Suring Balita

Banta ng pribatisasyon sa serbisyo publiko, tumitindi


Hindi na lang nakatuon ang burukrata-kapitalismo sa mga kickback at komisyon kundi pati sa pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya o patakarang pabor sa mga negosyo, tulad ng pribatisasyon.

Laganap at sistematiko ang korupsiyon sa Pilipinas, mula sa mga pork barrel scam hanggang sa mga proyektong flood control. Ito ang pangunahing pagsusuri ng Suki Network, isang samahan ng mga mamimili at mananaliksik hinggil sa mga ekonomiya at bilihin sa bansa. 

Paliwanag nila, ang korupsiyon ay sintomas ng burukrata-kapitalismo o ang pagpapatakbo ng gobyerno bilang negosyo. Hindi na lang ito nakatuon sa mga kickback at komisyon kundi pati sa pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya o patakarang pabor sa interes ng mga negosyo, tulad ng pribatisasyon.

Ayon kay Rosario Guzman ng Ibon Foundation, may dalawang mekanismo ito: pangungulimbat o direktang pagnanakaw at pagpapatupad ng mga patakarang pabor sa pribadong negosyo, lalo na sa imprastruktura.

Hitik sa korupsiyon ang sektor ng imprastraktura. Nagsisimula ang pagnanakaw sa National Expenditure Program (NEP). Sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking badyet dito, nabibigyang daan ang pork barrel, lalo na sa Unprogrammed Appropriations.

Sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., binago ang interpretasyon ng Unprogrammed Appropriations. Sa halip na maging reserbang pondo, ginamit ito upang pondohan ang pribadong proyektong imprastruktura. Lumobo ito mula sa P251 bilyon noong 2022 patungo sa P807 bilyon noong 2023.

Hindi man pansin ngunit hawak na ng mga pribadong korporasyon ang halos lahat ng pampublikong serbisyo. Ipinapasa ng gobyerno ang pamamahala ng pampublikong serbisyo sa mga pribadong korporasyon. Makikita ang epekto nito sa tubig, petrolyo, transportasyon at maging sa pampublikong palengke.

Nagresulta ang pribatisasyon sa pagtaas ng singil at mababang kalidad ng serbisyo. Ayon sa Ibon Foundation, sa Maynila, mahigit 1,000% ang itinaas na singil ng Manila Water, nagseserbisyo sa silangang bahagi ng Kamaynilaan at ilang bayan sa Rizal, at mahigit 800% naman sa Maynilad, nagseserbisyo sa kanlurang bahagi ng Kamaynilaan at ilang bayan sa Cavite.

Bagaman itinatag ang mga local water district (LWDs) sa bisa ng Presidential Decree 198, wala itong natatanggap na pinansiyal na suporta mula sa gobyerno.

Ito ang nagbigay-daan sa PrimeWater na pagmamay-ari ng mga Villar na makapasok sa pamamagitan ng mga joint venture agreement (JVA). Sa ilalim ng kasunduan, naililipat sa PrimeWater ang pamamahala, operasyon, at pagpapaunlad ng sistema ng tubig sa iba’t ibang distrito.

Media forum ng Suki Network at mga progresibong grupo laban sa pribatisasyon ng pampublikong serbisyo noong Dis. 8, 2025 sa Quezon City. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Sa San Jose del Monte City sa Bulacan, na dating Most Outstanding Water District, nauwi sa perhuwisyo ang pagpasok ng PrimeWater. Napipilitan ang mga konsyumer na mamili sa “tulog o tubig” dahil sa kawalan ng suplay nito tuwing umaga o peak hours.

Tuloy pa rin ang taas singil para sa mga proyekto tulad ng bagong water pipes at water treatment facilities na hindi naipapatupad, bagay na ilang beses nang sinita ng Commission on Audit.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang PrimeWater dahil sa bilyon-bilyon nitong utang at pangit na serbisyo. Umaapela ang 61 sa 70 LWDs na pumasok sa JVA sa PrimeWater upang kumalas na.

Kontrolado ng malalaking korporasyon tulad ng Shell, Caltex at Petron ang sektor ng langis. Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, may kakayahan ang mga kompanya na magtakda ang presyo ng petrolyo.

