Editoryal

PNP, Jonvic, Isko, sinungaling


Patong-patong na kasinungalingan lang ang sinasabi nila para umilag sa sisi at pananagutan sa pambubugbog at pamamaril nila ng mga bata sa harapan ng mamamayan.

Magkaibang eksena yata ang pinanood ng buong bansa sa nakita ng mga awtoridad. Sa pagtatapos ng protesta sa Mendiola nitong September 21, sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng mga lumahok at ng mga pulis. Nagliparan ang mga bote at bato tapos teargas at pamalo naman mula sa nagtatanggol sa gobyerno.

Sa mga retrato, bidyo at mga eyewitness account, kitang-kita ang pambubugbog ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga kabataang nagpoprotesta. May mga pinalibutan, pinalo, sinikmuraan, tinadyakan, kahit mga kasapi ng midya na naroon, hindi pinatawad. Halos 300 ang kanilang inaresto at karamihan nagtamo ng maraming sugat.

Pinakamalala iyong namataang pulis na namaril ng isang bata at ng isa pang construction worker na napadaan lamang, si Erick Saber.

Pero ang mga opisyal natin, bulag sa pang-aabuso ng pulis sa karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag. Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, wala naman daw teargas at nagpakita ng “maximum tolerance” ang pulisya. Dagdag pa ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ng PNP, walang binaril at namatay.

Aba’y dapat kayong magpaliwanag sa pamilya ni Saber na nagluluksa ngayon sa Tondo!

Nagpasaring pa ang mga opisyal na kesyo binayaran daw ang mga nagpoprotesta para manggulo at may promotor daw. Pinakamalayo naman sa katotohanan ang pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro. Itinuro niya ang Jolly Roger flag ng sikat na anime na “One Piece” sa protesta bilang posibleng patunay na pakana ang gulo ng ibang bansa.

Hay nako, ser, sana itinanong niyo na lang sa mga apo ninyo kung bakit sikat na sikat ang anime na iyan, nakatipid pa sana tayo ng intelligence funds.

Sa social media, may mga kumalat ring bidyo ng umano’y mga raliyistang nag-aabutan ng pera, kabayaran daw para sa nangyari sa Mendiola. Sinabi pa ng pulisya na patunay ito ng masamang balak ng mga nagprotesta.  

Pero sa pananaliksik ng Agence France-Presse, nakumpirmang hindi naman patungkol sa rally ang bidyo, kundi bahagi ng advertisement ng isang streetwear brand. Sa katunayan, patong-patong na kasinungalingan lang ang sinasabi nila para umilag sa sisi at pananagutan sa pambubugbog at pamamaril nila ng mga bata sa harapan ng mamamayan.

Kung magsalita ang mga opisyal, akala mo, kawawa ang mga pulis, kesyo may nasaktan din daw sa kanila at grabe ang pinakitang pagtitimpi.

Pero sa ulat naman ng mga abogado at tanggol-karapatan, nagpatuloy ang karahasan at pambubugbog sa loob ng mga selda. Inabot pa nga ng apat na araw bago isailalim sa medical exam ang mga hinuli. Hinala ng mga magulang nila, para hindi na daw masyado halata ang mga pasa at sugat na natamo.

May sinasabing parlamento ng lansangan. Ang mamamayang naghahanap ng katarungan at matagal nang nagtitimpi ng kanyang poot at galit ay tumutungo sa kalsada upang ilahad ang totoong pulso at damdamin ng bayan.

Magugulat ba tayo, kung sa araw-araw na ginawa ng maykapal, pagnanakaw ng mga opisyal ang mababalitaan natin? At sa tagal ng panahon, wala namang napapakulong at sa loob ng Senado halos kalahating taon nang nagtuturuan ng sisi pero walang nangyayari. Natural, ang tao sa kalsada maghahanap ng sarili niyang hustisya.

Ang isa pang malinaw sa mga nasa Mendiola, may nakakaligtaang idawit sa pagnakakaw ang gobyerno. Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang buong pamilya, ‘di lang orihinal na magnanakaw, kundi tagaapruba din ng lahat ng insertion sa pondo ng mga proyektong flood control. Ano ‘yon, ikaw presidente tapos patay-malisya lang sa lahat ng kumi-kickback?

Ang todong pagtatanggol at pagsisinungaling ang gobyerno sa naganap sa Mendiola ay tanda ng kanilang pagtatanggol sa sentro ng korupsiyon sa Pilipinas: ang Palasyo ng Malacañang.