Kung saan may minahan, may militar
Sa hungkag na imahinasyong militar, walang puwang ang pagkakaisa sa hanay ng mga sektor sa kalunsuran at kanayunan na tumututol sa pananalasa ng pribadong interes sa kanayunan.
Sa pagbungad ng 2026, binulabog ang Mindoro ng sunod-sunod na pagsalakay ng militar. May naiulat na tatlong kabataang Mangyan-Iraya at isang estudyanteng mananaliksik mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, si Jerlyn Doydora, na napaslang. Isang estudyante, si Chantal Anicoche, mula sa University of Maryland ang dinakip ng mga sundalo.
Sa opisyal na script ng mga sundalo, bahagi ang kanilang deployment ng malawakang operasyong kontra-insurhensiya. Ibinaling muli ang sisi sa presensiya ng rebolusyonaryong grupong New People’s Army. Ito rin ang binibitbit na linya ng mga troll sa social media na ang ilan ay tuwirang nananawagan na palakasin pa ang presensiya ng militar sa Mindoro.
Recycled ang mapanlinlang na script na ito at hindi na bago sa karanasan ng Timog Katagalugan, kung saan ginagamit ang proyektong kontra-insurhensya upang pagtakpan ang malaong pagsibasib ng mga korporasyon sa likas na yaman at lupang ninuno ng mga katutubo.
Sa Abra de Ilog sa Occidental Mindoro, nakatakda ang pagbabalik ng Agusan Petroleum and Mineral Corporation, na nasa ilalim ng pamunuan ng San Miguel Corporation, matapos mapawalang-bisa ng Korte Suprema ang 25 taong moratorium sa pagmimina.
Ang kompanyang ito’y responsable sa pagmimina sa Mindanao, partikular na sa Davao de Oro (dating Compostela Valley), kung saan ilang lider-aktibista ang pinaslang dahil sa kanilang pagtutol sa mga operasyong ito.
Kung saan may minahan, may militar.
Sa mga pamayanang tina-target ng mga minahan at iba pang mga proyektong gaya ng eco-tourism, matingkad ang pagpanig ng militar sa mga puwersang sumisira sa kalikasan at mga pamayanan.
Ang tunay na terorismo ay ang militarisasyon sa mga pamayanang humaharap sa banta ng development aggression. Ang tunay na terorismo ay ang iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan—hamletting sa mga komunidad, pagdukot, pagtortyur, pagpaslang.
Ginagamit ang buwis ng sambayanan upang pondohan ang mga tangke, bomba at baril na itinutuon sa masang anakpawis at mga katutubo na dumedepensa sa kanilang mga lupain at kabuhayan.
Kaalinsabay nito ang pagbubuhos ng mga rekurso upang magpalaganap ng disimpormasyon, online o offline man. Sistematiko ang paninira sa mga pamayanang tumututol sa mga ganid na korporasyon sa pamamagitan ng pagtataguri sa kanila bilang “mga terorista.”
Sa kaso nina Jerlyn at Chantal, sinisiraan ng militar maging ang paglubog ng sektor ng mga estudyante at mananaliksik sa mga pamayanang ito, dinidiskredito bilang pakikisangkot sa anila’y terorismo.
Sa hungkag na imahinasyong militar, walang puwang ang pagkakaisa sa hanay ng mga sektor sa kalunsuran at kanayunan na tumututol sa pananalasa ng pribadong interes sa kanayunan.
Subalit hindi terorismo ang pagtutol sa pagkasira ng mga pamayanan at ng kalikasan. Hindi terorismo ang paglaban para sa lupang tinubuan at kabuhayan. Hindi terorismo ang pakikibaka para sa lupa, karapatan at dignidad ng uring anakpawis at mga katutubo.
Ang tunay na terorismo ay ang militarisasyon sa mga pamayanang humaharap sa banta ng development aggression. Ang tunay na terorismo ay ang iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan—hamletting sa mga komunidad, pagdukot, pagtortyur, pagpaslang.
Ito ang reyalidad na sapilitang ikinukubli ng mga opisyal na pahayag at naratibo ng militar at mga troll nito.
Na kung saan may minahan, may militar.
Na kung saan may militar, nagdurusa ang mga pamayanan.