Muni at Suri

Palayain ang Agusan 8

Sa marami sa amin na namulat sa panahong iyon, isinatinig ni Chaba ang pag-aalimpuyo ng mga kabataang nabubuksan ang mga mata sa iba’t ibang uri ng pandarahas sa mga karapatan ng mamamayan.

Ginulantang kami ng balita na isa si Charisse Bernardine “Chaba” Bañez sa 11 inaresto sa isang checkpoint sa Agusan del Sur noong gabi ng Hun. 13. Kahit walang search warrant, hinarang sila at kinumpiska ang kanilang mga kagamitan. 

Kinabukasan, nawawala na ang isa sa mga kasama nila, si Leo Taba, at ang dalawang driver nila. Hindi rin pinayagan ng militar ang mga paralegal at mga rumespondeng human rights worker. Patong-patong na kaso na ang isinampa sa walong natira sa kustodiya ng estado. Tinagurian silang “Agusan 8.”

Kagaya ng inaasahan, agad na binansagan ang Agusan 8 bilang mga terorista. Bahagi ito ng taktikang pampropaganda ng estado na nagbubura sa mga usaping panlipunan at pampolitikang kalagayang nagbibigay-hugis sa pasya ng marami na yakapin ang aktibismo.

Kaibigan ko si Chaba noong kolehiyo, sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), kung saan kapwa kami kasapi ng sosyo-kultural na organisasyong Kapatirang Plebeians.

Pero una ko siyang nakilala sa kampanyang Arrest Gloria, isang malawakang alyansa kontra-pasismo sa Timog Katagalugan. Panahon iyon ng paghahasik ng lagim ng Oplan Bantay Laya sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo.

Maya’t maya ang balita ng harassment at pagpatay sa mga aktibista, lalo na Timog Katagalugan kung saan na-deploy ang berdugo ng estado na si Jovito Palparan. Sa panahong ito, sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, dalawang estudyante ng UP Diliman, ay dinukot, pinahirapan at sapilitang iwinala ng mga ahente ng militar. 

Para sa maraming kahenerasyon namin sa kampus sa unang bahagi ng 2000s, panahon din ito ng pagtutol sa komersalisasyon ng edukasyon sa UP, na nagsaanyo sa banta ng 300% tuition and other fee increases. Isa si Chaba sa mga lider-aktibistang nanguna sa mga kampanyang ito sa UPLB. 

Iba’t ibang posisyon sa konseho ng mag-aaral ang hinawakan ni Chaba—mula sa pagiging opisyal ng lokal na konseho ng College of Arts and Sciences, hanggang sa pagiging Vice Chair (2007-2008) at Chair ng University Student Council (2008-2009) ng UPLB. Noong naging Student Regent siya ng UP System (2009-2010), nag-walkout ang mga sectoral regent sa Board of Regents (BOR) meeting bilang pagkondena sa pagtatangkang harangan ang pag-upo ni Chaba matapos gipitin ang aplikasyon niya sa student residency.

Sa marami sa amin na namulat sa panahong iyon, isinatinig ni Chaba—sa kanyang mga makapanindig-balahibong talumpati sa mga kilos-protesta—ang pag-aalimpuyo ng mga kabataang nabubuksan ang mga mata sa iba’t ibang uri ng pandarahas sa mga karapatan ng mamamayan.

Ito man ay sa porma ng mga panggigipit sa loob ng campus o ‘di kaya ay sa mas pisikal na banta ng panganib sa mga komunidad kung saan laganap ang hamletting, zoning at iba pang anyo ng militarisadong pandarahas.

Mahusay sa klase si Chaba na isang Speech Communication major sa programang BA Communication Arts. Pero malinaw na lumalampas na sa makitid na isperang akademiko ang kanyang masigasig na pag-aaral sa lipunan at mga posibilidad na baguhin ito. Sa gayon, hindi nakakagulat ang naging pasya ni Chaba na gawing full time ang paglilingkod sa kanayunan.

Dakilang halimbawa si Chaba sa mabigat na pagpapasya ng maraming mabubuting anak ng bayan na iwanan ang posibilidad ng maginhawang buhay upang makibaka kasama ng sambayanang dinarahas. 

Hindi terorismo ang aktibismo. Palayain ang Agusan 8!