Digmaan para sa katotohanan mula Pilipinas hanggang Gaza
Kasing lagim din ng sa Pilipinas—mahigit 200 mamamahayag na ang pinatay mula 1986. Sa Gaza, 274 peryodista, 269 dito ang Palestino, ang namatay sa loob lang ng 673 araw.
Sa Pilipinas, madalas i-red-tag o akusahang rebelde o terorista ang mga mamamahayag na humahantong sa pang-aalipusta, pagkakulong o pagpaslang.
May katulad na pamamaraan ng panunupil sa Gaza, kung saan ginamit ng Israel ang gasgas na linya na si Anas al-Sharif ay miyembro umano ng Hamas upang bigyang katuwiran ang pagpaslang sa kanya—walang ebidensiya, tanging imbentong paratang.
Hindi pangkaraniwang mamamahayag si al-Sharif. Pinarangalan siya ng Amnesty International Australia ng 2024 Human Rights Defender Award at nanalo ng Reuters Breaking News Photography Award.
Sa kanyang pag-uulat, dama ang init ng pagmamahal sa bayan—binigyan niya ng mukha, pangalan at emosyon ang mga pinatay, ginutom, inulila at tinanggalan ng komunidad. Hindi niya isinuko ang tungkulin kahit sa gitna ng matinding panganib.
Kaaway ng katotohanan
Noong Ago. 10, pasado alas-11 ng gabi, habang nagpapahinga sa media tent sa harap ng ospital, pinaslang si al-Sharif at ang kanyang mga kasama ng attack drone ng Israel.
Tatlong mamamahayag ng Al Jazeera na sina Mohammed Qreiqeh, Ibrahim Zaher at Mohammed Noufa. Nasawi rin sa insidente ang dalawa pang freelance journalist na sina Moamen Aliwa at Mohammed al-Khaldi.
Kinabukasan, agad nagsagawa ng kilos-protesta ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa University of the Philippines Diliman upang kondenahin ang pagpaslang. Binasa ni Marty Apuhin ng Matanglawin ng Ateneo de Manila University ang huling habilin ni al-Sharif.
“Alam ni Allah na ginawa ko ang lahat upang tumulong at maging boses ng aking bayan,” ani Al-Sarif sa inihandang mensahe bago siya paslangin ng Israel.
This is my will and my final message. If these words reach you, know that Israel has succeeded in killing me and silencing my voice. First, peace be upon you and Allah’s mercy and blessings.
— ??? ?????? Anas Al-Sharif (@AnasAlSharif0) August 10, 2025
Allah knows I gave every effort and all my strength to be a support and a voice for my…
Walang patumpik-tumpik ang pahayag ng batikang mamamahayag ng alternatibong midya na si Raymond Villanueva, “Ang kaaway ng katotohanan ang pumatay sa mamamahayag. Ang katotohanan: sinakop ng mga demonyong [Zionistang Israel na] likha ng imperyalistang [United Kingdom] at [United States] ang Palestina.”
May dalawang linggo lang ang lumipas, may anim mamamahayag ulit sa Gaza ang pinaslang ng Israel. Noong Ago. 23, pinaslang si Khaled al-Madhuon ng Palestine TV. Dalawang araw matapos nito, Ago. 25, pinatay ng isang airstrike sina Hossam al-Masri ng Reuters, Mariam Abu Daqqa ng The Independent at Associated Press, Moaz Abu Taha ng NBC, Mohamad Salama ng Al Jazeera at Ahmed Abu Aziz na mamamahayag sa iba’t ibang media outlet sa Palestine.
Para sa maraming mamamahayag sa Gaza, demonyo nga ang Israel. Karamihan sa kanila’y may nakahandang huling habilin—patunay ng kawalan ng tiwala na igagalang ng Israel ang kanilang karapatan sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL).
Mula Okt. 7, 2023, mahigit 60,000 batang Palestino, kabilang ang mga sanggol at bata, ang namatay at nasugatan, karamihan dahil sa walang habas na pambobomba at pamamaril ng Israel Defense Forces (IDF). Ngunit patuloy pa ring inilalarawan ng Kanluraning midya ang Israel na tila walang kakayahang gumawa ng mali.
Ilan sa mga mapanlinlang na headline:
- “Israel says Anas al-Sharif was a member of Hamas…” —BBC News
- “Israel kills Al Jazeera journalist it accused of leading Hamas terror cell” —Daily Telegraph
- “Strike That Killed 5 Journalists Was Aimed at One of Them, Israel Says” —New York Times
- “Five Al Jazeera journalists are killed… IDF says it was targeting Hamas cell leader posing as correspondent” —Daily Mail
Magtitiwala pa ba tayo sa Kanluraning midya hinggil sa Palestine kung hindi nila nagawang maging tapat sa pag-uulat para sa kapwa mamamahayag na walang habas na pinatay ng Israel? Kasabwat ang midya ng US at Europa: ginagawang “lehitimo” ang henosidyo sa pamamagitan ng kanilang kasinungalingan, paglilihis at pambabaluktot.
