Matutong makinig sa kabataan
Sa bawat yugto ng kasaysayan, may susing papel ang kabataan sa nagpapatuloy na pakikibaka para katarungan at pagbabagong panlipunan sa kabila ng mga atake ng estado at pasistang puwersa nito.
Sa murang edad, itinuturo sa atin ang pagiging masunurin—sa mga utos ng magulang, sa turo ng mga guro at sa mga ipinasang tradisyon. Kumbaga, ang pagsunod ay karaniwang sukatan ng pagiging mabuting anak at mamamayan.
Gayunpaman, kahit sa loob ng apat na sulok ng bahay at silid-aralan, unti-unting nagkakaroon ang kabataan ng pagsipat sa mga isyung panlipunan. At kasunod pa nga ang paglabas para tuklasin kung ano nga bang mga ugat nito.
Pero paano makikisangkot ang mga kabataan kung sa bawat kritikal na pag-iisip at progresibong pagkilos ay itinuturing silang kalaban ng estado?
Takot kaya nananakot
Lansangan kasama ang masa ang nagsisilbing paaralan ng mga kabataang mulat. Dito natututo sila mula sa danas ng mga pinagsasamantalahan, natututong sumigaw ng katarungan, magbigay boses at mas malalimang maunawaan at labanan ang mga pagiging baluktot na sistemang panlipunan. Masyado raw matapang kaya hindi pasok sa timpla ng estado.
Para lamlaman ang kolektibong tinig ng kabataan, pandarahas ang pamamaraan ng estado. Nariyan ang paniniktik na madalas may kasamang presensiya ng pulis o militar sa loob o paligid ng mga paaralan, panghuhuli at ilegal na pang-aaresto, brutalidad ng pulisya at red-tagging o pag-aakusang konektado sila sa mga komunista o teroristang grupo.
Patunay dito ang kaso ng Mabinay 6, mga kabataang aktibista at organisador na sina Myles Albasin, Carlos Ybañes, Randel Hermino, Joemar Indico, Joey Vailoces at Bernard Guillen na kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives noong 2018.
Inakusahan silang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at nakaengkwentro umano ng militar sa Negros Oriental. Pitong taon bago nila muling nakamtan ang kalayaan.

May ilan na hindi pa rin nakakalaya sa parehong kaso tulad ni Alexandrea Pacalda, kabataang aktibista mula sa lalawigan ng Quezon na kinasuhan noong 2019 at Frenchie Mae Cumpio, kabataang mamamahayag at aktibista mula Tacloban City.
Nang mapagtanto na hindi humihina ang boses ng mga progresibong kabataan kahit nasa piitan, naging mas mabagsik ang estado. Noong 2018, nilikha ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa bisa ng Executive Order No. 70 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dalawang taon matapos ito, isinabatas ang Anti-Terrorism Act (ATA). Kapwa ang task force at ang batas ay tinaguriang mga instrumento para patahimikin, atakihin at dungisan ang imahen ng mga kritiko ng gobyerno.
Noong 2022, inakusahan ng paglabag sa ATA at international humanitarian law si Hailey Pecayo, kasama ang mga kapwa kabataang tanggol-karapatan na sina John Peter Angelo Garcia, Jasmin Rubia at Kenneth Rementilla.
Ito’y matapos nilang sumama sa fact-finding mission hinggil sa pagpaslang kay Kyllene Casao, isang siyam na taong gulang na bata, at magsasakang si Maximo Digmo ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Batangas.
Sangkot din ang estado sa mga kaso ng sapilitang pagkawala o enforced disappearance sa mga kabataan.
Noong Setyembre 2023, dinukot sina Jonila Castro at Jhed Tamano na nanguna sa community consultation at relief operations laban sa reclamation projects sa Bataan. Ayon sa kanilang salaysay, dinampot sila ng mga armadong lalaki at pinilit papirmahan ng affidavit bilang “surrenderees.”
“May dumukot pong SUV sa amin. Tapos pinilit po kaming pasamahin sa kanila. ‘Yon po ‘yong totoo. Akala po namin sindikato, pero kilala po nila kami,” pagsisiwalat ni Tamano sa isang press conference nang ilitaw sila ng estado.
Ang pinakabagong manipestasyon ng matinding panunupil ay ang ilegal na aresto at pananakot sa mga lider-estudyante kaugnay ng mga kilos-protesta noong Set. 21. Lampas 200 ang inarestong indibidwal kung saan 91 dito ay kabataan at 27 ay mga batang edad 15 pababa.

Matapos ang nangyaring pag-aresto, nagbanta si Mayor Isko Moreno na kanyang papanagutin ang mga nakisali at nagpasimuno ng marahas na protesta sa Mendiola, na siyang tinawag niyang mga “utak adik” at “utak talangka.”
Inaresto at ikinulong ang nasa 190 na indibidwal nang higit apat na araw nang walang kaso. Dalawang araw matapos maaresto, hindi sila pinayagan na makausap ang kanilang mga abogado, isang malinaw na paglabag sa kanilang karapatan.
Hindi rin pinayagan na makapasok ang mga volunteer doctor para gamutin ang mga indibidwal na nangailangan ng agarang medikal na atensiyon. Taliwas ito sa naging pahayag ng Manila Police District spokesperson Police Maj. Philipp Ines na nangakong hindi pababayaan ang pangangailangan ng mga inaresto.
Ayon pa sa National Union of Peoples’ Lawyers, may mga ulat ng pambubugbog sa mga detenido, pinipilit magbayad kapalit ng “proteksiyon,” at puwersahang pag-amin sa kasalanan.
“‘Yong harassment coupled with actual arrest kapag may mga protesta, direct violation siya [ng mga karapatang pantao] at saka nag-aanak pa siya ng mas malalang violation,” wika ni Karapatan deputy secretary general Sol Taule, ang tumayong abogado ng mga inaresto.
Ilang linggo ang nakalipas, apat na lider-estudyante naman ang hinainan ng subpoena ng Criminal Investigation and Detection Group.
Walang tugon sa korupsiyon
Ayon kay Prop. David Michael San Juan, isang manunulat at aktibista, ang pasismo o panunupil ng gobyerno sa kabataan patunay lang sa kawalang pananagutan nito sa korupsiyon na sila mismo ang nagpapairal.
“Ang kabataan ang humihingi para sa edukasyon, health care, at iba pa, laging ang sinasabi ng gobyerno, kulang, walang budget, magtiis muna. Pero ang laki ng budget ng Pilipinas for the police and military,” ani San Juan sa panayam sa Pinoy Weekly.
Diin niya, ito rin ang dahilan kung bakit masigasig na pinoprotektahan ng mga pulis ang mga naghaharing-uring nakaupo ngayon sa gobyerno, dahil sila mismo ang nakikinabang sa pondo ng taumbayan.

Sa 2026, tataas ng 314% ang budget ng NTF-Elcac mula P1.95 bilyon na inaprubahan noong 2025 at magiging P8.08 bilyon, perang inilaan na lang sana sa sektor ng edukasyon.
Habang pataas ang budget sa militarisasyon, patuloy naman ang tahasang pagtapyas sa badyet sa sektor ng edukasyon. Tinatayang humigit kumulang P6.8 bilyon ang budget cut sa 2026 para sa sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.
Para naman sa tanggol-kalikasan at abogadong si Antonio La Viña, hindi lang dapat itutok ang sisi sa pulis at militar sa mga paniniktik, pananakot at pagpatay, kung hindi pati sa gobyernong nag-uutos at nagpopondo nito.
“Ang sistema ang pumapatay sa mga tao, tools lang tayo for pressure. Ang oppression ang kailangang mapagtagumpayan,” ani La Viña.
Hindi magagapi
Magkaroon man ng bahid ng takot at pangamba, naniniwala ang kabataan na hindi sila madadala ng intimidasyon ng gobyerno. Mula sa patuloy na pakikipaglaban ng masa, suporta ng mga kasama at pagmamahal mula sa pamilya, batid nilang hanggang pananakot lang ang kayang gawin ng estado.
“Itong ginagawa ng gobyerno ni Marcos Jr.na pananakot sa mga student [leader] na katulad ko, ay hindi nagfo-fall sa kasalanan namin bilang mga student [leader], kundi natural sa isang gobyerno na takot sa katotohanan at takot sa pananagutan,” ani Tiffany Brillante, isa sa apat na lider-estudyante na pinadalhan ng subpoena kaugnay ng pagkilos noong Set. 21.
Nakaukit sa kasaysayan na hinding-hindi mapipigilan ang kabataan sa kanilang sama-samang lakas na ipaglaban pantay na karapatang pantao, hindi lang para sa kanila kung hindi pati sa lipunang kinasasangkutan nila.