#KuwentongKabataan

Mahal pala ang Chickenjoy


Kinaya naman namin, subalit sa paglipas ng panahon, dahan-dahang dumidiin na hindi na tulad ng dati ang takbo ng araw-araw naming buhay.

Sa unang pagkakataon, sinabi ni Daddy na P2,000 na lang ang laman ng kanyang bank account—tira sa sahod matapos asikasuhin ang mga bayarin. Madaling maubos ‘to sa isang kainan sa Jollibee.

Nabasa ko na may mga antas na rin ang pagkabilang sa middle class—may upper, middle at lower. Mula sa komportable na pamumuhay ng aking pamilya, natunghayan ko ang unti-unting pagbulusok nito—ang aming simple nang buhay, may mas isisimple pa pala.

Hindi lang sa pagbaba ng aming estado ang naging hamon. Naging mas mabigat kong tungkulin ang maging katuwang ng aking mga magulang na ipaintindi sa mga nakababata kong kapatid ang bagong reyalidad ng aming buhay kaakibat ang ilang sakripisyo sa araw-araw na buhay.

Ako ang panganay sa tatlong magkakapatid. Lumaki sa hindi marangya, pero maginhawang pamumuhay. 

Noong bata ako, suntok sa buwan ang pagbili ng Chickenjoy: mataas na grades, natapos na school year, kaarawan, at minsa’y para gumaling agad sa sakit.

Kuwento pa nina Mommy na itinatago nila ang karton ng Chickenjoy bucket at inilalagay doon ang piniritong manok sa bahay upang mapaniwala ako na Chickenjoy ang madalas naming ulam. Hindi ko na rin naman nasabi ang kaibahan, subalit ibang kaso ito sa aking mga kapatid—hindi na sila maiisahan ng ganitong pambobola.

Lumaki sila na maginhawa na ang aming buhay dala ng pag-angat ng career ni Mommy at maayos na trabaho ni Daddy. Sa kalauna’y naging ganito na rin ang kinasanayan ko– kapag humirit, may laruan o takeout; kapag may nasira, napapalitan agad; at madalas nakakapasyal tuwing gugustuhin.

Noong 2022, lingid sa aking kaalaman na magsisimula ang pagbabago sa aming buhay na hanggang ngayon bumibigat sa bawat araw na dumadaan. Nagsumite na si Mommy ng kanyang early retirement sa kompanya dahil hindi na nakabubuti sa kanya ang takbo at kalakaran roon. Mas madalas siyang malungkot, balisa at nababahala. 

Sabi ni Daddy noon, “Mas pipiliin ko nang maghirap kaysa mawala ka sa amin kapag nanatili ka pa riyan.”

Tugon naman naming magkakapatid: “Ohana means family!”—mula sa pelikulang “Lilo & Stitch.” At sa isang pamilya, pipiliin namin ang kapakanan at kalusugan ng bawat isa. Walang naiiwanan at higit sa lahat, walang napag-iiwanan. 

Tatlong taon na nang tumutok si Mommy sa pagiging ilaw ng aming tahanan, habang si Daddy naman ang naging breadwinner.

Kinaya naman namin, subalit sa paglipas ng panahon, dahan-dahang dumidiin na hindi na tulad ng dati ang takbo ng araw-araw naming buhay.

Dati, mabilis lang kaming namimili. Ngayon, tatlong oras ang inaabot sa grocery dahil bawat produkto ay sinusuri kung alin ang mas mura at alin ang sulit. Sasadyain pang lumipat sa ibang pamilihan para sa P5 tipid. Sa bahay pa lang, nakalista na kung ano ang kailangan at pagdating sa grocery, iyon lang ang kukunin. Walang labis, walang kulang.

Kaming magkakapatid naman, kanya-kanya rin sa pagsisikap parte ng tungkulin namin sa aming pamilya. 

Si bunso na 10 taong gulang, bagaman hirap ay pilit na inuunawa na kung ano ang nakahain sa mesa o nasa ref, iyon ang kakainin, at kung walang okasyon, walang takeout.

Si ditse, ang ikalawang ate na kapapasok lang sa kolehiyo, ay matiyagang naghahanap ng mga scholarship para sa kanyang edukasyon. 

Ako naman, may ilang maliliit na raket. Ilan dito ang akademikong komisyon at pagiging student assistant para sa aking allowance at mga fieldwork sa aking kurso sa midya. 

Hindi naging madali ang pagbabagong dumating sa buhay namin na aming kinakapa pa sa kasulukuyan. Simple na noon, mas simple ngayon, at marahil, lalo pang sisimple bukas.

Iniintindi ko pa rin kung bakit kinailangan nitong mangyari. At sa pagninilay na ito, isa ang napagtanto ko: mahal pala talaga ang Chickenjoy at afford namin siya sa dalawang paraan na ngayon.

Naging minsan man sa minsan ang pagbili nito, sa joy naman kami hindi kailanman kinapos. Nagmahal ang Chickenjoy sa aming mga mata, pero mas nagmahal kami sa isa’t isa—at nahanap ang ligaya sa bawat araw na pagkakapit-bisig at paglaban sa agos ng buhay.