P39 taas-sahod sa Hilagang Mindanao, ‘insulto’ sa obrero—KMU
Para sa Kilusang Mayo Uno, isang malaking insulto ang kakarampot na umento sa sahod sa Hilagang Mindanao para sa kanilang mga manggagawang bumubuhay ng ekonomiya ng bansa.
Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-X) at ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang P39 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Hilagang Mindanao para sa taong 2026.
Ipatutupad ang dagdag-sahod sa dalawang tranche: P25 na epektibo simula Ene. 16 at karagdagang P14 simula Mayo 1.
Gayunman, mariing kinondena ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang naturang dagdag-sahod. Para sa kanila, isang malaking insulto ang kakarampot na umento sa sahod para sa kanilang mga manggagawang bumubuhay ng ekonomiya ng bansa. Binatikos din nila ang paghahati ng umento sa dalawang tranche imbis na ibigay ito nang buo.
“Hindi pinapahalagahan ang mga manggagawang Pilipino na araw-araw nagbabanat ng buto para lumikha ng produkto, kumita para sa kumpanya at buhayin ang estado mismo dahil sa kinukuha nilang tax,” ani KMU chairperson Jerome Adonis.
Saklaw ng wage hike ang parehong non-agriculture at agriculture na mga sektor sa dalawang wage categories sa rehiyon. Sa ilalim ng bagong wage order, itinaas sa P500 ang minimum wage sa Wage Category I, na kinabibilangan ng mga pangunahing lungsod gaya ng Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador at Ozamiz. Kasama rin dito ang mga bayan ng Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich at Lugait.
Samantala, itinakda naman sa P485 ang minimum wage sa Wage Category II, na sumasaklaw sa iba pang lugar at maliliit na establisimyento na may hindi hihigit sa 10 empleyado.
Sa buong bansa, maraming rehiyon kabilang ang Hilagang Mindanao at iba pang bahagi ng Luzon ang nakatanggap ng taas-sahod sa nakaraang taon na naglalaro mula P20 hanggang P80 at dagdag na buwanang suweldo para sa mga kasambahay.
Malinaw naman ang pagsusuri ng Ibon Foundation na hindi pa rin sapat ang kasalukuyang minimum wage sa bansa upang tugunan ang araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.
Ayon sa Ibon, P1,200 kada araw ang kinakailangang sahod upang mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro, salungat sa mas mababang aktuwal na minimum wage sa maraming rehiyon sa bansa na wala man lang sa kalahati ng nasabing halaga.
Banitikos pa ni Adonis ang administrasyong Marcos Jr. dahil sa pagpigil nito na maisabatas ang dagdag na P200 sa sahod ng mga manggagawa noong nakaraang taon. Wala aniyang malasakit sa mga manggagawa ang gobyerno at mas pinapaboran ang mga negosyante at panginoong maylupa imbis na tugunan ang kagyat pangangailangan ng mga obrero.
“Hindi na ko mananawagan kay Bongbong dahil hindi naman siya nakikinig. Mananawagan ako sa mga mga manggagawa at ordinaryong mamamayan na magsama-sama at kumilos para pwersahin ang gobyerno ni Bongbong Marcos na i-implement ang nilalaman ng Konstitusyon at labor laws,” sabi ni Adonis.