Muni at Suri

Fungible labor


Dalawang pelikula ang napanood ko nitong mga nagdaang linggo na kapwa nagpapakita nosyon ng fungible labor. Tumutukoy ito sa ideya na ang lakas-paggawa ay madaling mapalitan.

Dalawang pelikula ang napanood ko nitong mga nagdaang linggo na kapwa nagpapakita nosyon ng fungible labor. Tumutukoy ito sa ideya na ang lakas-paggawa ay madaling mapalitan.

Sa pelikulang “No Other Choice” (2025) ni Park Chan Wook, nasisante sa pabrika ng papel na matagal niyang pinaglingkuran ang tauhang si Yoo Man-su. Upang makabalik sa industriyang pinaglaanan niya ng lakas, nakaisip siya ng isang absurdong plano—ang patayin ang kanyang mga kakompitensiya sa job application.

Sinubaybayan ng pelikula ang pagmamanman niya sa kanyang mga target. Mula sa pagmamanman, nakilala niya ang kanyang kapwa prospektibong empleyado. Dito, naipasilip ng pelikula ang mga buhay sa likod ng mga resumé na tila barahang nakasalansan, mapagpipilian na lang sa lamesa ng mga bossing ng kompanya. 

Serio-komiko ang tono ng pelikula. Satirikal na ipinakita ang dehumanisasyon ng mga ordinaryong empleyado na naitutulak sa dog-eat-dog na lohika ng kompetisyon. Dito, anumang pasubali hinggil sa moralidad ay natutunaw sa harap ng pagnanasang magkatrabaho at mabuhay nang may dangal.

Sa dehumanisadong senaryo ng labor competition na inilantad ng pelikula, nalulusaw maging ang kolektibong samahan at pagkakaisa na nabubuo sana sa loob ng mga pagawaan. Sa katapusan ng pelikula, tunay na no other choice na nga—wala nang pagpipilian dahil nag-iisa na ang manggagawa sa pabrika na pinapatakbo ng mga makina sa isang AI-generated na pagawaan.

Sa mas tahimik na paraan naman inilantad ng “Human Resource” (2025) ni Nawapol Thamrongrattanarit. Nakatutok ang kuwento sa HR (human resource) officer na si Fren sa isang kompanya sa Thailand. 

Sa puwersadong indibiduwalisasyong ito, hindi na tayo nagiging tao kundi mga resumé na madaling ilagay sa garbage bin o sa shredder.

Sa loob ng opisina, problema niya ang paghahanap ng kapalit sa kasamang empleyado na biglang nag-AWOL dahil sa toxic na supervisor. Sa loob naman ng bahay, inililihim niya ang pagdadalantao niya sa kanyang mapagmahal ngunit egotistikong asawa na gustong magkaanak.

Tahimik at hindi komprontasyonal ang tauhan sa harap ng mga senaryong ito. Handa siyang magpaumanhin sa kanilang toxic na supervisor. Hindi rin siya mahilig makipagtalo maging sa mga nakakaalitan sa one-way na daanan pauwi ng kanilang condo.

Ang katahimikan at katimpiiang ito ay malimit na naka-intercut sa mga imahen ng pasibong cityscape na kinatatayugan ng mga opisina at high-rise condo—isang inanimate at impersonal na modelo ng urbanisasyong walang pakiramdam o anumang social affect. Mula sa kanyang opisina, nakikita ni Fren ang mga nakalambiting tagalinis ng mga salamin, tila mga makinang awtomatiko ang pagsabak sa routine ng panganib. 

Nang nadiskubre ang inililihim niyang pagdadalantao, dumalaw sila ng kanyang asawa sa isang exclusive school para maipareserba ang slot para sa kanyang dinadalang anak.

Habang nakatanghod si Fren sa mga batang naglalaro sa paaralan, nababasa natin ang nasa isip niya. Habang hindi pa isinisilang, ang kanyang anak, gaya ng mga batang ito, ay isang anyo na ng kapital, isang katawang sasabak sa kompetisyon ng merkado ng lakas-paggawa.

Sa dalawang pelikulang ito, ipinararamdam ang kahibangan at pangambang iniluluwal ng sistema ng paggawang palagian ang paalala sa atin na tayo’y madaling mapalitan.

Binibigyang-hugis ng ganitong pag-iral ang indibidwalisasyon ng mga manggagawa, kung saan ang mga pagawaan at opisina ay mga kompetitibong espasyo na lang para sa pansariling interes. Ang katrabaho ay nagiging disposable na kalaban. 

Sa puwersadong indibiduwalisasyong ito, hindi na tayo nagiging tao kundi mga resumé na madaling ilagay sa garbage bin o sa shredder.