Magkahalintulad, limitado pa sa kaisahan
Kasing lagim din ng sa Pilipinas—mahigit 200 mamamahayag na ang pinatay mula 1986. Sa Gaza, 274 peryodista, 269 dito ang Palestino, ang namatay sa loob lang ng 673 araw. Mas marami pa ito kaysa sa pinagsamang bilang ng mga mamamahayag na pinaslang sa World War II, Korean War, Vietnam War at Afghan War.
Ilang linggo bago mamatay si al-Sharif, naglunsad ng kampanya ang mga Pilipinong mamamahayag gamit ang #StopKillingJournalists. Umani ng malawak na atensiyon ang post ng beteranong mamamahayag na si Cheche Lazaro na isang larawan kung saan kapanayam niya ang kasapi ng New People’s Army sa ilalim ng malaking pulang bandila ng Communist Party of the Philippines sa kabundukan.
‘EXCLUSIVE: KAPATID LABAN SA KAPATID’ In March 2000, Probe released Cheche Lazaro’s exclusive interview with NPA leader Jovencio Balweg, where he admitted to plotting the execution of his brother, Conrado Balweg, the year before. The Probe Team also documented life in a remote NPA camp. This is just one of the many interviews Probe has done. Moreover, the producer of this exclusive interview has had over 20 years of experience covering stories on the conflict, including covering the CPP-NPA, MILF, MNLF, Abu Sayyaf group, among others. Since we started in 1987 up until today, we at Probe make sure that all the stories we produce and air are factual and balanced, and that all sides are heard– whether they be from the government or other forces. After all, as journalists, it is our responsibility to work hard and go through all possible sources to uncover the truth. #ProbeArchives #HistoryOnReel #Probe
Posted by Probe on Monday, August 11, 2025
Makapangyarihan ang larawan. Paalala na hindi propaganda ang pamamahayag kundi paghahanap ng katotohanan, saan man o kanino man. Hindi ito pagiging nyutral o ligtas, kundi pagbibigay-boses sa mga pinatatahimik, lalo na ang mga inalisan ng tinig ng digmaan, pagsasamantala at pang-aapi.
Gayunpaman, nagpapatuloy ang prosekusyon at pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa.
Ngayong 2025, halos 16 na taon matapos kondenahin ng mundo ang Ampatuan Massacre na kumitil ng 32 mamamahayag sa isang insidente, nananatiling isa sa pinakamapanganib na bansa para sa midya ang Pilipinas.
Nitong Hulyo, binaril ng dalawang armadong lalaki si Erwin Labitad ng Radio Wow FM. Noong Oktubre 2022, tinambangan si Percy Lapid, komentarista at kritiko ng red-tagging at korapsyon, habang pauwi mula trabaho. Noong Disyembre 2021, pinatay si Jesus Malabanan, mamamahayag na nag-ambag sa Pulitzer-winning report hinggil sa giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte.
Nakapiit pa rin si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista, matapos sampahan ng gawa-gawang kasong terrorism financing at illegal possession of firearms na inaresto sa reyd sa kanilang opisina sa Tacloban City noong 2020.
Hindi rin bago ang mapandigmang panghihimasok ng US. Noong 2017, sa suporta ng Washington, limang buwang pinaulanan ng bomba ang Marawi City hanggang mapulbos ito sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa kabila ng mga pagkakatulad ng sitwasyon ng mamamahayag sa Gaza at Pilipinas, mahina ang pakikiisa ng huli sa una. Bagamat unti-unting napipihit ang pagbabalita mula sa purong naratibo ng Israel tungo sa mas obhetibong pagbabalitang kumikilala sa paglabag sa karapatang pantao ng mga Palestino, malaki pa rin ang kakulangan.
Kapansin-pansin ang mabilis na pag-pick up ng midya sa mga pahayag ng Israel at US, habang libo-libong sanggol at batang Palestino na ang pinapatay bago mabigyan ng espasyo ang kanilang danas.
Kamakailan, inilabas ni Francesca Albanese, United Nations (UN) Special Rapporteur on Occupied Palestinian Territories, ang ulat na nagsisiwalat ng ugnayan ng mga kompanya ng mga abanteng armas pandigma at ng henosidyo sa Palestine.
Sa kabila nito, may mga mamamahayag pa rin na makaisang panig na tumitingin tangi bilang eksperto sa teknolohiya ng Israel, gaya ng artikulo ni Manny Mogato noong Hun. 17 na humihimok ng higit na kooperasyon sa Israel para sa pagbili ng anti-drone weapons at Iron Beam.
