Digong, mananatili sa detensiyon sa The Hague


Ibinasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court sa Netherlands ang apela ni Rodrigo Duterte para sa pansamantalang kalayaan noong Nob. 28. Nauna nang tinanggihan ito ng Pre-Trial Chamber I noong Setyembre.

Sama-samang pinanood ng mga tanggol-karapatan at mga kaanak ng mga biktima ng giyera kontra droga sa University of the Philippines Diliman College of Law ang livestream ng pagbababa ng desisyon ng Appeals Chamber ng International Criminal Court sa apela ni Rodrigo Duterte para sa pansamantalang kalayaan noong Nob. 28, 2025. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Tinanggihan ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pansamantalang kalayaan. Batay sa desisyon mula sa pagdinig nitong Nob. 28 sa The Hague, Netherlands, mananatili siya sa kustodiya ng korte sa ICC Detention Facility.

Ayon sa ICC Appeals Chamber, kung saan tumayong presiding judge si Judge Luz del Carmen Ibañez Carranza kasama ang apat pang huwes, bigo ang kampo ni Duterte na patunayang may mga pagkakamali ng ICC Pre-Trial Chamber I sa naunang desisyon.

Ibinasura ng ICC Appeals Chamber ang lahat ng tatlong iprinesentang argumento ng kampo ni Duterte kabilang ang pagkakamali sa pagsasabing may peligro batay sa Art. 58(1)(b) ng Rome Statute, pagkakamali sa pagtanggi sa garantiya ng estadong handang tumanggap, at pagkakamali sa batas sa hindi pagkonsidera sa kondisyong humanitarian.

Nagpasya ang ICC Pre-Trial Chamber I noong Set. 26 na kinakailangan ang pananatili ni Duterte sa detensiyon alinsunod sa Art. 58(1)(b) ng Rome Statute, ang pandaigdigang batas na nagtatag sa ICC. Tinanggihan din nito ang argumentong kailangan igawad ang pansamantalang kalayaan kay Duterte dahil sa dahilang humanitarian.

Ikinatuwa naman ng mga tanggol-karapatan at mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang ang desisyon ng ICC Appeals Chamber.

Umaasa si Rubilyn Litao ng Rise Up for Life and for Rights na mapapahina ng desisyon ang mabagsik na atake ng mga tagasuporta ni Duterte laban sa mga pamilya na nananawagan ng pananagutan sa mga pagpatay.

Parang nabunutan naman ng tinik si Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng pamamaslang, sa pasya ng ICC Appeals Chamber.

“Kahit paano, makakahinga kami habang nasa piitan si Duterte. Nabawasan kahit kaunti ang aming anxiety dahil sa desisyon ng ICC,” ani Pasco.

Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos magsumite ng waiver, ngunit dumalo ang abogado niyang si Nicholas Kaufman. Tumayo namang kinatawan ng mga biktima ang principal counsel for victims na si Paolina Massidda ng ICC Office of Public Counsel for Victims.

Inaresto si Duterte noong Marso sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 para sa kasong mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng giyera kontra droga noong siya’y alkalde ng Davao City at kalaunan pangulo ng Pilipinas habang kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute.