Young Stunna slang, street at pakikibaka
Ang Young Stunna slang ay higit pa sa viral slang o kaswal na salita sa chat at social media. Ito’y nagpapakita ng identidad at paninindigan.
“Safe ka ba sa hood, sah?” tanong ng isang post sa TikTok. Kasunod nito, hamon. Kung hindi mo gets, awit sa’yo, dol. Ganito magsalita ang mga “young stunna” o kabataang Pilipino na lumaki sa hip-hop, social media at hustling culture. Para sa kanila, ang wika ay hindi lang mga salita. Ito ay porma, asta, pagkakakilanlan at sandata ng pakikibaka.
Noong Set. 28, viral ang isang post sa Facebook na naglilista ng buong Young Stunna vocabulary mula sah (sir), at kosa (kasama), pati mga buong linya tulad ng “sasabay sa paglipad ng eroplano (sumama sa pag-unlad)” at “patabain ang bulsa” (gumawa ng pera). Umikot agad ito sa TikTok, X (dating Twitter) at Messenger at naging instant reference para sa kabataan na gustong makisabay sa hood talk.
Hindi lang basta viral slang ang mga ito. Ang bawat salita ay may konteksto. Matsalove (salamat), deins (hindi), bitaw (pera o kakayahan), awit sa’yo (ang sama mo) at cappin (pagsinungaling).
Ang slang na ito ay haluan ng impluwensiya mula sa Kanluran dala ng midya, usong pagbabaliktad ng mga salita sa Pinas at kultura ng kabataan. Ginagamit ito para magpatawa, at sa maraming pagkakataon, para magpahayag ng kritisismong panlipunan.
Ano ba ang Young Stunna?

Sa hip-hop culture, ang stunna (padulas na bigkas ng “stunner”) ay taong may dating, tiwala sa sarili, may estilo at nagpapakita ng yaman o kakayahan. Ang young stunna ay kabataang maangas at malakas ang dating kahit bata pa.
May “day ones at day zeroes” para sa OG tropa, “sama mo” para sa solidarity o panunuya sa mali, at “fr” para sa pagiging totoo. Parang survival code ang wika, pantawid sa poot ng kahirapan at instrumento sa pakikipagkapwa.
Hindi lang sa chat o TikTok naglalagi ang mga Young Stunna. Noong Set. 21, nakibahagi ang mga kabataan sa isang malawakang protesta laban sa korupsiyon sa Maynila. Makikita sa mga retrato na nakasuot sila ng itim, nakamaskara at may bandila ng Jolly Roger mula sa palabas na “One Piece.”
Mahigit 200 ang inaresto, halos kalahati ay menor de edad. Marami ang galing sa unibersidad at mmaralitang komunidad na araw-araw nakararanas ng kawalan, katiwalian at inhustisya. Ang ilan ay tinawag ng gobyerno bilang Team Itim, isang bansag na sumasalamin sa takot ng administrasyon sa organisadong kabataan at sa kanilang kritikal na boses.
Wika at kultura ng Young Stunna

Ang Young Stunna slang ay higit pa sa viral slang o kaswal na salita sa chat at social media. Ito ay paraan ng kabataan para ipakita ang kanilang identidad, ang kanilang kapatiran at ang kanilang pagnanais na umusad sa kabila ng kahirapan. Ang mga salita rito ay ginagamit hindi lang sa biruan kundi para humiling ng pananagutan mula sa mga nasa kapangyarihan.
Sa kultura ng kabataan, ang wika ay instrumento rin para ipakita ang katapatan sa tropa, pagkakaisa sa komunidad, at pagiging malikhain sa pagpapahayag ng damdamin. Ang mga slang ay lumulutang sa urban na karanasan, sa musika, sa lansangan, at sa digital na espasyo, at nagbibigay daan sa kabataan upang makipag-ugnayan at makisabay sa daloy ng lipunan.
Simula noong Set. 21, sunod-sunod ang mga protestang pinangunahan ng kabataan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ay nag-organisa ng mga walkout sa campus, hanggang umabot sa inaasahang malakihang protesta sa Nob. 30.
Ang sunod-sunod na mga kilos-protesta ay nagpapakita ng aktibong pakikilahok ng kabataan sa laban kontra-katiwalian. Ang slang at kultura ng Young Stunna, puwedeng maging daluyang ng wika ng pakikibaka, nag-uugnay ito sa mga kabataan at nagiging tanda ng kanilang pagkakakilanlan at paninindigan sa lipunan.

Sa isang panahon na puno ng kawalang tiwala sa mga institusyon at malawakang katiwalian, ang Young Stunna vocabulary ay nagiging “cultural toolkit.” Nagbibigay ito sa kabataan ng boses para ipakita ang kanilang pananaw, ang kanilang kapangyarihan sa wika, at kakayahan na kumilos at mag-isip nang kritikal.
Ang mga salita gaya ng fr, safe, o plar ay maaaaring magbago sa susunod na taon. Pero habang umiikot sa internet at kalye ang mga ito, bitbit nila ang diwa ng isang henerasyong marunong sumabay sa flow.
Sa panahong puno ng kawalang tiwala sa mga institusyon, nananatiling buhay ang wika ng kabataan na palaging nagbabago, palaging may banat, at palaging nakikipaglaban at nagpapahayag para sa hustisya.
At kung tanungin mo sila kung bakit gano’n sila magsalita, baka ngumiti lang sila at sabihing, “Sumabay ka nalang sa eroplano, sah.”