Pambansang Isyu

Korupsiyon, lalong pabigat sa bumubulusok na ekonomiya


Kung ang panukat ng sigla ng paggastos ng isang bayan ay makikita sa mga proyektong kontrolado ng mga kurakot, hindi talaga maaasahan ang tunay na pag-unlad.

Kamakailan, naiulat ang pinakamababang paglago ng ekonomiya sa nagdaang 14 na taon. Para sa ikatlong kuwarto ng 2025, nasa 4% lang ang naitalang paggalaw ng gross domestic product o GDP, pangunahing sukatan ng kasiglahan ng isang ekonomiya.

Masasabing pahiya ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., dito bilang nangako ng engrandeng pag-angat ng kabuhayan ng mamamayan alinsunod sa sinasabing “golden age” na umano’y pinamunuan ng kanyang amang diktador.

Pero tunay ngang may pagkakapareho ang mag-ama. Sa parehong panunungkulan, dumadausdos ang bansa sanhi ng mga palpak na patakaran at ‘di maawat na pagnanakaw sa kaban ng bayan.

“Temporary hiccup” ang tawag dito ng Department of Finance para ‘di naman mag-alala ang taumbayan.

Dulot daw ito ng mga naantala paglalabas ng gobyerno habang tintiyak niya na sa tamang paglalaanan mapupunta ang pondo. Samantala, abiso nila’y nakahanda naman para sa “comeback” ngayong 2026 ang ekonomiya kapag dumaan na sa reporma ang paggastos sa imprastruktura.

Pinagmayabang ni Executive Secretary Ralph Recto, na dati ring Finance Secretary, ang paparating na “high-impact programs and projects” sa susunod na taon.

Buhat ng sunod-sunod na eskandalo dahil sa mga proyektong flood control, prumeno muna ang gobyerno sa maraming proyekto. Dahil diyan, naitala ang 26.2% na pag-atras sa konstruksiyon ng pampublikong imprastruktura.

Paliwanag ng administrasyon dito, magkakaroon kasi ng mga mas estriktong rekisito sa paglalabas ng pondo.

Para naman kay Sonny Africa ng Ibon Foundation, ang mabagal na pag-usad ng ekonomiya dahil sa pagpreno sa konstruksiyon ay pagpapakita kung gaano nakasandal sa mga maanomalyang proyekto ang pag-unlad ng bansa.

Ibig sabihin, kung ang panukat ng sigla ng paggastos ng isang bayan ay makikita sa mga proyektong kontrolado ng mga kurakot, hindi talaga maaasahan ang tunay na pag-unlad.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

“Ang kapansin-pansin na mas mabagal na paggastos ng gobyerno ay maaaring dulot ng paghihintay ng mga opisyal na magkaroon ng mas malinis na daluyan ng kanilang pondo,” paliwanag ni Africa.

Dagdag niya, kahit pa walang bahid ng korapsyon ang paggastos na ito, kung pangunahing nakatuon sa imprastruktura ang pondo ng gobyerno, tiyak na iilang ka-sosyo at opisyal lamang ang makikinabang dito.

Sa unang taon ng administrasyong Marcos Jr., lumobo ng 27% ang gastos sa pampublikong imprastruktura sa 2023, hinigitan ang parehong panahon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Benigno Aquino III.

Sa parehong panahon naitala naman ang pagbagsak ng household spending o kakayahang gumastos ng bawat pamilya, na pinakamababa sa nakaraang 15 na taon. Para sa karaniwang Pilipino, “ito ang totoong salarin” ani Africa.

Paliwanag niya na sa likod ng bumibigat at hindi umaandar na ekonomiya ang “paparaming Pilipinong naghihirap dahil sa kawalan ng trabaho, nababawasang kita at tumataas na presyo ng mga bilihin dahil sa mga patakarang pabor sa mayayaman.”

Sa sobrang tindi ng korupsiyon, kahit ang mga eksperto ng mga kapitalistang institusyon nagsasabi nang napag-iiwanan ang serbisyo sa tao.

Mungkahi ni Michael Ricafort, ekonomista ng RCBC, mainam kung gagamitin ang panahong ito para pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang iba pang mga pangangailangan ng mamamayan.

Habang naaantala ang konstruksiyon at imprastruktura, “maaring dalhin muna ang pondo ng gobyerno sa serbisyong panlipunan na direktang tutugon sa mahihirap gaya ng iba’t ibang porma ng ayuda,” ani Ricafort.

