Kapag may isinuksok, may madudukot na pork
Maiging tandaan ng gobyerno na nagmamatyag ang taumbayan, kung pagbabasehan na lang ang bumulusok pababa na tiwala sa pangulo at pangalawang pangulo ng mga Pilipinong nasa laylayan.
“So ang approval po ay presidente, tama o mali?” punto ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa deliberasyon ng Kamara sa badyet para sa 2026.
Tama, ayon na rin sa Section 35 na probisyon sa paggastos ng lump-sum appropriations. Kaya huwag tayo magpapadala sa mga pangako ng pagbabago at paglilinis ng putik ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil nasa mga detalye ang totoong kuwento.
Bingi pa rin sa pangangalampag ng taumbayan ang mayorya ng Kamara, kung pagbabatayan ang ipinasa nilang 2026 General Appropriations Bill na nagpapanukala ng pondong P6.793 trilyon.
Lagpas P200 bilyon pa rin ang Unprogrammed Appropriations (UA). Ito ang pondo para sa mga proyekto kapag may sobra lang sa inaasahang kita na posibleng mula sa buwis, iba pang mga programa o bagong mga utang sa ibang bansa. Dito magsisimula ang pagkabuhol ng mga salita at konsepto.
Kung nakadepende sa sobra ang UA, bakit noong 2024 nakalista dito ang pondo para sa libreng kolehiyo, gayong garantisado ito ng batas?
Sa kaso ng dagdag-sahod para sa mga kawani, dahil nasa UA ito kaysa sa regular na programmed appropriations, kailangan pa maghintay na mapondohan ito kaya inihahabol na lang kahit lipas na ang mga buwan. Pero ang paggastos sa pang-araw-araw ng mga kawani, hindi puwede ipagpaliban.
Ayon pa sa mga eksperto at mga mambabatas na tutol sa UA, binabaluktot rin ng gahiganteng UA ang tungkulin ng Kongreso na sinsinin ang pondo. Hindi dumadaan sa proseso ng deliberasyon ng proyekto ang ilang programang inilulusot sa UA.
Kapag kumatok ang iba’t ibang ahensiya sa Department of Budget and Management, tulad ng ginawa ng Department of Public Works and Highways sa higit P100 bilyon para sa mga flood control project noong 2024, maikakasa na. Pero hindi ito isyu lang ng mga ahensiya.
“Presidential pork barrel” nga ang tawag ni Tinio sa UA dahil kailangan ng pirma ng pangulo para makumpleto ang proseso. Mula nang maluklok si Marcos Jr., tinutulan na ng Makabayan Coalition ang ipinapasa ng Kamara na badyet.
Kaya ngayon, hinahamon nila ang administrasyon na umamin at umako ng responsibilidad. Paano magsusuplong ng tiwaling mga opisyales ang administrasyong Marcos Jr. kung naroon at bahagi naman ng proseso ang opisina nila?
Kapansin-pansin na kapag pinagsama ang lahat ng UA mula 2010 hanggang 2021, lamang pa ng higit P800 bilyon ang ipinagsamang UA ng tatlong taon ni Marcos Jr.
Kahit pa sabihing nangalahati ang panukala na UA ng Kamara para sa 2026 kumpara sa 2025, kapos pa rin ito sa kailangang pagpapatotoo sa publiko.
Naniniwala nga ang ibang mga mambabatas sa oposisyon na posibleng tanggalin nang buo sa badyet ang mga UA kung gagamit na lang ng supplemental budget. Pagiging flexible ng pondo ang sinasabing dahilan sa UA ngunit pinalalampas lang nito ang mga hindi sumusunod sa proseso.
Sa maikling sabi, kung gusto ng gobyerno na patunayang tapat ito sa publiko, dapat walang puwang sa pagsuksok at pagdukot ng pondo nang walang deliberasyon. Hindi sapat ang pangako ng livestreaming ng bicameral deliberations sa Nobyembre kung hindi binubuwag ang mga kasangkapan para sa korupsiyon.
Nakasalang sa Senado hanggang sa susunod na buwan ang deliberasyon ng pondo. Bago matapos ang taon, mapipirmahan ito at magiging 2026 General Appropriations Act.
Maiging tandaan ng gobyerno na nagmamatyag ang taumbayan, kung pagbabasehan na lang ang bumulusok pababa na tiwala sa pangulo at pangalawang pangulo ng mga Pilipinong nasa laylayan.
Sa paglilinis ng posibleng korupsiyon sa badyet para sa 2026, at pagpapanagot sa pandarambong ng nakaraang mga taon, nakabantay ang lahat, handang palakasin lalo ang paniningil.