Muni at Suri

Buwagin ang MTRCB!


Hindi kinakailangan ng isang instrumento mula sa estado na nagmomonopolyo ng mga pamantayan hinggil sa kung ano ang dapat maitanghal sa publiko.

Sa isang talakayan na dinaluhan ko sa programa ng QCinema Critics Lab, dumako ang usapin hinggil sa censorship sa Pilipinas. Partikular na nabanggit ang papel ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagkontrol ng sirkulasyon ng broadcast media, partikular na ng pelikula, sa pampublikong espera.

Bilang ratings board, may kapangyarihan ang MTRCB na sikilin ang lawak at saklaw ng sirkulasyon ng broadcast media sa bansa. Sa gayon, maituturing na isa itong ahensiya ng censorship na tumataliwas sa anupamang palagay na malaya ang pamamahayag at artistikong ekspresyon sa Pilipinas.

Hindi maitatatwa na seryosong anomalya ang pag-iral ng MTRCB. Nakasaad mismo sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng Saligang Batas ang hinggil sa malayang pagpapahayag na sumasaklaw sa lahat ng porma ng ekspresyon, maging broadcast media at pelikula. Lumalabag dito ang pananatili ng ahensiyang ito.

Mahalagang banggitin din na naitatag ang MTRCB sa ilalim pa ng rehimeng Marcos Sr. sa bisa ng Presidential Decree 1986 noong 1985. Ito ay naiwang bakas ng diktadura na nananatiling may pangil upang sikilin ang artistiko at politikal na kalayaan ng mga manggagawang kultural, lalo na sa pelikula.

Kung sisipatin, nakababahala ang mga panuntunan ng MTRCB sa iginagawad nitong klasipikasyon. Nakabatay ‘di umano ang ebalwasyon ng opisina sa mga konsiderasyon hinggil sa “good moral” o pagiging “subersibo” ng broadcast media. 

Bukod sa arbitraryo ang mga parametrong ito, naibubuslo ang mga pamantayang ito sa mga reaksiyonaryo, konserbatibo at kontra-mamamayang pananaw.

Nagagamit ang MTRCB upang sikilin ang mga pelikulang nagpapahayag ng kritikal na komentaryo sa estado, kagaya ng karanasan ng dokumentaryong “Alipato at Muog” (2024) na tumanggap ng X rating. Nailalapat din ang pamantayang ito sa mga pundamentalistang adyenda na tumataliwas sa kagalingan ng mga minoritaryong sektor gaya ng pamayanang LGBTQ+.

Kaugnay nito, dagdag na hamon sa maraming manggagawa sa media at pelikula ang burukratikong proseso sa MTRCB, lalo pa’t may kaakibat na bayad ang ebalwasyon sa ahensiya. Para rin sa marami, ang chilling effect na inihahapag ng MTRCB ay maaaring mauwi sa tendensiya na mag-self-censor.

Higit na nakababahala pa ang bantang palawakin ang saklaw ng MTRCB maging sa online streaming sa porma ng Senate Bill 2805 na naipasa sa Kongreso nitong Hunyo. Inaasahan ang malaong paglabag sa kalayaan sa pagpapahayag sa sandaling tuluyang maisabatas ang panukalang ito.

Hindi na bago ang panawagang ibasura ang MTRCB. Ayon sa iskolar ng media at aktibistang si Luis Teodoro, ang pagbubuwag sa MTRCB ay isang nararapat na hakbang upang isulong at paunlarin ang mga mekanismo ng self-regulation sa media.

Dito, inaasahan na sa hanay mismo ng pamayanang ito magmumula at maipatutupad ang mga pamantayan ng responsable, makatao at patas na praktika sa pagpapahayag at paglikha.

Sa gayon, hindi kinakailangan ng isang instrumento mula sa estado na nagmomonopolyo ng mga pamantayan hinggil sa kung ano ang dapat maitanghal sa publiko.

Sa panahon ng pag-uusisa sa katiwalian sa gobyerno, hindi na dapat pang pag-aksayahan ng pondo ng taumbayan ang isang ahensya ng censorship na lumalabag sa ating mga demokratikong karapatan sa paglikha at pagpapahayag. 

Buwagin ang MTRCB!