaring sumahol pa ang kawalan ng pagkain sa pagtindi ng operasyong militar, ayon sa ulat ng World Food Program nitong Mayo.

Para kay Christopher Lockyear, secretary general ng Doctors Without Borders (Médecins Sans Frontières o MSF), ginagamit ng US at Israel ang ayuda bilang kasangkapan sa militarisasyon. Tanging mga organisasyong makatao lang aniya ang dapat mangasiwa sa ayuda, hindi ang mga sangkot sa armadong tunggalian.

Papasukin ang ayuda

Nanawagan ang Government Media Office ng Gaza para sa isang independiyenteng imbestigasyon at kagyat na pagpapatigil sa operasyong ayuda ng GHF. Maituturing anilang “war crimes” at “krimen laban sa sangkatauhan” ang patibong na ayuda ng US at Israel.

Enero 2024 pa inutusan ng International Criminal Court (ICJ) ang Israel na itigil ang mga gawaing maituturing na henosidyo laban sa mga Palestino at papasukin ang makataong ayuda sa Gaza.

Ayon naman kay Lazzarini, dapat itigil na ng Israel ang pagsalakay sa Gaza at payagan ang ligtas at malayang pamamahagi ng ayuda ng UN. Ito aniya ang tanging paraan para mapigilan ang malawakang kagutuman, kabilang ang isang milyong bata.

Parehong iginigiit ng US at Israel na makipagtulungan na lang ang UN sa GHF sa pamamahagi ng ayuda.

Pero sabi ni Jens Laerke, tagapagsalita ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), palpak ang GHF dahil kapos, marahas at hindi tugma sa mga prinsipyo ng pagiging makatao ang ginagawa nito.

“Hindi nila ginagawa ang dapat na gawain ng isang humanitarian operation, ang ligtas at maayos na pamamahagi ng ayuda sa mga tao,” aniya.

GHF aid distribution center sa Gaza. Moiz Salhi/APA Images

Ipinatigil ng Israel ang pamimigay ng ayuda ng UN sa Gaza dahil kinukuha daw ng Hamas ang suplay nito, bagay na nauna nang pinasinungalingan ng UN at mga institusyong kontra-disimpormasyon.

Inamin ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pinopondohan ng Israel ang sindikato ng drug-lord na si Yasser Abu Shabab para tulungan silang labanan ang Hamas. Si Abu Shabab ang itinuturong nasa likod ng talamak at marahas na pagnanakaw ng ayuda sa Gaza.

Balak namang maglaan ng US State Department ng $500 milyong pondo para sa GHF sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID), na naunang ipinasara ni Trump.

Pandaigdigang kilusan

Kasunod ng pagkakabalita ng mga pagpatay sa GHF aid centers, naglayag ang barkong “Madleen” ng Freedom Flotilla Coalition (FFC) mula Italy papuntang Gaza. Layon nitong “basagin” ang blokeyo ng Israel at makapaghatid ng ayudang pagkain, gatas, gamot at iba pang pangangailangan para sa mga Palestino.

Pero bago pa makapasok ng Palestine, hinarang na ng Israel sa internasyunal na katubigan ang Madleen noong Hun. 9. Inaresto ang 12 volunteers ng barko, kabilang ang kilalang Swedish na aktibistang pangkalikasan na si Greta Thunberg.

“Ginagawa natin ito dahil anumang hadlang ang harapin natin, kailangang patuloy tayong magsikap [na maghatid ng ayuda], dahil ang pagtigil ng ating pagsisikap ay ang sandaling nawawala rin ang ating pagiging tao,” sabi ni Thunberg, bago harangin ang Madleen.

Nauna nang ipinadeport ang 10 sakay ng Madleen, kabilang si Thunberg, habang nakakulong pa ang dalawang French national.

Noong Mayo 20, pinalubog ng Israeli drone ang barkong “Conscience” na naunang pagtatangka ng FFC na maghatid ng ayuda sa Gaza.

Barkong Madleen habang naglalayag papuntang Gaza. Freedom Flotilla Coalition

Kasalukuyan namang nagsisikap ang libo-libong aktibista mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang mga Pinoy, na magmartsa papuntang Gaza para manawagan ng malayang pagpasok ng ayuda at itigil ang pagsalakay ng Israel.

Higit 500 nang kalahok sa tinawag na “Global March to Gaza” ang naiulat na inaresto at binugbog ng gobyerno ng Egypt, sa pagtatangkang makalapit sa hangganan ng Rafah sa Gaza.

Kasunod naman ng pagharang at pag-aresto sa Madleen, inanunsyo ng Malaysian Consultative Council of Islamic Organisations (MAPIM), na pangungunahan nito ang “Thousand Ship Flotilla” na magiging “pinakamalaking pagkilos sa karagatan” para basagin ang blokeyo ng Israel sa Gaza.

Ayon kay Azmi Abdul Hamid, pinuno ng MAPIM, nakakuha sila ng malawakang suporta at binubuo na ang koordinasyon sa mga kalahok mula sa Europa, Asya at Latin Amerika.

Sa isang pahayag, inilatag ng MAPIM ang mga layunin ng kanilang flotilla kabilang ang pagtigil sa blokeyo sa Gaza, paghatid ng ayuda, pagtiyak sa proteksiyon ng mga Palestino at pagpapanagot sa mga “war crime” ng Israel. /May ulat ni Lovely Camille S. Arrocena

Isinalin sa Filipino ang lahat ng naiulat na panayam.