Barikada sa Dupax del Norte, itinayo muli


Bagaman itinigil na ang mga drilling operation sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, hindi pa rin inilalabas ng mga trabahador ng Woggle Corporation ang mga drilling machines at mga tubo na ginagamit sa kanilang operasyon.

Muling itinayo ng mga residente ng Sitio Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang bakal na tarangkahan na marahas na binuwag ng pulisya noong isinasakatuparan ang Writ of Preliminary Injunction na ipinagkaloob ni Judge Paul Attolba Jr. ng Bambang Regional Trial Court Branch 30 sa Woggle Corporation. 

Ayon sa Dupax del Norte (DDN) Environmental Defenders, ang malawak na samahan ng mga residente kontra-mina sa naturang bayan, na muling ibinalik ang unang gate ng barikada bilang pagpapatuloy ng kanilang pagbabantay sa mga trabahador ng Woggle Corporation na aktibong nilalabag ang kautusan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na itigil ang lahat ng mga drilling operation habang pansamantalang suspendido ang kanilang exploration permit noong Peb. 5.

Dagdag nila, bagaman itinigil na ang mga drilling operation, hindi pa rin inilalabas ng mga trabahador ng Woggle Corporation ang mga drilling machines at mga tubo na ginagamit sa kanilang operasyon.

Iniulat din ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) na ipinagbabawal ang mga tauhan ng kompanya ang mga residente na pumasok sa mga drilling site upang siguraduhin na isinasagawa ang pagtigil nito. 

“Dahil dito, patuloy ang pagbabantay ng komunidad upang masiguro na ganap na nasusunod ang kautusan at upang mapanatili ang kaayusan sa lugar. Ang pagbabalik ng gate ay nagsisilbing simbolo ng pagbabantay at pagkakaisa ng mga residente sa pagprotekta sa kanilang kapaligiran at karapatan,” pahayag ng DDN Environmental Defenders. 

Bumisita din noong Peb. 17 ang mga tauhan ng MGB-Region II at Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang pulisya at mga tauhan ng pamahalaang lokal upang ilabas ang lahat ng kagamitan ng Woggle Corporation, ayusin ang daanan sa Sitio Keon, at dalhin ang mga mineral sample sa DENR-Community Environment and Natural Resources Office sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Nangyari ang pagbisita matapos magpatawag si Dupax del Norte Mayor Paolo Cayton ng isang Peace and Order Council meeting noong Peb. 16.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), kinakailangang maisakatuparan ang suspensiyon nang isinasaalang-alang ang hinaing ng mga residente ng lugar. 

Iginiit ng grupo na pumayag ang mga residente na ilabas lang ang mga kagamitan ng Woggle Corporation at hindi kasama ang mga mineral sample na gagamitin ng korporasyon upang suriin ang nilalaman ng lupa na siyang magiging basehan ng pagpapatuloy ng mga drilling operation.

Kinondena rin ng Kalikasan PNE ang pagdating ng pulisya na may bitbit na matataas na kalibre ng baril. Iginiit nila na lantarang sabwatan ito kasama ng Woggle Corporation imbis na protektahan ang mamamayan na dapat pinaglilingkuran nila.

Iginiit naman ng Katribu na kongkretong ensayo ng kanilang mga karapatan na pag-arian at protektahan ang lupang ninuno ng mga mamamayang kontra-mina ng Dupax del Norte. Anila, makatarungan lang na depensahan nila ang kanilang lupa sa harap ng tuwirang paglabag ng kompanya.