Sino ang mga tunay na bayani? | Ilang punto hinggil sa ‘Quezon’ at buong ‘Bayaniverse’
Masasabing panandang bato rin ang pelikulang ito ng bagong yugto ng pagtuturo sa kasaysayang Pilipino sa kabataan ngayon
Isa sa tampok na kontradiksiyon sa pelikulang “Quezon”, dinirehe ni Jerrold Tarog, ang labanan nila ng unang pangulo at heneral ng rebolusyong Pilipino na si Emilio Aguinaldo sa eleksiyong 1935.
Nasa ilalim pa ang bansa ng kolonyalismong Amerikano, pero may pagparaya ang mga kolonisador sa mga Pilipinong lider para ihanda raw ang mga ito sa pamumuno sa sariling bansa. Sa isang eksena, nagkaharap sina Manuel L. Quezon at Aguinaldo sa isang pampublikong debate. Tulad ng inaasahan, matalas, maanghang at matunog ang talumpati ni Quezon sa pagbabatikos sa kalaban.
Magaling ding magsalita si Aguinaldo. Pero sa huling sandali, nag-atubili siyang ilabas ang alas laban kay Quezon: ang dating asawa noong sundalo pa siya na inabandona. Sa madaling salita, hindi niya natapatan ang maruming larong pampolitika ni Quezon. Sa debating ito—at sa eleksiyong ito—malinaw nang talo ang heneral at unang pangulo.
Pero may pangatlong katunggali sina Aguinaldo at Quezon: ang makabayang obispo na tumiwalag sa Simbahang Katolika, si Gregorio Aglipay na isa sa mga namumunong boses ng paglaban sa kolonyalismong Amerikano noon. Kasama ni Aglipay ang kandidato sa pagkabise presidente na si Norberto Nabong ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Sa eksenang ito, matapos ang talumpati ni Quezon, bumulong si Nabong kay Aglipay: Babatikusin din ba natin si Quezon? Ang sabi ni Aglipay, huwag na, kung ayaw nating maging target din ni Quezon. Ipinalabas na takot sina Aglipay makipagdebate kay Quezon.
Mahalaga ang eksenang ito, palagay ko, hindi lang dahil resolusyon ito ng isa sa mayor na mga kontradiksiyon ng pelikula. Mahalaga ito sa iba pang bagay: ang pagtatakda ng hangganan ng eksplorasyon ng pelikula sa kasaysayan at sa mga puwersang nagtutulak ng mga pagbabago sa lipunan.
May natatanging ambag sa edukasyon ng mga manonood ang mga pelikula sa tinaguriang “Bayaniverse” ni Tarog (trilohiya ng mga pelikulang hinggil sa mga bayaning Pilipino: Heneral Luna [2015], Goyo [2018] at Quezon [2025]).
Ito ang kritikal na pagtatanaw sa mga “dakilang bayani ng kasaysayan” (“great men of history”). Sa Luna at Goyo, ipinakita ang malinaw na mga kahinaan o hubris ng mga heneral na namuno sa pagdedepensa sa nakakamit-pa-lang na kalayaang Pilipino. Hambog, malupit, at may pagkadiktador si Luna; mapusok at kulang sa karanasan si Goyo.
Malayo sila sa pagiging perpekto, pero nang nalagay sa posisyong kailangan nilang mamuno sa paglaban ay tinanganan nila ito. Maaaring sa kamay ng ibang heneral—iyong mas may karanasan, hindi hambog o hindi diktador—baka naging mas matagumpay pa ang paglaban ng mga Pilipino.
Ang kaiba sa ikatlong pelikula at ikatlong character sketch ni Tarog, pinili ni Quezon ang kanyang landas ng pamumuno. Pinili niyang sumuko sa mga Amerikano, tumakbo sa pagkagobernador ng Tayabas (na ngayo’y nahati sa mga lalawigan ng Quezon at Aurora), tumakbo sa pagkasenador.
Ginamit niya ang kanyang dunong at talento para manatili sa kapangyarihan, pahinain ang mga kalaban, gawing kakampi ang mga dating karibal. Lahat nang ito, sa ngalan ng pagtataguyod daw ng interes ng mga Pilipino: ang pagpapalaya mula sa kamay ng mga Amerikano.
May pagkakapareho ang uring panlipunan na pinagmulan nina Antonio Luna, Gregorio del Pilar at Quezon: ang mga ilustrado at principalia, o ang panggitnang uri ng lipunang Pilipino sa pagsapit ng ika-20 siglo. Pero may mahalagang pagkakaiba sina Luna at Goyo, sa isang banda, kay Quezon, sa kabilang banda. Kinatawan nina Luna at Goyo ang minorya ng mga burges na lider ng rebolusyong Pilipino na aktuwal na ipinaglaban ang bagong kalayaan ng bansa.
Sa kabila ng mga kahinaan ni Luna, halimbawa, malupit na tinuligsa niya ang mga “Amerikanista” sa loob ng gabinete ni Aguinaldo tulad nina Felipe Buencamino at Felipe Calderon. Si Goyo, sa kabila ng kolaborasyon ng mga Amerikanista at pagsuko ng lahat ng mga opisyal-militar at ni Aguinaldo mismo, nagsagawa ng huling tindig sa Pasong Tirad laban sa mga mananakop.
