Mga simbahan sa Jerusalem, kinondena ang atake sa Gaza


Nangyari ang pag-atake sa mga sibilyang Palestino noong umaga ng Peb. 29 sa pagdating ng suplay ng harina sa timog kanluran ng Gaza City.

Sa isang sama-samang pahayag nitong Mar. 1, mariing kinondena ng mga patriyarka at pinuno ng mga simbahang Kristiyano sa Jerusalem ang karahasan at pag-atake ng mga puwersang Israeli sa mga sibilyan sa Gaza na kukuha sana ng harina upang makakain ang kanilang mga pamilya.

“Kami, ang mga Patriyarka at mga Pinuno ng mga Simbahan sa Jerusalem, ay kinokondena ang walang habas na pag-atake sa mga inosenteng sibilyan at nananawagan sa mga nagdidigmaang partido na magkasundo para sa kagyat at pangmatagalang tigil-putukan upang pahintulutan ang mabilis na pamamahagi ng tulong sa buong Gaza Strip at para sa pagpapatupad ng napag-usapang pagpapalaya sa mga bihag at bilanggo,” pahayag ng mga pinuno sa Ingles.

Nangyari ang pag-atake sa mga sibilyang Palestino noong umaga ng Peb. 29 sa pagdating ng suplay ng harina sa timog kanluran ng Gaza City. Pinagbabaril ng Israel Defense Forces (IDF) ang mga Palestino na nagresulta sa mahigit 100 nasawi at daan-daan na malubhang nasugatan.

Ayon sa mga doktor na nasa lugar at sa mga ospital, karamihan ng nasawi ay dahil sa tama ng bala, habang ang iba nama’y nasaktan sa kaguluhan ng mga tao at nasagasaan ng mga relief truck.

Nagawa pang purihin ng Israeli Minister of National Security Itamar Ben-Gvir ang IDF at itinuro pa ang sisi sa kaguluhan sa mga biktima na malaon nang ginugutom at pinagkakaitan ng pangunahing pangangailangan dahil sa panghaharang ng Israel.

Patuloy na nakikiisa ang mga pinuno ng mga simbahan sa Jerusalem sa mga mamamayang naiipit sa pag-atake ng Israel. Nagpaabot din sila ng pakikiisa sa mga ospital na patuloy na naglilingkod sa kabila ng giyera.

“Marubdob ang aming pag-asa na sa pagtatapos ng karahasan, paglaya ang mga bihag at pangangalaga sa mga inaapi ay magbubukas ng seryosong diplomatikong pag-uusap sa pagkakaroon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa lupain kung saan unang pinasan ng ating Panginoong Hesukristo ang krus para sa atin,” ayon sa pahayag ng mga pinuno ng simbahan.

Samantala, nanawagan din si Papa Francisco ng kagyat na tigil-putukan sa Gaza at iba pang bahagi ng Gitnang Silangan sa kanyang mensahe matapos magdasal ng Angelus sa bintana ng Papal Apartments sa Vatican City nitong Mar. 3.

“Libo-libo na ang patay, sugatan, lumikas at ang matinding pagkawasak ay nagdudulot ng paghihirap, at mayroon itong kalunos-lunos na epekto sa mga maliliit at walang laban, na nakikita ang kanilang kinabukasan sa kompromiso,” wika ng Santo Papa sa wikang Italyano.

“Isigaw nating lahat: Tama na, pakiusap! Itigil na!” panawagan ng pinuno ng Simbahang Katoliko.