Hatol ng ICJ, ano ang epekto sa Gaza?


Nakakatulong ang desisyon ng International Court of Justice sa paglalantad sa mga krimen ng Israel, ayon kay Sami Abu Zuhri, opisyal ng Hamas. Nanawagan din siya na dapat puwersahin ang Israel na sumunod sa hatol ng korte.

Posibleng “henosidyo” o pagpuksa sa isang buong lahi ang apat na buwan nang pagpulbos ng Israel sa Gaza Strip at pagpatay ng mahigit 26,000 Palestino. Ito ang paunang hatol ng International Court of Justice (ICJ) sa kaso ng paglabag sa 1948 Genocide Convention na isinampa ng South Africa laban sa Israel.

Inutusan ng ICJ ang Israel na pigilan ang mga gawain nitong maituturing na henosidyo laban sa mga Palestino, pigilan at panagutin ang mga pahayag na nag-uudyok nito, gumawa ng hakbang para mabawasan ang pagkamatay at pagkawasak, at papasukin ang humanitarian aid sa Gaza, habang itinutuloy ng kataas-taasang korte ng United Nations (UN) ang pagdinig sa kaso.

Walang iniutos ang ICJ na tigil-putukan at pagpapahinto sa operasyong militar ng Israel sa Gaza, na ipinapanawagan ng South Africa, ng mamamayan ng Palestine at ng buong mundo.

Gayunman, tinawag pa rin ng South Africa na “mapagpasyang tagumpay” para sa pandaigdigang batas ang paunang hatol ng ICJ. Sabi ni South African President Cyril Ramphosa, paunang hakbang ito sa “paghahanap ng katarungan para sa mamamayan ng Gaza.”

Nakakatulong ang desisyon ng ICJ sa paglalantad sa mga krimen ng Israel, ayon kay Sami Abu Zuhri, opisyal ng Hamas. Nanawagan din siya na dapat puwersahin ang Israel na sumunod sa hatol ng korte.

Galit na tinutulan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang hatol. “Kasinungalingan” at “nakakagalit” aniya ang mga bintang na henosidyo. At ang pagpayag raw ng ICJ na dinggin ang kaso ay “kahihiyan na hindi malilimutan ng susunod na henerasyon.”

“Hindi dapat pinapakinggan ang mga desisyon na banta sa Estado ng Israel,” sabi naman ni Israeli National Security Minister Ben-Gvir, isa sa mga tinukoy sa kaso na tagasulsol ng henosidyo laban sa mga Palestino.

Pinirmahan ng mahigit 153 bansa noong 1948 ang Convention on the Prevention and Punishment of the Crime of Genocide na pinakaunang tratado ng UN para sa karapatang pantao. Layon nitong pigilang maulit ang mga kalupitan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Itinuturing ng UN na pandaigdigang krimen ang henosidyo. Tinukoy ito bilang mga hakbang na may layuning “puksain, sa kabuuan o bahagi, ang isang grupong pambansa, pang-etniko, panglahi o panrelihiyon.” Kabilang dito ang pagpatay sa isang grupo, matinding pisikal at mental na pananakit, pagsasadlak sa mga kondisyong mapangwasak, pagpigil sa panganganak, at sapilitang pagpapaalis sa mga bata papunta sa ibang grupo.

Pagdinig ng International Court of Justice sa kasong henosidyo na isinampa ng South Africa laban sa Israel. ICJ

Para kay Atty. Edre Olalia, tagapangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at interim president ng International Association of Democratic Lawyers (IADL), maituturing na henosidyo ang ginagawa ng Israel sa Gaza dahil sa dami ng pinatay at sa tindi ng pinsala nito sa mga Palestino.

“Sa layunin man o sa naging epekto, genocidal yan dahil sa simpleng katotohanan na maraming sibilyan ang pinatay, mga bata, doktor, journalists, walang kinikilala,” aniya.

Patunay din aniya na may layuning genocidal ang Israel dahil sa mga pahayag ng mga opisyal nito, bagay na kinilala rin ng ICJ.

Wala pang pinal na hatol ang korte kung henosidyo ang ginagawang pagpulbos ng Israel sa Gaza. Ayon sa mga eksperto, maaaring taon pa ang bilangin bago madesisyunan ito.

Gayunman, kinilala ng korte ang mga inihaing ebidensya ng South Africa sa kondisyon ng mga Palestino sa Gaza bilang patunay ng henosidyo.

Kabilang dito ang napakataas na bilang ng mga namatay, lalo na ng mga bata, ang malawakang pagkawasak, at ang sumasahol na kalagayan ng mga Palestino sa Gaza na humaharap sa kagutuman at pagbagsak ng sistemang pangkalusugan.

Sinabi ni Judge Joan Donoghue, presidente ng ICJ, na nagpasya ang korte na kailangan ng mga “provisional measures” dahil nakikita nitong maaaring lumala pa ang “kalunos-lunos na kalagayan” sa Gaza bago pa lumabas ang pinal na hatol.

Para kay Olalia, mahalaga ang pagsasampa ng kaso ng South Africa dahil dinulog nito ang malagim at karima-rimarim na kolektibong pamamarusa sa mga Palestino sa pandaigdigang hukuman.

“Highly significant siya. Pagsasakongkreto ito ng malawak na panawagan para sa ceasefire. Ang mahalaga dito ay matigil ‘yong pagpatay ng sibilyan,” aniya.

Binuo ang ICJ noong 1945 para lutasin ang mga kaso sa pagitan ng mga bansa.  Obligado ang 193 bansang kasapi ng UN na tumalima dito. Iba pa ito sa International Criminal Court (ICC) na dumidinig naman sa mga kaso laban sa mga indibidwal.