Pero si Quezon, masasabing kinakatawan niya ang mayoryang tindig ng burgesyang Pilipino noon: Ang magpasailalim sa kontrol at kapangyarihan ng mga Amerikano. Si Quezon daw ang “ama ng Philippine traditional politics” dahil sa kanyang tusong pagmamantine ng kapangyarihan at pagmanipula ng sariling imahen sa mata ng masang Pilipino. Tuwing kaaharap ang mga Amerikano, pinakita ni Quezon ang katapatan sa kanila. Tuwing kaharap naman ang masang Pilipino, mapusok siyang nagsalita pabor sa independensiya.
Kalakasan ng pelikula ni Tarog ang kritikal na pagsasalarawan kay Quezon bilang trapo. Pinakalantad na kabuluhan nito ang ‘di maiiwasang pagkukumpara sa mga pulitiko ngayon, lalo na sa konteksto ng nalalantad na malawakang korupsiyon sa gobyerno ngayon.
Masasabing panandang bato rin ang pelikulang ito (at ang buong “Bayaniverse”) ng bagong yugto ng pagtuturo sa kasaysayang Pilipino sa kabataan ngayon. Sa popularidad ng Heneral Luna at tagumpay sa takilya (at sa mga kritikong pampelikula) ng Goyo at Quezon, hindi na siguro masasapatan ang kabataan sa ‘di kritikal na pagtuturo sa kasaysayan, ang simpleng pagtatala ng mga petsa ng mga pangyayari at “achievements” ng mga bayani’t presidente tulad ng ginawa ni Gregorio Zaide, ang labis na pagpapahalaga sa mga detalye ng kasaysayan tulad ng ginagawa ni Ambeth Ocampo, o ang ‘di kritikal na pagbabaybay sa mga pangyayari sa nakaraan tulad ng ginagawa ni Xiao Chua.
Isa pang ambag ng “Bayaniverse” ang pagsasalarawan sa isang bahagi ng kasaysayan na sadyang ‘di pinapaksa ng maraming teksbuk: Ang kolonyalismong Amerikano. Sa Quezon, pinasilip ang pang-ekonomiyang interes ng United States (US) sa pananakop nito sa Pilipinas.
Halimbawa, nabanggit ang “kinita” ng berdugong Governor General Leonard Wood. Ipinakita rin ang pagtanggap ni Quezon sa mga bisitang kumakatawan sa mga dayuhang monopolyo-kapitalista. Ipinakita rin kung paanong sadyang sinuportahan ng mga Amerikano si Quezon bilang tuta nilang kandidato.
Pero ang pangunahing pokus ng “Quezon” at ng dalawa pang naunang pelikula ay ang mga kahinaan ng rebolusyonaryong gobyerno (sa pamumuno ng burgesyang Pilipino) sa pagharap sa mga bagong kolonisador.
Katunayan, masyadong nagpokus ang “Bayaniverse” sa mga kahinaang ito, na parang ang tanging dahilan sa pagkatalo ng lumang rebolusyong Pilipino ay ang pamumuno ng burgesya—hindi ang pagpasok ng bagong kolonisador at imperyalistang Amerikano. Sabi pa naman ni Luna sa naunang pelikula: “Hindi mga dayuhan ang kalaban natin, kundi kapwa Pilipino.”
Ito talaga siguro ang tesis ng Bayaniverse ni Tarog: ang kalupitan ng mga Pilipino sa kapwa niyang Pilipino. Sa kabilang banda, minimal ang pagpapakita sa kalupitang ginawa ng mga Amerikano sa mga Pilipino—iyong sinasabi ng Amerikanong satiristang si Mark Twain na “thirty thousand killed a million”. Ito raw ang “unang (giyerang) Vietnam” ng Amerika; sa konteksto ng kasalukuyan, isa sa mga unang henosidyong nilahukan ng Amerika (matapos ang henosidyo sa Native Americans, bago ang henosidyo sa mga Palestino).
Mabuti na lang at may ilan pang pelikula na maaaring magamit ng mga edukador sa pagbibigay-buhay sa bahaging ito ng ating kasaysayan. Nandiyan, halimbawa, ang “Sakay” (Raymond Red, 1993) at “Balangiga: Howling Wilderness” (Khavn, 2017).
Sa madaling salita, maituturing na panimulang ambag pa lang ang “Bayaniverse” ni Tarog sa kinakailangang paglulugar sa “dakilang mga bayani ng kasaysayan”—sa baba ng kanilang pedestal sa kasaysayan.
Mula kina Teodoro Agoncillo at Renato Constantino, hanggang kay Amado Guerrero, maraming historyador at intelektuwal na ang gumamit ng lapit na ito sa kasaysayan—ang pagsesentro sa mga panlipunang kilusan bilang pangunahing puwersa ng pagbabagong panlipunan.
Kailangan na lang sigurong isangguni rin ng mga filmmaker tulad ni Tarog ang mga libro nila.
Sa Quezon, etsapuwera ang boses nina Aglipay at Nabong na kumakatawan sa kilusang ito noong panahong iyon. Pinakikita nito ang hangganan ng nasabing pelikula: hanggang sa paglalarawan lang ito ng mga kahinaan ng burgesya.
Pero hindi nito sinasagot ang mga katanungang laging nasa isip natin: Sino ang tunay na bayani? Sino ang tunay na naglilikha ng kasaysayan?
*Unang nailathala sa Altermidya noong Okt. 25, 2025