Habang nililinis umano ng administrasyong Marcos Jr. ang mga anomalya at posibleng pagmulan ng pandarambong sa pondo ng bayan, tila lumulusot pa rin talaga ang pork barrel o lump sum na pondo ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan.

Sa tala ng Makabayan bloc, nasa P695.78 bilyon ang pork barrel na nakapaloob pa rin sa panukalang pambansang badyet sa 2026.

Giit nila, hindi na ito basta kasalanan lamang ng ilang maruruming politiko, kundi ang sistema mismo ng pamahalaan ang nag-uudyok ng ganitong klaseng pagnanakaw.

“Binbigyang laya ng sistema natin ang mga mambabatas na magpasok ng mga proyekto, impluensyahan ang mga bidding, mamili ng contractor at tumanggap ng kickback. Kung walang ganitong sistema, hindi tayo aabot sa ganito kalaking katiwalian,” sabi ng Makabayan.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Dagdag naman ni Propesor Emmanuel Leyco, ekonomista kasama ng grupong Center for People Empowerment in Governance, “Dahil sa katangian ng proseso ng badyet sa Pilipinas, talagang bulnerable sa korupsiyon ang pondo. Walang disiplina sa proseso.”

Sa isang panayam sa Pinoy Weekly, pinaliwanag din ni Leyco ang malubhang lalong dumudulas pababa ang ekonomiya dahil sa katiwalian.

Ayon sa kanya, nasa 20% ng GDP ang nagmumula sa public spending o gastos ng gobyerno. “E kung palpak ‘yong ating badyet, ‘yong 20%, kahit pa magastos, kung napupunta sa bulsa ng politiko, taumbayan ang nalulugi.”

Ibig sabihin, imbis na mapaandar pa lalo ang ekonomiya, natutulog lang sa mga higanteng bank account ang malaking bahagi ng kaban ng bayan.

“Kaya hindi napapakinabangan ng mamamayang Pilipino ang buong halaga at kaunlaran na hatid sana ng pamabansang badyet dahil sa korupsiyon, mga proyektong ‘di kailangan at palpak na implementasyon,” ani Leyco.

Kabilang sa mga proyektong di napapatupad o napapakinabangan ang sinasabing mga farm-to-market road o FMR para sa mga magsasaka.

Ayon mismo kay Marcos Jr., nilipat ang P255 bilyon mula sa mga proyektong flood control papunta sa iba pang proyekto, kabilang ang mga FMR.

Pero makikita naman sa ulat ng Altermidya, na marami sa mga kalsadang ito ang di pa nasisimulan. Tinukoy ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang limang ghost FMR na nagkakahalagang halos P400 milyon.

“Insulto sa milyon-milyong magsasakang Pilipinong naghihirap dahil sa nagmamahalang mga abono, maababang farmgate price at iba pang pabigat habang dinadambong ang mga proyekto alang-alang sa kapakanan raw nila,” giit ng KMP.

Kung nangangako ang gobyerno ng “comeback” sa 2026, taliwas naman ang nakikita ng Ibon Foundation.

Paliit nang paliit ang pag-usad ng GDP sa ikatlong kwarto ng taon. Ayon sa Ibon, ito’y dahil “hindi pa rin binibigyang pansin ng gobyerno ang pamumuhunan para sa agrikultura at pambansang industriyalisasyon.”

Ayon sa iba pang institusyon, higit pang pagbulusok ang aasahan ng mga Pilipino sa ekonomiya sa susunod na taon.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Para sa ASEAN+3 Macroeconomic Research Office (AMRO), hindi na makakamit ng Pilipinas ang kanyang mga GDP target para sa 2025 at 2026.

“Maaring gumulong ulit ang ekonomiya kung mabalik ang mga naantalang proyekto at mabalik ang kompiyansa,” sabi ng grupo.

Dagdag naman ng Ibon, sa kawalan ng sapat na kabuhayan at sahod pa rin ang pangunahing nagpapabigat sa mga problema ng karaniwang pamilya.

Bumaba ang bilang ng may trabaho mula 48.9 milyon noong 2024 patungong 48.6 milyon ngayong 2025. Samantala, malayo pa rin ang pambansang abereyds na sahod na P487 sa nakabubuhay na sahod na P1,225 para sa isang pamilya na may limang miyembro.

“Maaaring matugunan ang kapakanan ng karaniwang Pilipino sa pamamagitan pa rin ng umento sa sahod pati subsidyo at suporta sa mga maliliit na negosyo at prodyuser,” ayon sa Ibon.