Tinatanggal nito ang kontrol ng gobyerno sa pagtatakda ng presyo at iniiwang lantad ang mga motorista at komyuter sa taas-singil, kung kaya madalas mas malaki ang dagdag na singil kaysa sa rollback.

Ayon kay Mody Floranda ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), nagdudulot ito ng malaking pinsala sa mga drayber at opereytor: umaabot sa P22,500 ang nawawalang kita kada 25 araw. Bukod pa ito sa P13 na excise tax at VAT na binabayaran sa bawat litro.

Sa LRT-1 na hawak ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ni Manny V. Pangilinan, kumita na ng P15.14 bilyong ang LRMC mula noong 2015 habang patuloy ang pagtaas nito ng pasahe. Ito ay sa kabila ng pag-iyak ni Pangilinan na “nalulugi” sila.

Taliwas sa inaasahan, hindi galing sa LRMC ang mga bagong train set kundi sa pampublikong pondo at utang ng gobyerno na P17 bilyon mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA). Isang malaking kasinungalingan ang pagkalugi dahil pinondohan ng kaban ng bayan ang pasilidad, puro kita at walang puhunan dito ang LRMC.

Ginawa ring bodega ang mga palikuran ng LRT-1 at pinalitan ng portalets na galing pa rin sa buwis. Habang kaban ng bayan ang nagbabayad sa utang, lalo pang pinipiga ang mamamayan sa taas-pasahe na sila lang ang nakikinabang.

Sa panukala ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation, isinapribado na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang maging New NAIA Infra Corporation (NNIC). Dumaan ito sa minadaling proseso nang walang due process. Air con at e-gates ang ilan lang sa mga proyekto nito at hindi ang malawakang pagbabago tulad ng ipinangako sa kasunduan.

Nagpataw agad ito ng pagtaas sa mga bayarin: 73% sa international terminal fee mula P550 tungong P950, 93% sa domestic terminal fee mula P200 tungong P390 at dagdag na P1,500 sa landing at take-off fees.

Binibigay ng gobyerno sa NNIC ang halos buong kontrol sa kita ng NAIA. Ayon kay Guzman, “Ports are security issues. Seguridad ‘yan ng isang archipelago. Seguridad ‘yan ng isang nation.”

Hindi lang kapakanan ng pasahero ang nanganganib sa kasunduang ito, kundi pati na ang seguridad ng bansa. Seguridad na dapat nasa kamay ng gobyerno at publiko hindi sa pribadong korporasyon.

Nanganganib ang Baguio City Public Market dahil sa banta ng corporate takeover ng SM Prime Holdings. Apektado nito ang kabuhayan ng halos 4,000 na manininda, bukod pa sa mga ambulant vendor.

Direktang dagok sa mga prodyuser at konsyumer ang pribatisasyon ng palengke dahil sentro ito ng turismo at kalakalan ang Baguio City.

Tulad ng sinapit ng Carbon Public Market sa Cebu City kung saan 16,000 ang apektado May banta rin ng pribatasasyon sa Balintawak Public Market sa Quezon City. Kapag naisapribado, inaasahang na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil mamamayagpag ang mga tindahan ng itatayong mall ng SM.

Ayon kay Mimi Domingo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kailangan ngayon pa lang dumagundong na ang pagtutol bago ang desisyon ng Baguio City Council sa Enero.

Hindi solusyon ang pribatisasyon upang makamit ang pambansang industriyalisasyon, kundi kasangkapan ito ng sistematikong pagnanakaw.

Upang wakasan ito, isinusulong ngng Gabriela Women’s Party ang pagbasura sa pork barrel at “allocables,” pagbabago ng priyoridad sa badyet, pagbawas sa automatic debt appropriations, at pagbawi sa pampublikong pagmamay-ari ng serbisyo habang inaalis ang garantisadong tubo ng mga korporasyon.

Kaakibat nito ang pagpapalakas sa LWDs sa pamamagitan ng Anti-Water Privatization Bill, pagpasa ng House Resolution 543 na tinututulan ang modipikasyon sa Baguio City Public Market, pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon upang lumikha ng trabaho at durugin ang kahirapan.