Digong, unang beses na dumalo sa ICC matapos ang mahigit 1 taon


Sa ikatlong staus conference ng Trial Chamber III, tinanggihan nito ang hiling ng kampo ni Rodrigo Duterte para sa pansamantalang kalayaan. Magsisimula ang paglilitis kay Duterte sa Nob. 30.

Sa unang pagkakataon, pisikal na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands, isang taon matapos siyang arestuhin sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 11, 2025.

Sa ikatlong status conference ng ICC Trial Chamber III nitong Set. 16 ng gabi, oras sa Pilipinas, inihayag ng prosekusyon ang bilang ng mga natipong ebidensiya at testimonya na umabot na sa mahigit 15,000.

Hinimok ni Presiding Judge Joanna Korner ang prosekusyon na kailangang repasuhin ang listahan ng mga testigo upang mabawasan ang bilang at mapabilis ang paglilitis sa akusado.

Ipinahayag naman ng abogado ng depensa na si Peter Hayes ang pagkadismaya sa aniya’y “gulo” sa paglalatag ng mga ebidensiya dahil sa dami ng bilang ng mga dokumento. Inatasan ng mga huwes ang parehong panig na magsumite ng kanilang pagtingin sa usapin.

Gagamitin ang mga nakalap na ebidensiya at testimonya sa tatlong kasong crimes against humanity laban kay Duterte na kaugnay ng mga extrajudicial killing mula Nob. 1, 2011 hanggang Marso 2019.

Hiniling din ng depensa sa korte na alisin ang karagdagan walong insidenteng inihapag ng prosekusyon na labas na umano sa orihinal saklaw ng kaso. Sinabi ng mga huwes maglalabas ang korte ng desisyon sa usaping ito.

Muling nagtipon ang mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang noong Set. 16, 2026 para panoorin ang status conference ng International Criminal Court Trial Chamber III. Charles Edmon Peres/Pinoy Weekly

Tinanggihan naman ng Trial Chamber III ang mga hiling ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang kalayaan. Iginiit ng korte na dapat manatili sa detensiyon si Duterte dahil may mataas na panganib ng pagtakas at pakikialam sa mga testigo lalo pa’t nalalapit na ang paglilitis.

“Mabuti na iyong nasa kulungan si Duterte para hindi na makagawa ng iba pang masasamang mga bagay, kung paano nawala ang mga mahal natin sa buhay dahil sa kanya,” ani Sheerah Escudero, kapatid ng isang biktima, sa desisyon ng korte.

Bahagi ang mga status conference sa proseso ng korte para sa paghahanda sa paglilitis. Umusad ang kaso ni Duterte nang kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga sakdal laban sa dating pangulo nitong Abril. Karaniwang umaabot ng tatlo hanggang anim taon ang paglilitis sa isang akusado sa ICC.

Sa Quezon City naman, sama-samang pinanood ng mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang ang pagdinig ng ICC kasama ang mga taong simbahan at tanggol-karapatan mula sa Rise Up for Life and for Rights at Karapatan.

“Ang pagdalo ni Duterte sa hearing na mukhang malakas, may sigla at maayos ang kalagayan  ay pagpapakita na siya ay may kakayahang humarap sa mga kasong nakasampa sa kanya,” sabi ni Dahlia Cuartero, ina ng isang biktima.

Hiling ng mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga ang maayos na kalusugan at mahabang buhay ni Duterte upang harapin ang mga kaso at magpatuloy ang paglilitis sa kanya.