Barikada sa Dupax del Norte, tahanan ng pagkakaisa’t paglaban


Naging pangalawang tahanan na nila ang tagpi-tagping tolda at kawayan na itinayo nila upang pigilan ang pagpasok ng malaking kompanyang magmimina sa kanilang lupain.

Hindi lang basta harang sa kalsada ang itinuturing nina Jhoy Watan sa barikada sa Barangay Bitnong. Para sa mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, naging pangalawang tahanan na nila ang tagpi-tagping tolda at kawayan na itinayo nila upang pigilan ang pagpasok ng malaking kompanyang magmimina sa kanilang lupain.

“Kusina na namin ito,” kuwento ni Jhoy, isa sa mga nasa frontline ng barikada na humaharang sa operasyon ng Woggle Corporation. “Dito na kami dumadaan, nagkukumustahan, minsan dito na natutulog. Itinuring na talaga naming bahay itong barikada,” wika niya sa Ilokano.

Kaya naman nang dumating ang pulisya, bumbero at sheriff nitong Enero para baklasin ang barikada bitbit ang Writ of Preliminary Injunction (WPI) mula sa korte, hindi lang basta estruktura ang naramdaman nilang inaagaw sa kanila. Pakiramdam nila, pinalalayas sila sa sarili nilang pamamahay.

“Kunami ngarud, nu i-dismantle da daytoy, kasla nga inagawan dakamin iti balay (Sabi nga namin, kapag binaklas nila ito, parang inagawan na rin kami ng bahay),” aniya. 

Ito ang kuwento ng Barangay Bitnong—isang komunidad na pinagwatak-watak ng pangako ng salapi, ngunit muling pinagbubuklod ng paninindigan para sa lupa at kinabukasan.

Noong Set. 16 ng nakaraang taon nang magsimula ang barikada. Pero ayon kay Rochelle dela Cruz, 38, ipinanganak at lumaki sa Sitio Keon sa Bitnong, personal ang pinag-uugatan ng kanilang pagkilos.

Nagsimula ang barikada mismo sa tapat ng bahay ng kanyang ama.

“Kaaruba (katabing bahay) lang namin iyong drilling site,” kuwento ni Rochelle. Gustong gamitin ng Woggle ang pribadong lupain ng kanilang pamilya, ang pamilya Argueza, para daanan ng mga drilling equipment.

Pilit umanong sumusubok ang mga tauhan ng kompanya na dumaan, nag-aalok ng bayad para lang makapagpadulas. Ngunit buo ang loob ng pamilya: hindi nila gusto ang minahan.

“Nagtutulag dan a, dagita babbaket ken laklakay,  barikadaan dan diay batog ti balay mi (Nagkasundo ang mga matatanda na barikadahan na sa tapat ng bahay namin),” sabi niya.

Kagamitan sa pagmimina ng Woggle Corporation sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Mula sa tapat ng bahay, lumipat ang barikada sa kalsada noong Okt. 6 nang gumawa ng ibang daanan ang kompanya. 

Napilitan ang mga residente, sa pangunguna ng nabuong grupo ng mga lider-komunidad, na itirik ang barikada sa bungad ng sityo upang limitahan ang pagpasok ng mga tauhan ng Woggle.

Sa ilalim ng exploration permit na inilabas ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), saklaw ng Woggle ang nasa 3,102 ektarya ng lupa na sumasakop sa limang barangay. 

Ngunit para kina Rochelle at Jhoy, hindi simpleng exploration lang ang usapin—buhay at kabuhayan nila ang nakataya. Pagsasaka at pag-aalaga ng baboy at manok ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao rito.

Hindi naging madali ang pagtindig. Ayon kay Rochelle, “divide and conquer” ang estratehiyang ginawa ng kompanya sa komunidad upang sirain ang pagkakaisa ng barangay.

Nangako umano ang mga ahente ng kompanya ng malaking halaga sa mga may-ari ng lupa. 

“Ipinapinawala [ng Woggle] sa kanila na P1 milyon daw ang halaga bawat ektarya ng kanilang lupa,” ani Rochelle sa Ilokano.

Dahil sa “pang-eengganyo” ng kompanya, nahati ang mga pamilya. Magkakapitbahay, magkakamag-anak, maging matatalik na magkakaibigan ang hindi na nag-iimikan.

Pagdepensa ng mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya sa kanilang barikada laban sa tangkang demolisyon ng pulisya noong Ene. 24, 2026. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ang iba, nasilaw sa pangako at pumanig sa Woggle. May mga pumayag na magpa-drilling sa kanilang lupa ngunit, ayon kay Rochelle, huli na nang malaman nilang wala silang hawak na kopya ng kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA).

“Iyong mga pumayag na magpa-drilling sa lupa nila, wala pala silang nakuhang kopya [ng MOA]. Parang naloko sila,” paliwanag ni Rochelle.

Ang masaklap, hindi naman milyon ang natanggap ng ilan, kundi barya-barya—katumbas lang ng “maysa a kalakuan” o isang araw na kita sa paglalako ng gulay. 

Sa kabila ng mapayapang pagtutol, dahas at intimidasyon ang isinagot ng estado.

