‘Dreamboi’, sensura ng MTRCB at unang edisyon ng CineSilip
Ang pelikula’y umiikot sa isang trans woman at sa kanyang pagkahumaling sa isang underground audio porn actor.
Naging usap-usapan kamakailan ang pelikulang “Dreamboi” matapos ianunsiyo ng direktor nitong si Rodina Singh ang dalawang beses na pagtanggap ng X rating mula sa Move and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ang “Dreamboi” ay isang psychological drama film na pinagbibidahan nina Tony Labrusca, EJ Jallorina at Jemm Rosa. Ang pelikula’y umiikot sa isang trans woman at sa kanyang pagkahumaling sa isang underground audio porn actor.
Hindi akma para sa public viewing?
Pinangatwiranan ng MTRCB ang pagbibigay nito ng X rating dahil umano sa “prolonged sexually explicit scenes.” Hindi umano ito akma para sa public viewing.
Sa kabilang banda, dinepensahan naman ni Singh na hindi pornograpiya ang “Dreamboi”, kung ‘di isang kuwento ng sakit at pananabik sa isang bagay na sinasabi sa iyo ng mundo na bawal mong gustuhin.
“Because every time a story like this is silenced, another trans woman disappears,” ani Singh.
Paliwanag niya, nais niyang tuklasin kung paano maaaring maging erotiko at mapanira ang imahinasyon sa isang lugar kung saan nagsasapawan ang kaligtasan at kaligayahan.

“Desire, especially for trans women, is often messy, fractured and shameful. But it is also ours. As a trans filmmaker, I am drawn to the unspoken intimacies of our lives–what we allow ourselves to feel in private, what we fear showing in public, and how we reclaim our right to desire,” dagdag niya.
“This film is not about respectability; it is about confronting the hunger that makes us human. And since the real world wants us dead, then here, in this cinematic universe, the dolls get to live—and we get to live with pleasure.”
Panawagang buwagin ang MTRCB
Bagama’t nakakuha na ng R-18 rating ang pelikula mula MTRCB noong Okt. 21, muling umusbong ang mga panawagang buwagin ang ahensiya.
Isa ang manunulat na si Jerry Gracio sa mga kumondena ng sensurang ginagawa ng MTRCB. Hinikayat din niya ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula na kondenahin ang ahensiya.
“Basically, censorship ginagawa ng MTRCB. Umaasta itong guardian ng moralidad ng buong bayan, gayong wala naman alam sa pelikula at telebisyon ang marami sa mga members nito,” ani Gracio.
Binigyang-diin din niya na sa panahon ng streaming, nawawalan na rin ng silbi ang MTRCB, “dagdag-gastos lang sa gobyerno, pahirap pa sa filmmakers at TV workers.”

Hindi naman na ito ang naunang beses na ipanawagan ang abolisyon ng MTRCB. Matatandaan na nitong Hunyo, tinutulan ng Directors Guild of the Philippines, League of Filipino Actors at Filipino Screenwriters Guild (FSG) ang pinag-uusapang MTRCB Act.
Anila, bagama’t pinalalabas ng panukala na magpoprotekta ito sa mga manonood, ang tunay na layunin daw nito ay bigyan ang MTRCB ng mas malaking kapangyarihan upang sikilin ang likha ng mga manunulat pantelebisyon.
“On the surface, this bill claims to ‘protect’ viewers. But what it really does is give the MTRCB more power to censor. More rules to strangle creativity. More control over which stories get told—and which get silenced,” ayon sa FSG.
Unang edisyon ng CineSilip
Samantala, nagtampok ng pitong pelikula ang unang edisyon ng CineSilip na pinili mula sa mahigit 100 entry at ipinalabas hanggang Okt. 28 sa mga piling sinehan.
Ayon kay Ronald Arguelles, CineSilip director, layon ng festival na magbigay espesyo sa mga “mapangahas, matapang at naiibang” boses mula sa mga umuusbong na direktor.
“We will witness new beginnings, bagong perspektibo at pag-iisip,” aniya. “It is a space welcome mag-eksperimento. Dito lalabas ang tunay na creativity ng Pinoy. The films will make you laugh, cry, question and even [be] uncomfortable—the magic of daring cinema.”
Maliban sa Dreamboi, tampok sa film festival ang “Babae sa Butas”, “Pagdaong”, “Maria Azama”, “Haplos sa Hangin”, “Ang Lihim ni Maria Makinan” at “Salikmata”.