Digong, ‘fit’ para sa paunang pagdinig ng ICC


Tuloy na ang paunang pagdinig ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Rodrigo Duterte na crimes against humanity kaugnay ng giyera kontra droga.

Nagdesisyon na ang International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na may kakayahang humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pre-trial proceedings, batay na rin sa rekomendasyon ng tatlong ekspertong medikal na itinalaga ng ICC para suriin ang kanyang kalusugan.

Sa pahayag ng ICC Pre-Trial Chamber I, itutuloy na nito ang nabalam na nakatakdang confirmation of charges hearing o pagdinig sa kumpirmasyon sa mga kaso na magsisimula sa Peb. 23, limang buwan matapos hingin ng depensa na ipagpaliban muna ang paunang pagdinig, at magtatagal hanggang Peb. 27.

Hiniling ng kampo ni Duterte noong Setyembre na ipagpaliban ang nasabing pagdinig dahil wala umano ito sa mabuting kalagayan para dumalo. Nagpasya ang Pre-Trial Chamber I na magtalaga isang panel ng tatlong ekspertong medikal upang suriin ang kalusugan ni Duterte at natanggap ang ulat ng panel noong Dis. 5, 2025.

Sinabi naman ni National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region secretary general at ICC Assistant to Counsel Maria Kristina Conti na sa kabila ng pagdadahilang wala sa mabuting kalagayan ang kalusugan ni Duterte, ikinalulugod nila na nasa maayos siyang pag-iisip at may kakayahang magbigay ng testimonya

Dagdag pa ni Conti na handa silang humarap sa husgado sa darating ng Pebrero at sa mga susunod pang pagdinig sa kaso ng dating pangulong nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga.

Bilang paghahanda naman sa paunang pagdining para sa kumpirmasyon ng mga kaso sa Pebrero, naglabas na rin ang ICC Pre-Trial Chamber I ng desisyon na naglalaman ng mga detalye kagaya ng iskedyul ng pagdinig at pagsasaayos ng pagdalo ni Duterte.

Itinalaga na rin ng husgado ang mga ICC listed counsel na sina Joel Butuyan, Gilbert Andres at isa pang abogado mula sa ICC Office of the Public Counsel for Victims (OPVC) bilang mga common legal representative of victims.

Magsisilbi naman sina Conti at dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares bilang mga field assistant upang maging tagapag-ugnay ng mga kaanak ng mga biktima sa OPCV.