Pag-atras ng SM sa Baguio public market project, tagumpay ng mamamayan
Tinawag itong “tagumpay ng kolektibong pagkilos” ng Save Baguio Market Movement matapos ang ilang taong pagtutol ng mga taga-Baguio sa pribatisasyon ng palengke sa lungsod.
Ipinagdiwang ng mga manininda at residente ng Baguio City ang anunsiyo ng pamahalaang lokal nitong Ene. 3 na pormal nang umatras ang SM Prime Holdings (SMPH) sa redevelopment ng Baguio City Public Market.
Tinawag itong “tagumpay ng kolektibong pagkilos” ng Save Baguio Market Movement (SBMM) matapos ang ilang taong pagtutol ng mga taga-Baguio sa anila’y “blind drive” ng siyudad na isapribado ang pampublikong serbisyo.
Sa pahayag ng SMPH sa liham nito kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may petsang Dis. 19, 2025, sinabi ng kompanya na ang desisyon ay bunsod ng mga usaping kailangan pang ayusin ng siyudad at stakeholders, kasabay ng reklamo sa anila’y mga “inaccuracies” na sumisira sa kanilang imahen.
Ngunit para sa Tongtongan ti Umili (TTU), ang pag-atras ay direktang resulta ng pagtindig ng mga manininda at mamamayan laban sa corporate takeover ng pampublikong espasyo.
“Napatunayan ng mga manininda, komunidad at karaniwang mamamayan ang isang mahalagang bagay: ang organisado at nagkakaisang pagkilos ay kayang pumigil sa korporadong pangangamkam,” pahayag ng TTU, ang balangay ng Bagong Alyansang Makabayan sa lungsod.
Bago ang withdrawal, umani ng batikos ang panukala dahil sa mga probisyon sa kontrata na itinuturing na dehado ang siyudad.
Ibinunyag ni Councilor Betty Lourdes Tabanda sa isang Facebook post na sa ilalim ng draft contract, aabutin ng 50 taon ang lease term ng SMPH at magtataas ang renta ng mga manininda.
Iminungkahi rin ni Tabanda na dapat magkaroon ng “non-compete clause” upang protektahan ang maliliit na manininda laban sa mga produktong ibebenta ng SM, bagay na wala sa orihinal na terms.
Sa kabila ng tagumpay, nanawagan ang mga SBMM, TTU, kabilang na ang Baguio Market Vendors Association na manatiling mapagmatyag.
Giit nila, dapat ibasura ng Baguio City Council ang Resolution 399 na nagpapahintulot sa public-private partnership at sa halip ay isulong ang proyektong “people-led” at “publicly-funded.”
Ayon sa batas, kung hindi pormal na tatanggapin ng konseho ang withdrawal o ibabasura ang proposal bago ang Ene. 10, 2026, maaari pa ring ituring na aprubado ang proyekto.
Matatandaang noong 2020 pa nang igawad ng pamahalaang lokal ng Baguio ang Original Proponent Status sa SMPH para sa P5.4 bilyong proyekto na magtatayo ng pitong palapag na gusali at parking lot sa palengke.