Anino at liwanag sa lansangan ng Maynila
Malupit at magulo ang Kamaynilaan. Pero sa dulo, tatanaw ka pa rin sa silangan. Dahil para sa marami, ito pa rin ang tahanan—ang saksi sa ating mga gunita at pakikibaka.
Hindi ako estranghero sa Maynila. Sampung taong gulang pa lang ako nang bitbitin ni Nanay sa laberinto ng Divisoria at Binondo, naghahagilap ng tela at kalakal.
Doon, sa gitna ng siksikan, una kong naintindihan ang pakikipagkapwa. Natutuhan ko ang wika ng lansangan—kung paano pumara, kung paano makisama at kung saan mainam huminto para magpahinga.

Minsan sa Tropical Hut o Chowking sa Recto, pero madalas, sa Polland. Masarap ang kape, hopia at siopao dito. Paboritong kunin ni Nanay ang asado, pero sa musmos na edad ko napagtanto na mas masarap ang bola-bola. Hanggang ngayon, siopao na bola-bola ang lagi kong ino-order sa kung saan man meron.

Sa paglipas ng panahon, nag-iba ang bihis ng siyudad, at kasabay nito ang aking pagtanda. Noong edead 16 ako, dinala ako ng isang kasintahan sa Luneta para pagmasdan ang bantayog ni Lapu-Lapu sa Agrifina. Ang mga naglalakihang gusaling nakapaligid noon ay mga magagarbong mga museo na ngayon. Noong edad 18, sa isang sulok ng Lawton, doon ko unang natikman ang pait at usok ng sigarilyo.

Sa aking pagtanda, dinala ako ng mga mangingibig sa mga lugar na parehong pamilyar at dayuhan. Saulado ang Sampaloc at Sta. Cruz. Nakakasulasok man sa Avenida, laging payapa ang pagtanggap ng Escolta. Nandoon ang ginhawa pagtingala mo sa ganda ng mga lumang gusali.

May taglay na alindog pa rin ang Ilog Pasig—kahit kulay abo, patuloy nitong aaninagin ang mga ilaw ng lungsod sa gabi. Ang Ermita at Malate ay tila magkapatid na uuwian mo matapos mangibang-bansa: Pedro Gil para sa sisig, Remedios para sa inuman.

Pero sa bawat sulok, may tanawin na dudurog sa puso. Mga batang naglalaro sa gilid ng kalsada habang ang iba’y nagpapakasasa sa yaman at kapangyarihan. Ganito ba dapat ang kanilang kamusmusan?

Malupit at magulo ang Kamaynilaan. Pero sa dulo, tatanaw ka pa rin sa silangan. Dahil para sa marami, ito pa rin ang tahanan—ang saksi sa ating mga gunita at pakikibaka.