Ayon sa Stockholm International Peace Research Institute, mula sa Israel ang nasa 28% ng armas na inaangkat ng Pilipinas. Kadalasang ginagamit ang mga ito laban sa mga komunidad ng magsasaka, katutubo at Moro. Kung kaya’t patuloy ang pag-iingay ng maraming Pilipinong mamamahayag at manunulat.
Sa paparating na Frankfurt Book Fair sa Germany, maraming manunulat ang nagboykot kahit pa guest of honor ang Pilipinas, dahil sa koneksiyon ng book fair sa mga kompanyang Israeli na gumagawa at nagdedebelop ng artificial intelligence, kagamitan sa paniniktik at armas pandigma.
Nitong Ago. 22, nanawagan ang Philippine-Palestine Friendship Association sa mga mamamahayag, “Do not whitewash genocide.”
Ito’y matapos lumabas sa X (dating Twitter) na 16 Pilipinong mamamahayag ang dadalo sa Israel-sponsored junket na inorganisa Israeli Embassy bilang “journey of understanding.” Malinaw ang layunin—gamitin ang midya para sistematikong itanggi, baluktutin, at burahin ang karumal-dumal na pinaggagawa nila sa Gaza.
? We’ve crossed 100+ signatories—and counting! AN OPEN LETTER TO FILIPINO JOURNALISTS: DO NOT WHITEWASH…
Posted by Philippines-Palestine Friendship Association on Friday, August 22, 2025
Panggigipit man ng network na madalas pag-aari ng mga burgesya-komprador at asyendero, o pansariling karera ang dahilan ng pagsama ng mga mamamahayag, isaisip sana nila na sa kalagayang kahit UN ay hindi napipigilan ang pagpaslang ng Israel sa mamamayang Palestino pati na sa mga bata.
Tanging ang pagsiwalat sa katotohanang tungkuking ilathala ng mamamahayag, sa ngayon, ang pinakamabisang pananggalang ng mga Palestino laban sa paglipol sa kanilang lahi.
Mula Oktubre 2023, sa mga panayam ng foreign press kay Maria Ressa, nakiisa ang mamamahayag at 2021 Nobel Peace Prize awardee sa panawagang itigil ang pagpatay sa mga mamamahayag. May mga pahayag din siya hinggil sa kalunos-lunos na kalagayan ng mamamayan sa Gaza.
‘Di matatawaran ang ginampanang papel n Ressa sa paglaban sa awtoritaryanismo ni Rodrigo Duterte at sa madugo nitong drug war na kumitil sa buhay ng tinatayang 30,000 Pilipino. Naging matatag din siyang tagapamandila sa kalayaan sa pamamahayag.
Subalit hanggang ngayon, limitado ang pagkondena ang mamamahayag sa kakaibang lebel ng kalupitan ng Israel sa mga Palestino. Sa kabila ng pagtindig ng National Union of Journalists of the Philippines, marami pa ring peryodista ang tahimik sa usapin ng mga pagpaslang sa kanilang mga kabaro sa Gaza.
Statement | We stand with colleagues in Gaza The National Union of Journalists of the Philippines condemns the targeted…
Posted by National Union of Journalists of the Philippines on Monday, August 11, 2025
Hindi matitigil ang kalunos-lunos na kalagayan at pagpatay sa mamamahayag kung hindi tutukuyin at kokondenahin ang pangunahing entidad na sanhi nito—ang Israel. Makokondena ba niya ang madugong drug war sa Pilipinas nang hindi kinokondena ang punong tagapagpatupad nito na si Duterte?
Maganda sana kung ang mga tulad ni Ressa at iba pang kilalang pangalan sa midya ang malinaw na maninindigan laban sa henosidyong isinasagawa ng Israel sa mga Palestino.
Pero halos dalawang taon nang pinapatay ng IDF ang mamamayang Palestino sa Gaza at West Bank. Nakabibingi ang katahimikan ng maraming Pilipino.
Kung sa pagpatay ng gobyerno sa mga aktibista, magsasaka, unyonista at mahihirap na biktima ng giyera kontra tahimik tayo, paano pa kaya sa mga mamamayang nasa kabilang panig ni mundo—mga mamamayang ipinintang terorista ng deka-dekadang misedukasyon na hinubog ng US.
Pero tulad ni al-Sharif, may mga mamamahayag pa rin na sa kabila ng peligrong kaakibat ng gawain at tentasyon sa pansariling karera na lang ang asikasuhin, mas pinipili maging matapat sa mamamayan. Matatagpuan sila sa dominant media, sa alternative media at independent publication.
Sa huling paalam ni al-Sharif, nag-iwan siya ng inspirasyon sa mga mamamahayag, “Naranasan ko na ang mga pasakit sa lahat ng anyo nito, nakatikim ng pagdurusa at pagkaulila ng maraming beses, ngunit ni minsa’y hindi ako nag-atubiling ipahayag ang katotohanan kung ano ito, nang walang pagbaluktot o palsipikasyon.”