Sa kabila ng mga malabong salitang ginamit hinggil sa mga “provisional measures,” “maingay at malakas na sampal sa mukha” pa rin ang hatol sa “mayabang at mapagmagaling na Israel” sabi ni Olalia.

Mula nang isampa ng South Africa ang kaso ng henosidyo noong Dis. 29, 2023, makailang ulit nang nagpahayag ang Israel na hindi susunod sa anumang hatol ng ICJ.

Galit na tinutulan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang hatol. “Kasinungalingan” at “nakakagalit” aniya ang mga bintang na henosidyo. Screengrab mula sa Prime Minister of Israel/X (dating Twitter)

“Walang makapipigil sa amin—hindi ang The Hague [siyudad sa The Netherlands kung nasaan ang ICJ], hindi ang axis of evil, walang sino man,” pahayag ni Netanyahu noong Disyembre.

Walang kapangyarihan ang ICJ na ipatupad ang mga hatol nito. Kaya lang nitong obligahin ang mga bansang nakapirma sa Genocide Convention na gumawa ng mga hakbang para pigilan ang henosidyo.

“Sa kasamaang palad, wala siyang enforceability [bagaman] legally binding at morally compelling,” ani Olalia.

Noong 2004, hinatulan ng ICJ na “ilegal” sa internasyonal na batas ang itinayong pader ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine sa West Bank. Sinuway ito ng Israel at pinalawak pa ang mga pader.

Gayunman, umaasa pa rin si Olalia na kalaunan ay “magbigay-daan ang hatol para kahit pansamantala ay matigil ang mga atake sa mamamayan ng Palestine.”

Maaaring gamitin ang hatol ng ICJ para itulak ang UN Security Council (UNSC) na maglabas ng resolusyon para sa tigil-putukan. Mapapalakas din nito ang pandaigdigang pressure mula sa mga bansa, institusyon at kilusan ng mamamayan para itigil ang brutal na pagsalakay sa mga Palestino ani Olalia.

Naipasa na ni UN Secretary General Antonio Guterres sa UNSC ang hatol ng korte at hinikayat ang mga kasaping bansa ng UN na tumalima dito.

Inutusan din ng ICJ ang Israel na magsumite ng ulat sa loob ng isang buwan. Pero dahil hindi iniutos ang pagtigil sa operasyong militar, hindi maituturing na paglabag sa hatol ang patuloy na pagsalakay at pagpapaulan ng bomba ng Israel sa mga Palestino.

Noong Ene. 26, araw na ibinaba ang hatol ng ICJ, 183 Palestino ang pinatay ng Israel Defense Forces (IDF) sa Gaza sa loob lang ng 24 oras. Sa tala ng UN, isang bata ang namamatay sa Gaza kada 15 minuto.

Nakikisilong sa Al-Aqsa Martyrs Hospital sa timog Gaza si Ahmed al-Naffar. Nang ibaba ang hatol ng ICJ, kakatawag niya lang sa anim na anak. Ipinangako niya sa mga ito na magiging positibo para sa kanila ang desisyon ng korte, na malamang na mapatigil na nito ang pagsalakay ng Israel.

“Nagkamali ako. Nakakalungkot at nakakadismaya,” sabi niya sa panayam ng Al Jazeera.

Dismayado ang maraming Palestino sa Gaza sa hindi pag-uutos na itigil ang operasyong militar ng Israel. Umasa kasi sila na kung may tigil-putukan, makabalik na sila sa kanilang mga tahanan at masimulang bumangon.

“Napapanood ng lahat ang pagpuksa sa amin nang walang ginagawang aksiyon para seryosong itulak ang ceasefire,” ani al-Naffar.

Ani Monhammed Al-Minawi (kaliwa), kung patuloy na mananahimik ang ibang bansa, hindi rin ito sasapat para mapigilan ang kanilang pagdurusa. Abdelhakim Abu Riash/Al Jazeera

Noong Marso 2022, inutusan ng ICJ ang Russia na itigil ang aksiyong militar laban sa Ukraine.

Nagpasalamat naman si Mohammed Al-Minawi sa pagsasampa ng kaso ng South Africa laban sa Israel. Pero kung patuloy aniyang mananahimik ang ibang bansa, hindi rin ito sasapat para mapigilan ang kanilang pagdurusa.

“Sinasabi ng lahat na ‘magpapadala sila ng ayuda.’ Pinapatay kami ng Israel at ang minamadali n’yo lang ay pagpapadala ng ayuda? Bakit hindi proteksiyon ang ibigay n’yo?” aniya.

Inaabangan pa ng buong mundo kung mapapahupa o tuluyang mapapatigil ng ipinataw na mga hakbangin ng ICJ ang pagpuksa ng Israel sa mga Palestino. Ang tiyak lang ngayon sa mga taga-Gaza, sumasahol pa rin ang kanilang kalagayan, kada 15 minuto, may isang bata pa ring mamamatay.

Buntis ang asawa ni Hassan Khalil na si Tahrir Sheikh. Nangangamba sila sa kinabukasan ng anak. Hindi nila nakikitang may mababago sa kanilang kalagayan sa kabila ng hatol ng ICJ, hanggang may mas malakas na kapangyarihang nagtatanggol sa Israel.

“Walang sumusuporta sa amin. Walang makakapigil sa Israel, hindi mga desisyon ng korte o resolusyon ng UN. Hanggang sinusuportahan ng US ang Israel, patuloy kaming magdurusa,” ani Hassan.