Ika-28 taon ng IPRA: Pagkilala o panlilinlang?
Isinabatas ang Indigenous Peoples’ Rights Act noong Okt. 29, 1997. Ngunit imbis na protektahan ang mga katutubo, ginagamit pa ito ng estado laban sa kanilang mga karapatan.
Dalawampu’t walong taon na ang lumipas mula nang nilagdaan noong Okt. 29, 1997 ang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), isang batas na ipinangakong magbubukas ng bagong yugto para sa mga katutubo at pambansang minorya dito sa bansa.
Sa araw na iyon, kinilala ng gobyerno ang mga karapatang matagal nang ipinaglalaban ng mga katutubo at pambansang minorya: ang kanilang karapatan sa lupang ninuno, at para sa sariling pagpapasya.
Para sa mga katutubong lumaban para sa kanilang lupain, ang pagpasa ng IPRA ay tiningnan bilang tugon sa kanilang dekadang pakikibaka. Ngunit ang batas na ito ay naging isa ring mapait na aral.
Kasabay ng batas, itinatag ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang manguna sana sa pagsasakatuparan ng mga probisyon ng IPRA. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang NCIP mismo ang inirereklamo ng mga pambansang minorya bilang “inutil” at “kakuntsaba” sa pandarambong.
Para sa mga grupo tulad ng Katribu at Cordillera Peoples Alliance, ang NCIP ay naging instrumental sa pagsuko ng lupang ninuno ng mga katutubo at pambansang minorya sa mga dambuhalang korporasyon ng mina at enerhiya. Ang proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) na dapat sana’y proteksyon, ay paulit-ulit na minamanipula at pinepeke ng NCIP pabor para sa mga korporasyon.
Ang paggunita sa IPRA ay hindi pagbabalik sa “diwa” ng isang batas na bigo. Ito ay pagbabalik-tanaw sa 28 taon ng pakikibaka laban sa panlilinlang na ginamit ang pangalan mismo ng mga katutubo. Ang tunay na pagkilala ay wala sa batas na nananatili sa papel, kundi sa aktuwal na pagrespeto sa kanilang karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya—ang mismong mga bagay na patuloy nilang ipinaglalaban laban sa mga korporasyon at sa estadong nagpapahintulot dito.
Dalawampu’t walong taon na ang lumipas, at ang aral ay malinaw para sa mga katutubo: Ang tunay na pagkilala sa kanilang karapatan ay hindi isusubo ng isang mapanlinlang na batas, kundi kailangang patuloy na igiit at ipaglaban—buhay man ang ialay.