Sa loob ng apat na taon sa kolehiyo
Sa loob ng apat na taon kong pagsasanay para sa mundong marahas, nakasalamuha ko sa U-belt ang iba’t ibang tao.
Hindi ko naisip na dito ako mag-aaral sa Kamaynilaan. Bukod sa marami raw oportunidad na maibibigay sa iyo, pagkagradweyt raw ay may trabaho ka na agad.

Sa loob ng apat na taon kong pagsasanay para sa mundong marahas, nakasalamuha ko sa U-belt ang iba’t ibang tao. May mga nagtatrabaho habang nag-aaral o ‘di kaya mga anak na gusto makakuha ng mataas na grado.

Sa loob ng apat na taon na iyon, naranasan ko rin ang paghihirap para lang sa pang-araw araw kong gastos.

Sa unibersidad, naroon rin ang mga estudyanteng sinasanay ang kanilang katawan para sa araw-araw na pagsasayang ng mahabang oras makarating lang sa paaralan.

Sa loob ng apat na taon na iyon, nakaranas kaming mga estudyante ng iba’t ibang pagmamalupit: bukod sa tambak na gawain, tumaas na naman ang matrikula na babayaran na hindi pa sa kasama ang ilang daang libo ng mga miscellaneous fees.

Kaya bukod sa pag-aaral, natuto ang mga estudyante pagsabay-sabayin ang pagharap sa kanilang patong-patong na problema, maghanap ng solusyon, at humingi ng pagbabago sa mga namamahala—mula sa pamantasan, munisipyo, patungong pambansang pamahalaan.

Napagtanto ng mga kabataan na kailangan sumama sa aklasan para ipaglaban ang karapatan ng bawat estudyante, ng mga guro, ng mga manggagawa at ng masa.