Sariwa pa sa alaala ni Jhoy ang nangyari noong Okt. 17, 2025 nang unang tangkaing buwagin ang barikada. Dumating ang mga pulis na naka-shield at may bitbit na batuta. 

Para sa mga residente na sanay sa payapang buhay sa probinsiya, nagdulot ito ng matinding takot at trauma.

“Bakit may shield? Ano ba ang tingin niyo sa amin, kriminal?” hinanakit ni Jhoy.

Naulit ang eksenang ito nitong Ene. 13 nang isilbi ang hatol ng korte. Mahigit 300 pulis, kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP), Highway Patrol Group (HPG) ang dumating bilang mga “alalay” sa pagpapatupad ng utos ng korte.

Pagtatangka ng pulisya na buwagin ang barikada sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya noong Ene. 24, 2026. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Bagaman walang direktang karahasan na nangyari noong araw na iyon kumpara noong Oktubre, naroon ang takot. 

Kuwento ni Rochelle, nakaranas din sila ng pananakot sa kanilang mga tahanan. 

May mga pagkakataong pinupuntahan sila ng mga tauhan ng kompanya, at may mga banta sa kanilang buhay dahil sa pagharang nila sa daan.

“Pinagbantaan kami na papatayin,” aniya patungkol sa isang insidente kung saan sinugod sila ng mga taong sumusuporta sa Woggle kasama ang ilang mga kamag-anak niya.

Sa gitna ng panggigipit, lalo namang tumibay ang bayanihan sa barikada.

Kuwento ni Jhoy, naging sentro ng suporta ang kanilang “kusina.” Dito bumabagsak ang mga donasyon mula sa iba’t ibang grupo at indibidwal—kape, biskwit, bigas. 

Kung walang donasyon, nag-aambagan ang mga residente. Ang mga nagbabarikada, may dalang gulay mula sa kani-kanilang taniman.

May sistema rin sila ng schedule. Dahil kailangang maghanapbuhay, nagpapalitan ang mga residente mula sa iba’t ibang barangay tulad ng Barangay Oyao sa pagbabantay. 

Pakikiisa ng mga taong simbahan sa mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya laban sa pagpasok ng kompanyang mina sa kanilang komunidad. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Kahit pa ganito [na nakakatakot ang kalagayan], matapang pa rin kaming pumupunta [sa barikada],” kuwento ni Jhoy.

Malaki rin ang pasasalamat nila sa suporta ng simbahan, partikular kay Bishop Jose Elmer Mangalinao ng Roman Catholic Diocese of Bayombong, at sa kanilang mga abogadong pro-bono na tumutulong sa kanilang paglaban. 

Sila ang nagsisilbing sandigan ng mga residente sa legal na laban, lalo na’t pakiramdam nila ay tinalikuran na sila ng kanilang mga lokal na opisyal.

Ayon kay Rochelle, walang imik ang mga lokal na opisyal ng Nueva Vizcaya at Dupax del Norte sa kanilang mga hinaing.

“‘Yong mga tinatakbuhan naming opisyales, parang naging pipi na sila,” aniya.

Sa kabila ng inilabas na WPI ng korte at sa banta ng pagkaaresto, nananatili ang barikada sa Bitnong.

Para kina Jhoy at Rochelle, hindi na ito usapin lamang ng legalidad, kundi ng moral na obligasyon.

Tinanong ni Jhoy, ano na lang ang sasabihin ng kanilang mga anak at apo sa hinaharap kung sumuko sila ngayon.

“Dumteng to ti panawen nga kunanto ti annak tayo nga, ‘Apay ngay, nanay, tatay? Apay saan dakami nga inlaban?’ (Darating ang panahon na tatanungin tayo ng mga anak natin, ‘Bakit? Nanay? Tatay? Bakit hindi niyo kami ipinaglaban?’),” ani Jhoy.

Ito ang inspirasyon nila para magpatuloy. Ayaw nilang dumating ang araw na sisisihin sila ng susunod na henerasyon dahil hinayaan nilang masira ang kanilang kalikasan.

Mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na nagtayo ng barikada para harangin ang pagpasok ng kompanyang mina sa kanilang komunidad. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Para naman kay Rochelle, na may dalawang anak na teenager, ang laban ay para sa kanilang kinabukasan. 

Naniniwala siya na ang lupa at ang mga pananim ang tunay na yaman na maipamamana nila, hindi ang salaping kapalit ng pagkasira ng kapaligiran.

Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay nina Jhoy, Rochelle at ng mga residente ng Dupax del Norte. Hinihintay nila ang mga susunod na hakbang ng kompanya at ng korte. 

Sa panahong ito, isa lang ang tiyak: hindi nila iiwan ang kanilang “tahanan” sa barikada. Gaya ng sabi ni Jhoy, “Wala na kaming ibang pupuntahan o tatakbuhan, kundi ang sarili na lang namin.”

Kasama ang suporta ng iba’t ibang sektor at ang kanilang pananalig sa Diyos bilang mga tagapangalaga ng kalikasan, tuloy ang laban ng mga taga-Dupax del Norte. 

Para sa kanila, ang pagsuko ay hindi kailanman naging opsiyon.