Maralitang Lungsod

Sa baha ng korupsiyon, maralita ang nalulunod 


Dati, nagsisimula lang silang maghanda para sa baha pag may naririnig na mga bagyo sa balita. Ngayon, palagi na silang nakahanda dahil kahit wala nang bagyo, binabaha na sila nang mabilis. 

Sa loob ng bahay ni Elizabeth Favillaran, 66, mapapansin ang mga malalaking bag na naglalaman ng mga damit at gamit nila sa bahay. Aniya, inilagay na nila sa mga bag na ito ang karamihan ng kanilang gamit para isahang bitbit na lang kapag lumikas dahil sa pagbaha.

Halos 21 taon nang naninirahan si Elizabeth at ang kanyang pamilya sa Barangay Tatalon sa Quezon City. Isa ang kanilang barangay sa mga itinuturing na flood prone area sa lungsod. Sa tagal ng kanilang paninirahan sa lungsod, napagdaanan na nila nang maraming beses ang pagbaha.

Una silang nanirahan sa Aurora Boulevard, isang lugar din na laging binabaha. Lumipat sila sa Tatalon sa paniniwalang mas bubuti ang kaniyang kalagayan ngunit kinalaunan, napagtanto ni Elizabeth na mas malala pa ito kaysa sa nararanasan dati. 

Labing-isa ang nakatira sa bahay nina Elizabeth. Sa tuwing bumabaha, naging tradisyon na nila ang manatili sa ikalawang palapag ng bahay kung hindi ito inaabot ng tubig. Inilalagay rin nila ang kanilang mga gamit sa kalsada ng tulay na mas mataas sa kanilang bahay para hindi ito mabasa at masira. 

“Kaya ‘pag lumakas na ‘yong ulan, antimano, sinasabi ko sa mga anak ko, ‘[Iyong] mga gamit, ilikas na ninyo.’ Minsan doon sa tulay, pinapaakyat ko. ‘Yong tulay, [sa harap] lang kasi [ng bahay] namin, napupuno ‘yan ng mga gamit,” sabi ni Elizabeth. 

May mga pagkakataon ding pinipili nilang pumunta sa evacuation center na malapit sa kanila. Kuwento ni Elizabeth, lumalabas na sila sa bintana ng ikalawang palapag ng bahay at tumatalon para makasakay sa mga styrofoam na magdadala sa kanila sa evacuation center. 

Tipikal na hitsura ng styrofoam na kadalasang nagsisilbing sasakyan ng mga residente para makatawid sa baha papuntang evacuation center. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Napansin ng isa pang residente ng Tatalon na si Renalyn Baliwas, 45, na mabilis na ang pagbaha sa kanilang lugar nitong mga nakaraang buwan.

Aniya, dati ay nagsisimula lang silang maghanda para sa baha pag may naririnig na mga bagyo sa balita. Ngayon, palagi na silang nakahanda dahil kahit wala nang bagyo, binabaha na sila nang mabilis. 

Bilang paghahanda, naglalagay ang pamilya ni Renalyn ng mga pako sa kanilang kisame at doon sinasabit ang mga mahahalaga nilang gamit.

Nagiging doble na ang pag-iingat ni Renalyn dahil nasira na noon ang kaniyang laminator machine dahil sa baha. Ito aniya ang isa sa mga nagsisilbi niyang negosyo para matustusan ang araw-araw na pangagailangan ng pamilya lalo na’t dalawa sa kanyang anak ang kasalukuyang nag-aaral.

“Bagong, ano na naman, bagong pundar ulit. Kaya imbis na umaangat ang buhay, pababa siya. Kasi nakabili ka na, mayroon ka nang naipundar, nasira sa baha, bili ka na naman ulit,” sabi ni Renalyn.

Sa ngayon, kasabay ng kanyang negosyo na lamination, may sari-sari store din siya ngunit kaunti na rin ang kanyang paninda dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin.

Sari-sari store na munting negosyo ni Renalyn. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Hindi nahihiwalay ang karanasan ni Renalyn sa kapwa residente na si Teodora Bibat, 50. Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, nahihirapan na sa pang-araw-araw na pagbabadyet si Teodora.

Apat ang kanyang anak at gumaan na ang pakiramdam nang makapagtapos ng isa ngunit nababahala dahil sa natirang tatlo, isa na lang ang nagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay. Wala ring trabaho sa kasalukuyan ang kanyang asawa. 

Kaya naman sa tuwing bumabaha, hindi sila nakakapag-imbak ng pagkain dahil sapat lang ang kanilang suplay sa bawat araw. Minsan naman, napipilitan pa ang kanyang mga anak na lumangoy sa baha para maghanap ng mabibiling pagkain. 

Maraming pagkakataon din na kapag lumalampas sa isang araw ang pagbaha, hindi na sila nakakakain.

“[Kapag] ang baha ay isang araw or [lumampas] pa, hindi kami makakain po niyan. Wala talaga kasi biglaan lang po e. Siguro ‘yong iba, may mga stock sila na pagkain. Kami po talaga wala,” ani Teodora.

Nang mabalitaan ang isyu ng korupsiyon sa mga proyektong flood control, malaki ang naging galit ni Teodora dala ng kanilang patuloy na lumalalang hirap sa tuwing bumabaha.

“Lumulutang [sila] sa yaman, kami lumulutang sa baha. ‘Yong mga [kurakot], lumulutang sila sa yaman,” sabi ni Teodora.

Naging mainit na usapin sa bansa ang nangyayaring katiwalian sa mga proyektong flood control. Ayon sa Greenpeace, tinatayang mahigit trilyong pisong halaga ang posibleng nawala dahil sa korupsiyon simula noong 2023. 

Sa Quezon City, iniulat na 66 na mga proyektong flood control na kinontrata mula 2022 hanggang 2025 ang walang maayos na koordinasyon sa pamahalaang lokal na nagpapahirap para maberipika ang mga kasalukuyang kalagayan nito. 

Hanggang ngayon, paikot-ikot pa rin ang proseso ng imbestigasyon sa korupsiyon. Para kay Renalyn, nagiging mahirap na ang maniwalang bubuti pa ang kanilang lagay. 

“Nakakasama po ng loob at parang nakakawala ng pag-asa. Parang naitatanong namin sa mga sarili namin, ‘May pag-asa pa ba?’ Ayon [ang] malaking question mark sa mga buhay ng mga tao ngayon, lalo na sa aming mga [mahihirap]: May pag-asa pa ba?” sabi ni Renalyn.