Political Cinema

Mangahas makibaka para sa lupang tinubuan


Bakit nga ba nila piniling maging aktibista? At bakit nila pinipiling manatiling aktibista, kahit buhay at kalayaan pa ang ialay?

Sa isang bansang ginagawang terorismo ang aktibismo, madaling hindi maging aktibista. Pero sa dokumentaryong “Bloom Where You Are Planted” ni Noni Abao, iniwan nito ang malaking tanong, bakit hindi? 

Sa loob lang ng higit 80 minuto, ipinasilip ni Abao ang bahagi ng deka-dekadang pakikibaka ng tatlong aktibistang biktima ng karahasan at panunupil ng estado. Ang kanyang pelikula ay opisyal at natatanging dokumentaryong kalahok sa ika-21 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival

Sina Agnes Mesina, Amanda Echanis at Randy Malayao, mga aktibista mula sa iba’t ibang henerasyon, pinag-ugnay-ugnay ng kanilang malalim na pagmamahal para sa bayan, para sa Lambak ng Cagayan. 

Bakit nga ba nila piniling maging aktibista? At bakit nila pinipiling manatiling aktibista, kahit buhay at kalayaan pa ang ialay?

Opisyal na poster ng “Bloom Where You Are Planted”. Bloom Where You Are Planted/Facebook

Sa dokumentaryo ni Abao, ipinakita nito ang hirap na kakabit ng buhay-aktibista. Ang tatlo’y pare-parehong nakaranas ng paniniktik ng estado, pagkakakulong, pagkalayo sa kanilang mga anak at pamilya, at sa kaso ni Malayao, humantong pa sa karumal-dumal na pagpaslang.

Ngunit sa kabila ng mga kahirapan at malalaking sakripisyo, tumampok sa dokumentaryo ang malalim at ‘di matitibag na prinsipyo’t paninindigan ng tatlo. Kapalit ng malalaking sakripisyo’y ang hindi matatawarang pagtanggap at pagmamahal na nakuha nila sa hanay ng mga magsasaka at katutubo ng Cagayan.

Ang nananatiling napakaatrasadong industriyang agraryo at ang pagpasok ng mga mapaminsalang dambuhalang dayuhang minahan ang dalawa sa mayor na dahilan kung bakit nila piniling bagtasin ang mahabang daan tungo sa rehiyon. Sa dokumentaryo, hindi lang ang tatlong aktibista ang bida, kung hindi ang mga mamamayan din ng Lambak ng Cagayan.

Bilang isang aktibistang pinili ring makipamuhay sa mga magsasaka ng Cagayan, ipinakita ni Abao sa kanyang pelikula ang lampas sa imahinasyong kahirapan at pagsasamantalang nararanasan ng mga magsasaka. Sa kabila ng hitik na likas na yaman at matabang lupa ng rehiyon, ang mga magsasaka’y nasa kumunoy ng pagkalubog sa utang at kagutuman. 

Panawagan ng katarungan para sa pinaslang na peace consultant na si Randy Malayao. Bloom Where You Are Planted still/Cinemalaya

Sabi nga sa dokumentaryo, habang ang mga kurakot ay malaya at nagpapakasasa sa kanilang bilyon-bilyong nakaw na yaman, ang mga magsasaka’y mabilis na kinakasuhan at ginagawang kriminal dahil lang sa P5,000 utang.

Ang kawalan ng lupa, kawalan ng suportang agraryo mula sa gobyerno, kahit ang kawalan ng kompensasyon sa mga nasirang pananamin dahil sa bagyo, ay ilan lang sa palagiang problema ng mga magsasaka.

Ang pagkakait ng gobyerno para sa tunay na repormang agraryo ang nagtutulak sa mga magsasaka na mamuhay na tila alila at mabuhay sa habag ng mga mapagsamantalang panginoong maylupa at mga usurero. 

Ipinakita ng dokumentaryo na ang pag-asa ng mga magsasaka ay wala sa kamay ng iilan kung hindi nasa kanilang pakikibaka.

