Susunod na salinlahing Palestino, inuubos ng Israel
Sa kasalukuyang tala, 70% sa mga nasawi ay mga babae at bata. Nitong Ene. 19, ayon sa United Nations Women, 16,000 na ang namatay na kababaihan at bata, o dalawa kada oras.
Sa panahon ng sigalot, pangunahing kailangang protektahan ang mga pinakabulnerableng mamamayan, lalo na ang kababaihan at mga bata. Ngunit ayon sa American Political Science Association (APSA), hindi ito nangyayari sa lahat ng pagkakataon, tulad ng kalagayan sa Gaza.
Mahigit 100 araw na puno ng pambobomba ang nararanasan ng Gaza sa ilalim ng okupasyon ng Zionistang Israel. Mula noong Okt. 7, 2023, pumalo sa higit 26,000 Palestino ang namatay sa mararahas na pag-atake, liban pa ang 5,590 na namatay mula 2008 hanggang 2020.
Malinaw sa datos na hindi noong Oktubre lang nagsimula ang karumaldumal na pag-atake at walang habas na pagpatay sa lahing Palestino.
Sa kasalukuyang tala, 70% sa mga nasawi ay mga babae at bata. Nitong Ene. 19, ayon sa United Nations (UN) Women, 16,000 na ang namatay na kababaihan at bata, o dalawa kada oras.
Kasabay din ng walang habas na pagpatay ang panggigipit sa kanilang pang-araw-araw na buhay tulad ng paglimita sa pagkain, tubig, gamot, serbisyo at iba pang batayang pangangailangan.
Panggigipit sa kababaihan
Higit na naaapektuhan ng karahasan ng Israel ang kababaihan at mga batang babae sa Gaza ayon sa UN Women. Dahil sa pagharang sa humanitarian na tulong na nagpapalutang sa gender inequality, partikular ang akses sa mga sanitary product na kinakailangan ng kababaihan tuwing dinadatnan. Kapos rin ang malinis na tubig at pribadong lugar.
Sa ulat ni Bisan Owda, babaeng Palestinong mamamahayag, maraming kababaihan ang gumagamit ng retasong damit o tela mula sa mga tent bilang alternatibo sa kawalan ng sanitary pads na maaaring maghatid ng impeksyon.
“Dumarami ang mga kaso ng lagnat, na direktang konektado sa impeksyon sa ari ng babae dahil sa hindi sapat na kalinisan at kakulangan ng mga [menstrual hygiene product],” ayon sa isang doktor na nakapanayam ni Bisan.
Maaari din umanong mauwi sa kamatayan ang impeksyon kung hindi mabibigyan ng lunas. Ayon sa World Health Organization (WHO) at Doctors Without Borders, dumagdag sa pasanin ng mga ospital ang kawalan ng akses ng kababaihan sa lumalalang kalagayan ng health care system ng Gaza.
Nasa 15 sa halos 36 ospital na lang ang nagagamit sa Gaza na nakadepende sa mga generator para paganahin ang mga kagamitang medikal na mayroon ayon sa WHO.
Panganib sa bagong buhay
Isang maselang proseso ang pagbubuntis. Para sa kababaihang Palestino, malaking hamon na bigyang seguridad ang buhay nilang mag-ina sa gitna ng walang awang pag-atake ng Israel Defense Force (IDF) sa kanilang mga sinisilungan.
Ang higit tatlong buwan, panganib para sa 50,000 Palestinong nagdadalang-tao ang kawalan o kakulangan na ang ligtas na pasilidad at malinis na medical supply para sa kanilang panganganak.
“Ang lahat ng buntis ay nanganganib ngayon na manganak sa hindi ligtas na kalagayan, may mga sitwasyon kung saan may nanganganak sa loob ng mga sasakyan, tolda, at shelter,” ani Ammal Awadallah, executive director ng Palestinian Family Planning and Protection Association (PFPPA).
Ang kakulangan sa ligtas na lugar ang tumutulak sa mga kababaihan na sumailalim sa caesarean section kahit na walang anesthesia at postnatal care.
Ayon sa isang ginang mula sa Mughraqa sa gitnang bahagi ng Gaza, dalawang linggo simula ng nag-umpisa ang kaguluhan ang takdang araw ng kanyang panganganak. Wala siyang napagpilian kundi pumunta sa pribadong klinikang walang sapat na kagamitan.
“Inilagay ko sa panganib ang aking buhay at umaasa ako na hindi ko dinala ang aking anak sa mundong ito para lamang siya ay mapatay nang walang dahilan,” kuwento ng 30 taong gulang na ina sa UN Women.
Ang ilan naman sa kanila ay napapaaga ang pagle-labor, ngunit nananatili sa bingit ng kamatayan ang sanggol dahil walang kuryente o krudo ang generator na magpapagana ng ventilators na susuporta sa buhay ng sanggol.
Mula sa panayam ng Jezebel kay Nour Beydoun, regional advisor ng CARE International, isang humanitarian agency, pumalo sa 300% ang bilang ng mga babaeng Palestino ang nakukunan sa nakalipas na tatlong buwan dahil sa stress sa mga sunod-sunod na pambobomba ng IDF.
Iniuugnay ang pagtaas ng kaso dahil sa pananatili ng blockade ng Israel na pumipigil sa pagpasok ng pagkain, tubig at medical at hygienical supplies para sa mga Palestino partikular sa mga buntis.
Noong Okt. 8. 2023, pinasabog ng Israeli airstrike ang pasilidad ng PFPPA na pinag-iimbakan ng medical at hygienical supplies na susuporta sana sa libo-libong buntis at sanggol sa Gaza.
