Kaso vs 7 inaresto sa Dupax del Norte, ibinasura
Ibinasura ng piskalya sa Nueva Vizcaya ang mga kasong isinampa laban sa pitong inaresto sa marahas na pagtatangka ng pulisya na buwagin ang barikada laban sa minahan sa Sitio Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Ibinasura ng pisklaya sa Nueva Vizcaya ang mga kasong resistance and disobedience against persons in authority at obstruction of justice laban sa pitong dinampot ng pulisya noong Ene. 23 sa gitna ng marahas na dispersal at pagbuwag sa barikada kontra mina sa Sitio Keon, Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Kabilang sa tinaguriang “Dupax del Norte 7” ang mga lider-komunidad at residente na sina Florentino Daynos II (49), Krislyn Pocday (35), Adela Modi (52), Analiza Balliao (39), Amelia Rabino (51), Janey Macari (49) at Sonnette Bullecer (23).
Dinahas at ilegal na inaresto ang pito ng pulisya nang ipatupad ang Writ of Preliminary Injunction (WPI) na iniutos ni Judge Paul Attolba Jr. mula sa Nueva Vizcaya RTC Branch 30. Nakasaad sa WPI ang pagbuwag sa barikada na binubuo ng komunidad at ang pagpasok sa kagamitan ng Woggle Corporation para sa minahan.
Nakasaad sa ulat ni ex-officio Provincial Sheriff Eilleen Bunnol-Galima na inilabas ng Dupax del Norte Municipal Police Station nitong Ene. 26, “maximum tolerance” umano ang pinairal ng pulisya sa naging dispersal sa mga residente ng Sitio Keon.
Gayunpaman, nagtamo ng malawak na kondemnasyon ang marahas na pagbuwag sa barikada ng mga mamamayan ng Sitio Keon mula sa iba’t ibang mga organisasyong pangkalikasan at mga taong simbahan.
Ayon sa pahayag ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), mga miyembro ng Dupax del Norte Environment Defenders ang mga inaresto. Lantarang nilabag ng pulisya ang karapatan sa malayang pagpapahayag, mapayapang pagtitipon at partisipasyon upang ipagtanggol ang kanilang lupain. Nananawagan din sila ng pagkakaisa laban sa mga naglalakihang dayuhang korporasyon sa Dupax del Norte.
Sa parehong araw ng pagbuwag sa barikada, nagkilos-protesta rin ang naturang organisasyon sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City upang kondenahin ang kawalang aksiyon ng ahensiya sa mga operasyon ng mina sa Dupax del Norte.
Ayon kay Jonila Castro ng Kalikasan PNE, malinaw na tinutulungan ng estado ang pandarambong ng mga naglalakihang korporasyon sa Dupax del Norte. Ang mga desisyon ng DENR ang siyang rason sa kinahinatnan ng mga kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo na naninirahan doon.
Pinangunahan naman ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang isang banal na misa sa loob ng barikada noong Ene. 12 na hinihimok ang mga residente na itaas sa panginoon ang laban kontra mina.
Sa isang pastoral letter na Mangalinao noong Nob. 15, 2025, iniwan ng mga mamamayan ng Dupax del Norte ang kanilang kabuhayan upang bantayan ang kanilang lupa. Hindi kita ang kanilang motibasyon kundi ang tunay na hangaring protektahan ang kalikasan at ang kanilang buhay.
Binalaan din ni Mangalinao sa parehong liham na 14 ang kompanyang mina na nagtangkang pumasok sa Nueva Vizcaya, habang 60 na kompanya ang nagpahayag ng kanilang interes sa buong rehiyon ng Cagayan Valley.
“Bagama’t nanghingi na sila ng tulong sa mga taong may kapangyarihan, bagama’t patuloy na silang umaapela sa mga korte para sa kanilang ipinaglalaban, ang natanggap lamang nila ay ang katahimikan, kawalang bahala at pabor na ibinigay sa Woggle Mining Corporation. Tama na. Paingayin pa natin ang ating mga tinig at humingi ng pananagutan,” ani Mangalinao.