Meralco, may dagdag-singil na naman sa Marso
Inaprubahan ang dagdag P0.2816 per kilowatt-hour na dagdag-singil ng Meralco at apat pang provider sa Marso. Para sa Suki Network, namumuo muli ang larawan ng at hagupit ng pagsasapribado ng mga yutilidad sa bansa.
Inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag P0.2816 per kilowatt-hour (kWh) na dagdag-singil ng Meralco at apat pang provider na magiging epektibo sa Marso.
Tulak daw ito para mabawi ng mga provider ang P31.34 bilyong na fuel cost recovery o gastusin ng mga kompanya. Magtutuloy ang mas malaking koleksiyon hanggang mapalitan ang ginastang pera.
Tumaas din ang singil sa kuryente noong Nobyembre at Oktubre ng nakaraang taon dahil umano sa mga nagmahal na generation charge. Pitong beses nagtaas ang singil sa buong 2025.
Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, “minimal” lang naman daw ang magiging epekto nito sa bayarin ng kada household.
Pero para sa Suki Network, namumuo muli ang larawan ng at hagupit ng pagsasapribado ng mga yutilidad sa bansa.
Ani Xandra Bisenio ng Suki Network at Ibon Foundation, “Pinapayagan ng gobyerno na mamayagpag ang mga pribadong kompanya sa tubig at kuryente. May laya silang lumusot sa mga regulasyon at garantisadong binabalik ang kanilang puhunan. Kung kaya’y palaging tumataas ang singil habang hindi kinikilala ang kakayahang magbayad ng mga consumer.”
Mula 2022 hanggang 2025, sumirit ang presyo ng kuryente ng 27% o P2.80 kada kWh ayon sa tala ng Ibon Foundation.
Paliwanag ng grupo, hindi naman mag-isang tumataas ang kuryente, palaging kasabay nito ang iba pang pangunahing mga bilihin. Ang tubig, tumaas na rin ang singil sa parehong panahon ng 21%.
Tumaas rin ang self-rated poverty sa bansa nitong nakaraang Nobyembre at nasa 51% na. Ibig sabihin, mahigit kalahati ng mamamayang Pilipino ang naniniwalang mahirap sila.