“Ang walang habas na pagpatay ng Israel ay sistematikong pag-target sa mga kababaihan na nagluluwal ng bagong henerasyon at pagpatay sa mga bata ay pagpigil ng salinlahi ng mamamayang Palestino,” ani Gabriela secretary general Clarice Palce sa paglulunsad ng One Billion Rising 2024: Rise for Freedom noong Nobyembre.
Pinagkaitan ng karapatan
Kinakaharap ngayon ng mga batang Palestino ang kawalan ng mga “safe zone,” bukod sa kaliwa’t kanang pambobomba, higit 1 milyon o buong populasyon ng mga bata sa Gaza ang walang sapat na akses sa pagkain, tubig at sanistasyon.
“Ang mga bata sa Gaza ay nauubusan na ng panahon, samantalang ang karamihan sa mga tulong na kanilang kailangan ay nananatiling stranded sa mahabang mga proseso ng inspeksyon,” sabi ng UN Children’s Fund (Unicef).
Sa bawat oras na lumipas tumitindi ang kakulangan sa ligtas na tubig at pagkain para sa mga bata at nanganganib na mamatay sa gutom at dehydration. Tumaas ang kaso ng diarrhea sa mga bata na higit sa 100,000, kasabay ang pagtaas ng malnutrisyon na “lubos na nakamamatay.”
Kaugnay nito ang paglipat-lipat ng lugar ng mga pamilya para sa seguridad at makakuha ng mga pangangailangan dahil sa pangwawasak ng Israel sa kanilang mga tahanan. Sa datos ng UN Office for Coordination of Humanitarian Affairs (Ocha), 60% ng kabahayan sa Gaza ay “nawasak o nasira.”
“Ang digmaan ay sobrang nakaapekto sa amin. Kailangan naming iwan ang aming mga tahanan at hindi kami makakagawa ng kahit ano. Sana matapos na ang digmaan, at mabuhay kami sa kapayapaan at kaligtasan,” ani ni Lana*, 11 taong gulang na batang babae mula sa Rafah, timog Gaza.
Kaakibat din ng pag-alis sa mga tahanang winasak ang pagputol sa akses sa edukasyon ng mga bata. Sa datos ng UN Ocha, siyam sa 10 paaralan ang nagkaroon ng “malaking pinsala.”
Sa pagkasira ng mga paaralan, napipilitan ang mga kabataan na huminto sa pag-aaral. Sa mga batang babae, naiipit silang isalba ang estado ng pamilya sa pamamagitan ng kasal.
“Ano pa ba ang pwedeng gawin sa Gaza para sa isang babae? Ngayon, nandito lang ako, natatakot na baka gamitin ng mga magulang ko ang dahilan ng pangkalahatang kawalan ng seguridad at pagsasara ng mga paaralan, pati na rin ang estado namin bilang dayuhan sa komunidad, para ipakasal ako,” wika ng isang 17 taong gulang na babae, mula Beit Lahiya.
Karahasan sa mata ng Palestinong bata
Ang mga marahas na atake ng Israel ay siya ring hindi na muling pagdilat ng mata ng libo-libong batang Palestino. Sa huling tala ng Ministry of Health ng Gaza, umabot na sa higit 10,000 ang mga batang namatay.
Ang iba man ay buhay at nakaligtas, takot naman ang makikita sa kanilang mga mata na saksi sa dugong dumanak ng mga kapwa bata at pamilya.
Ang epekto ng mga pagsabog at karahasan ay hindi lang magmamarka sa mga balat kung hindi may pangmatagalan epekto sa pisikal at mental na abilidad ng mga bata.
Ang ospital ay napupuno ng mga bata at kanilang mga magulang na iniinda ang “kahindik-hindik na mga sugat” na natamo mula sa bomba o white phosphorus munition na hindi lang nakakasunog kung hindi nakakaapekto rin sa internal organs.
Ayon sa Save the Children, nasa 1,000 o 10 na bata bawat araw ang naputulan ng isa o parehong binti sa Gaza mula noong Oktubre. Karamihan sa mga operasyong ito ay walang anesthesia at antibiotic.
“Bulnerable sa mga mayor at permanenteng pinsala ang mga maliliit na batang naiipit sa mga pagsabog. Mahihina pa ang kanilang mga katawan kaya maaaring magdulot ng pinsala sa utak kahit kaunting puwersa,” ani Jason Lee, country director ng Save the Children sa mga okupadong teritoryong Palestino.
Kaugnay nito, ang pagtanim ng malalim na trauma sa mga bata matapos harap-harapang makita ang pagkasawi ng kanilang pamilya at takot ng isang hindi tiyak na hinaharap.
Isa si Amina Ghanem, 13, na nakatamo ng pagputok ng ugat na kita sa pamumuo ng dugo sa kanyang mga mata, na kung hindi maagapan ay kanyang ikabubulag. Ito ay matapos atakihin ng tangke ng Israel ang kanilang tahanan na pumatay sa kanyang ama at kapatid na babae.
“Napatunayan natin muli na ang mga kababaihan at mga bata ang unang biktima ng kaguluhan,” ani Sima Bahous, executive director ng UN Women.
Sa likod ng malalaking bilang ay mga tunay na tao, kababaihan at mga bata na may pangarap para sa sarili at sa buong mamamayang Palestino. Patuloy ang mga internasyonal na organisasyon sa panawagang “ceasefire” upang mabigyan ng sapat na akses ang mga bata at babae sa Gaza upang magpatuloy na mabuhay ang salinlahing Palestino.