Protesta o demonstrasyon
Pampublikong aksiyon ng pagtutol o hindi pagsang-ayon laban sa pampolitikang kalamangan. Maaari ring magkaroon ng iba’t ibang anyo, mula sa mga indibidwal na pagpapahayag hanggang sa mga maramihang demonstrasyon sa lansangan.
Protesta o demonstrasyon – Pampublikong aksiyon ng pagtutol o hindi pagsang-ayon laban sa pampolitikang kalamangan. Maaari ring magkaroon ng iba’t ibang anyo, mula sa mga indibidwal na pagpapahayag hanggang sa mga maramihang demonstrasyon sa lansangan.
Maaaring mag-organisa ng isang protesta bilang pampublikong kaganapan para iparating ang kanilang mga opinyon o hinaing sa pagtatangkang impluwensiyahan ang opinyon publiko o patakaran ng pamahalaan. Maaari ding gumawa ng direktang aksiyon sa pagtatangkang gumawa ng mga ninanais na pagbabago.
Sa Jakarta, kabisera ng Indonesia, sumiklab ang mga protesta nitong Ago. 25 at kumalat ang mga ito sa Medan, North Sumatra. Libo-libong estudyante, manggagawa at ride-hailing driver ang nagprotesta. Hinihimok nila ang sentral na pamahalaan na ibasura ang mga bagong patakaran sa buwis.
Libo-libo ang nagtungo sa labas ng Parliamentary Complex of Indonesia sa Jakarta para kondenahin ang mga allowance sa pabahay ng mga Member of Parliament na halos 10 beses na mas mataas sa minimum na sahod sa lungsod.
Nagpatupad si Indonesian President Prabowo Subianto ng mahigpit na mga hakbang sa pagtitipid, kabilang ang mga pagbawas sa edukasyon, kalusugan at pampublikong imprastruktura.
Nagprotesta rin ang mga mamamayan ng Indonesia laban sa tinatawag nilang “corrupt elites” sa gobyerno at mga patakarang nakikinabang sa mga malalaking negosyo at militar, ayon sa isang press release ng student group na Gejayan Memanggil.
Ang galit sa mga pribilehiyo ng mga politiko ay mas nagpalawak sa mga protesta matapos ang pagkamatay ng isang 21 taong-gulang na delivery driver sa Jakarta.
Lumawak ang mga demonstrasyon sa Indonesia simula noong huling bahagi ng Agosto lalo na dahil ang galit sa humihinang ekonomiya ay humantong sa ganap na karahasan. Sinundan pa itong mga ulat na ang mga politiko ay nakatanggap ng $3,000 housing allowance bukod pa sa kanilang mga suweldo.
Patuloy na umaagos ang pinakabagong alon ng mga protesta sa iba’t ibang parte ng Indonesia, kabilang ang mga isla ng Java, Sumatra, Sulawesi at Kalimantan na may populasyon sa buong bansa na higit sa 285 milyon, ayon sa World Population Review.
Nakararanas din ng malaking kaguluhang sibil sa Nepal, kung saan lumusob ang mga nagpoprotesta sa mga gusali ng gobyerno at sinunog ang mga bahay ng mga politiko.
Sa Kathmandu, kabisera ng Nepal, sinunog ng galit na mga demonstrador ang mga gusali ng gobyerno, kabilang ang Singha Durbar na opisina ng punong ministro ng Nepal.
Nagsimula ang mga protesta bilang tugon sa pagbabawal ng gobyerno sa ilang platform ng social media noong Set. 4 at sa mas malawak na pagtatangka nitong i-regulate ang social media.
Ang mga protesta ay pinangunahan ng Gen Z na nanawagan sa mga isyu, kabilang ang pagbabawal at regulasyon sa social media, katiwalian, malaking agwat sa pagitan ng mayayamang politiko at mahihirap, ang kakulangan ng mga pang-ekonomiyang oportunidad para sa kabataan.
Kahit nagbitiw ang punong ministro ng Nepal na si Khadga Parasad Oli, patuloy pa rin ang mga protesta.
Binigyang-pansin din ng mga aktibista ang marangyang pamumuhay ng mga anak ng mga politiko na itinatampok ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ng Nepal.
Higit pa rito, nagkaroon ng malawakang pagbatikos sa kabiguan ng gobyerno na ituloy ang ilang malalaking kaso ng katiwalian.
Sinasabi rin ng mga nagpoprotesta na ang nabigo ang gobyerno na lumikha ng higit pang mga pang-ekonomiyang oportunidad para sa kabataan—nasa 20% ang unemployment rate sa Nepal noong nakaraang taon, ayon sa World Bank.
Sa Pilipinas, ang kumukulong galit ng mamamayan ay umarangkada sa mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa. Inorganisa ng mga grupo ng simbahan, civil society organization, labor union at political coalitions, ang mga protesta ay tumutugon sa katiwalian sa mga proyektong flood control ng gobyerno.
Umalingawngaw ang balita kasabay ng tag-ulan na nagpalalim sa tubig-baha sa maraming bahagi ng Kamaynilaan at mga karatig lalawigan. Nagpahiya ang delubyo kay Ferdinand Marcos Jr., na nagyabang noong 2024 tungkol sa pagkompleto ng maraming proyektong flood control na nagkakahalaga ng P7.5 bilyon.
Ang pangalan ng pamilya Marcos ay kasingkahulugan ng katiwalian sa maraming Pilipino. Dinambong ng yumaong diktador ang bilyon-bilyong mula sa kabang bayan at inilagak ang mga ito sa ibang bansa. Libo-libong aktibista rin ang iwinala at pinatay sa itinuturing ng marami na pinakamadilim na taon sa modernong kasaysayan ng Pilipinas.
Hangga’t nagpapatuloy ang naghaharing uring kasabwat ni Marcos Jr., hindi matatapos ang mga protesta ng sambayanang Pilipino.
Hangga’t hindi winawakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal magpapatuloy at magpapatuloy ang daluyong alon ng mga kilos protesta sa buong bansa.