Halalang Bangsamoro, muling ipinagpaliban


Sa pangatlong pagkakataon, ipinagpaliban ang kauna-unahang eleksiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Sa halip na ngayong Okt. 13, mauusog ang halalan nang hindi lalagpas sa Mar. 31, 2026.

Sa pangatlong pagkakataon, ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang kauna-unahang parlamentaryong eleksiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Barmm). Sa halip na ngayong Okt. 13, mauusog ang halalan nang hindi lalagpas sa Mar. 31, 2026.

Ito’y matapos ideklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang Bangsamoro Autonomy Act (BAA) 77 na naglalaan ng pitong puwesto sa parlamento na orihinal na nakalaan para sa probinsiya ng Sulu, at ang BAA 58 na naghahati naman sa rehiyon sa 32 distrito.

Inatasan ng mataas na hukuman ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na tukuyin ang hatian ng mga distrito para sa puwesto sa parlamentaryo.

Ayon sa Comelec, hindi na sila mag-aapela sa desisyon ng korte bagkus gagamitin ang panahon para lalong maghanda.

Tinatayang P1.2 bilyon ang halagang nasayang sa naantalang halalan, ayon mismo sa ahensiya. Kabilang dito ang pag-imprenta ng mga balota at upa sa mga kagamitan.

Sabi ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, labas sa kapangyarihan ng mataas na hukuman ang pagtatakda ng petsa ng eleksiyon dahil Kongreso lang ang magtatakda nito.

Pero para sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP), walang karapatan ang Comelec na ipagpaliban ang buong parlamentaryong eleksiyon at dapat na kilalanin nito ang Bangsamoro Electoral Code na nagbibigay ng komprehensibong balangkas ng pagsasagawa ng halalan sa Barmm.

“Ang Electoral Code ay nananatiling pangunahing batas na dapat ipatupad ng kagalang-galang na Komisyon, sapagkat ang BAA 77 ay limitado ang saklaw dahil ito ay tumutukoy lang sa muling paghahati at paglalaan ng mga distritong parlyamentaryo,” pahayag ng UBJP.

Iginiit din ng partido na ang pagdaos ng eleksiyon ay peace agreement sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na pinirmahan noong Marso 27, 2014.

Dahil sa CAB, naitatag ang Barmm noong 2019. Matatapos na sana ang transition period nito noong Hun. 30, 2022 pero naudlot ang parlamentaryong eleksiyon nang dalawang beses. Unang naitakda ang halalan noong Mayo 9, 2022 na nausod sa Mayo 12, 2025, at muling nausod nitong Okt. 13.

Sabi ng Bangsamoro Party (BaPa), ang patuloy na pagpapaliban sa eleksiyon ay magkakaroon ng masamang epekto sa mga stakeholder at sa integridad ng resulta ng halalan.

Para sa UBJP at BaPa, handa na ang mamamayang Bangsamoro para sa eleksiyon at dapat kilalanin ang kanilang karapatan na maghalal ng mga taong nais nilang mamuno sa rehiyon.