Ang kagustuhan nilang magkaroon ng sariling lupa, mas maginhawang pamumuhay at tunay na pagbabagong panlipunan ang angkla rin ng tatlong aktibista para magpatuloy sa buhay na hindi pangkaraniwan. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila alintana ang anumang banta mula sa estado, bakit handang tiising hindi makapiling ang anak at pamilya, at kung bakit walang sakripisyong dapat panghinayangan. 

Sino nga ba ang kayang pumikit kapag ito ang nakakalulang reyalidad ng mga kababayan natin? Sino nga lang ba ang may kayang ituring na krimen ang paglaban para mapunan lang ang kumakalam na mga sikmura?

Si Agnes Mesina, aktibistang pinararatangan ng estado na sumusuporta sa terorismo. Bloom Where You Are Planted still/Cinemalaya

Kahanga-hangang isipin kung paano nagagawang mangarap ng mga kagaya nina Mesina, Echanis at Malayao nang higit para sa sariling kaalwanan.

Pare-pareho man silang itinuturing na kaaway ng estado, sa mata ng mga nakasalamuha nilang magsasaka, sila’y mga taong may malaking puso at matibay na paninindigan para sa mga inabandona na ng gobyerno.

Bagaman may pagkakapare-pareho, napalitaw ni Abao ang partikularidad ng kuwento ng bawat isa.

Si Mesina bilang isang kampanyador at ina, si Echanis bilang isang manunulat at anak, at si Malayao bilang isang peace negotiator at kaibigan. Sa pamamagitan ng mga kuwento ng anak ni Mesina, ina ni Echanis at matalik na kaibigan ni Malayao, napalitaw ni Abao ang pagkatao ng tatlong aktibista.

Kapag tinagurian ka kasing terorista ng mismong estado, ikinakahon ang pagkatao mo sa iba’t ibang negatibong konotasyon ng salita. Pero inalpasan ito ni Abao. Binigay niya kina Mesina, Echanis at Malayao ang kanilang pagkatao, kung paano sila kinikilala, minamahal at tumatatak sa mga taong nakakasalamuha nila.

Sa kasalukuyan, apat na taon nang nakakulong si Echanis sa Cagayan Provincial Jail dahil sa gawa-gawang kaso ng ilegal na posesyon ng baril at pampasabog. Sa kabila nito, ginamit ni Echanis ang kanyang panulat para patuloy na lumikha ng mga tula’t sanaysay, ginamit ang panahon sa loob ng kulungan para bumalik sa pag-aaral sa University of the Philippines, at sa kabila ng milya-milyang layo, ginamit ang patuloy na nagbabagang damdamin para sa pagsisilbi para tumakbo bilang student council leader.

Ipinagpapatuloy ni Amanda Echanis ang kanyang pag-aaral sa kabila ng pagkakabilanggo. Bloom Where You Are Planted still/Cinemalaya

Habang si Mesina, kumakaharap din sa gawa-gawang kaso ng terrorism financing kasama ang limang iba pa. Kinasuhan sila sa kasagsagan ng kampanya nitong 2025 midterm elections.

Ngunit ang silakbo ng damdaming lumaban, magpatuloy at lumikha ng lipunang mas malaya at makatarungan ay higit na mas makapangyarihan kaysa sa anumang rehas o kahit sa gatilyo ng mga berdugo. 

Sa panayam kay Gabriel Mesina, anak ni Agnes, ang pelikula ay bindikasyon para sa kanyang ina, kay Echanis, at sa kanyang Tito Randy. Pinatunayan ng pelikula na tama ang landas ng pakikibaka, kahit puno ito ng takot at pangamba.

Sa dulo ng dokumentaryo, makapangyarihang ipinaaalala ni Abao na hindi pa tapos ang laban. Ang patuloy na kabulukan ng sistemang umiiral ay sapat na dahilan para sumama tayo sa makabuluhang landas ng pakikibaka para tunay na panlipunang pagbabago.

Ika nga ni Mesina sa dokyu, “Hindi natin puwedeng piliin kung kailan tayo ipapanganak o kailan tayo mamamatay, pero puwede nating piliin kung paano tayo mabubuhay.”

Mabuhay ang mga ‘di pangkaraniwan!