Mapaminsalang quarry sa Negros, pinuruhan ng NPA


Ayon sa Romeo Nanta Command ng New People’s Army, matagal nang inirereklamo ang naturang quarry dahil napapalalim nito ang ilog kaya nawawalan ng tubig ang mga sakahan at nagiging delikado ang pagtawid ng mga mamamayan.

Sinunog ng New People’s Army (NPA) ang dalawang dump truck at isang backhoe na ginagamit sa quarrying operation sa Sitio Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Hul 4.

Tinatayang aabot sa P11 milyon ang kabuuang pinsala sa mga kagamitan na pag-aari umano ng kapitan ng barangay na si Mildred Titular.

Ayon sa Romeo Nanta Command (NPA-South Central Negros), matagal nang inirereklamo ng mga residente ang naturang quarry dahil napapalalim nito ang ilog kaya nawawalan ng tubig ang mga sakahan at nagiging delikado ang pagtawid ng mga mamamayan.

Noong 2021, tinangka anila ng kompanya ng quarry na lusutan ang proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) sa pamamagitan ng pananakot at panunuhol. 

Ani Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng NPA-South Central Negros. ginamit ang mga tropa ng 94th Infantry Battalion, 3rd Infantry Division ng Philippine Army para takutin ang mga residente, habang nagpamudmod ng pera at nag-udyok ng alitan sa loob ng mga baryo upang masimulan ang operasyon.

“Ang aksiyong ito ng [NPA] ay paalala sa mga kompanya at lokal na opisyal: Huwag yurakan ang karapatan ng mamamayan at sirain ang kalikasan para lang sa tubo,” aniya.

Pinatawan naman ng NPA ng parusang kamatayan ang anim na indibidwal na napatunayang espiya ng militar noong Hun. 28 sa Rehiyon ng Isla ng Negros.

Ayon sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Negros, kasabwat ng mga naturang espiya ang militar at pulisya sa pagsubaybay at pagtuturo sa mga aktibista’t tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Sangkot din anila anim sa mga kaso ng paniniktik, pananakot at karahasan sa mga komunidad.

Naisampa na ang mga kaso nito sa reaksiyunaryong estado ngunit walang hustisyang naipagkaloob. Isinagawa ang imbestigasyon, paglilitis at paghatol ng kamatayan gamit ang rebolusyonaryong hukuman ng NPA.

Samantala, iniulat ng NPA sa Philippine Revolution Web Central ang pagpasok ng tropa ng 94th Infantry Battalion sa Barangay Carabalan nang simulan ang operasyon ng quarry. Ayon sa NPA, malinaw na ipinagtatanggol ng militar ang interes ng mga mapagsamantalang negosyante.

Nauna nang sinabi ni 3rd Infantry Division commander na si Maj. Gen. Michael Samson na bumababa ang bilang at nababawasan ang aktibidad ng NPA sa Negros.Pinasinungalingan ito ni Maoche Legislador, tagapagsalita ng Negros Island Operational Command at sinabing patunay ang naturang mga aksiyon ng NPA sa patuloy nilang pagbawi ng lakas sa buong rehiyon.