‘Bloom Where You Are Planted’, ‘Quezon’, humakot ng Urian
Nagkamit ng apat na parangal ang “Bloom Where You Are Planted”, kabilang ang Best Film at Best Documentary, sa 49th Gawad Urian.
Hinirang na Best Film at Best Documentary sa 49th Gawad Urian ang pelikulang “Bloom Where You Are Planted” nitong Okt. 8 sa De La Salle University sa Maynila.
Nilalarawan ng dokumentaryo ang buhay at pakikibaka ng tatlong aktibista sa Cagayan Valley. Iginawad din ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa nasabing dokumentaryo ang Best Editing para kay Che Tagyamon at Best Director para kay Noni Abao.
Nauna nang nagkamit ng parangal na Best Full-Length Film at Best Editing ang dokumentaryo sa 21st Cinemalaya Independent Film Festival noong 2025.
Para sa direktor na si Abao, hindi lang ito tagumpay ng kanilang pelikula, kundi tagumpay din ng mga aktibista at mamamayang lumalaban sa buong bansa.
“Napahalaga nito hindi lang para sa amin, kundi para sa mga aktbistang pinaslang. [Si] Kuya Randy [Malayao], pinatay s’ya nang walang kalaban-laban habang natutulog sa bus,” sabi ni Abao sa kanyang acceptance speech.
Isa ang buhay ni Malayao, isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines, sa mga ikinuwento sa dokumentaryo sa pamamagitan ng kanyang matalik na kaibigan na si Raymund Villanueva, isang batikang peryodista.

Kasama rin sa dokumentaryo ang mga danas ng tanggol-karapatan na si Agnes Mesina na sinampahan ng estado ng patong-patong na kaso at ng tanggol-magsasaka at manunulat na si Amanda Echanis na inaresto at ipiniit dahil sa mga gawa-gawang kaso at nawalay sa anak ng higit limang taon.
Pinarangalan naman ng Natatanging Gawad Urian o Lifetime Achievement Award ang direktor na si Laurice Guillen para sa kanyang mahalagang ambag sa pelikulang Pilipino mula pa noong dekada ‘70. Isa sa mga pinakatumatak na obra ni Guillen ang pelikulang “Tanging Yaman” na humakot ng parangal noong 2000 Metro Manila Film Festival kabilang ang Best Picture at Best Director.
Wagi din ang pelikulang “Quezon” na Best Music para kay Jerrold Tarog, Best Production Design para kay Monica Sebial, Best Cinematography para kay Pong Ignacio at Best Actor para kay Jericho Rosales.
Sa taong ito, may tigdalawang Best Actor at Best Actress ang kinilala ng Urian. Hinirang ding Best Actor si Carlo Aquino para sa “Bar Boys: After School” habang mga Best Actress naman sina Maris Racal para sa “Sunshine” at Odette Khan para sa “Bar Boys: After School”.
Best Supporting Actor naman si Will Ashley para sa “Bar Boys: After School” st Best Supporting Actress si Jennica Garcia para sa “Sunshine”.
Kabilang din sa mga nagkamit ng karangalan sa Gawad Urian si Emilio Bien Sparks para sa pelikulang “Cinemartyrs” na Best Sound, si Renei Dimla para sa “Republika ng Pipolipinas” na Best Screenplay at ang “Cemento” ni Justine Borlagdan na Best Short Film.