Main Story

Marcos Jr., protektor ng sindikato sa enerhiya 


Sa nagdaang mga buwan, patong-patong na taas-singil sa kuryente ang patuloy na iniinda at pinapasan ng mamamayan dahil isinuko na ng gobyerno sa pribadong sektor ang pagkontrol sa industriya ng kuryente sa bisa ng Electric Power Industry Reform Act noong 2001.

Bago pa magsalita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, may mensaheng isinulat sa pader ng Meralco sa Commonwealth Avenue sa Quezon City: MERALCO SINDIKATO

Ilang oras bago ang talumpati ng presidente, guguluhin ng mga pulis ang pagkilos ng mamamayan sa araw ng SONA, papasukin ang hanay ng mga grupo at marahas na aarestuhin ang 51katao kasama ang ilang menor de edad at paralegal. Mga miyembro ng Vandals United ang mga hinuli at sila ang pinaparatangan na nagpinta ng graffiti sa pader. 

Ayon sa grupo, sinasalamin ng isinulat nila sa pader ang galit ng publiko sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente. 

Sa mismong SONA ni Marcos Jr., nanawagan agad siya sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (Epira) para alisin ang paniningil ng system loss charge sa mga konsyumer. Kasama rin ang pagtanggal sa value-added tax (VAT).

“Hindi naman kasalanan ng konsyumer kung bakit nagkaroon ng system loss,” aniya. “Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito.” Pinalakpakan ito ng karamihan sa mga mambabatas sa plenary hall ng Batasang Pambansa. 

Ngunit sapat nga ba ang alisin lang ang system loss charge para tugunan ang malaking problema sa mahal na kuryente? At sino sa huli ang talagang nakikinabang sa estruktura ng sistema ng kuryente sa bansa?

Para kay Rosario Guzman, ang research head ng Ibon Foundation, hindi lang dapat pinag-uusapan ang kuryente na parang ordinaryong produkto. 

Aniya, ang enerhiya ay isang “natural monopoly” o isang serbisyong hindi maaaring boykotin ng konsyumer kahit gaano pa ito kamahal, dahil parte na ito ng araw-araw na pangangailangan ng mamamayan. 

Ang pamumuhunan sa industriya ng enerhiya ay kailangan manggaling isa iisang panig lang dahil isa itong malaking investment. Kaya naman, sa prinsipyo, dapat estado ang humahawak nito, hindi mga pribadong kompanya. 

“Five percent ng ating electric bill ay system loss charge lang,” ani Guzman. “Ibig sabihin, nagbabayad tayo ng isang kuryente na hindi dineliver.”

Direktang sagot naman ni Guzman sa tanong ni Marcos Jr. kung bakit konsyumer ang nagbabayad ng system loss charge, “Bakit kasi ang ating kuryente at enerhiya ay ibinigay na natin nang todo sa pribadong sektor na monopolyo?” 

Binigyang-diin rin ni Guzman ang tungkol sa system loss charge, “Sinalo mo, sinubsidize mo ‘yong tubo ng private corporation [mula] distribution utility, generation company, transmission company. ‘Yong konsyumer ang nagsa-subsidize ng tubo niya. ‘Yon ang prinsipyo ng Epira.” 

Sa kanyang palagay, kahit alisin man ang system loss charge, kung mananatili ang Epira bilang “blanket na framework” na gumagabay maging sa renewable energy at nuclear energy, patong-patong pa rin na pandaraya ang mangyayari at sa ganitong kalakaran, talong-talo pa rin ang mamamayan. 

Sa panig ng Meralco, nagpahayag ang chairman at chief executive officer ng kompanya na si Manny Pangilinan ng pag-aalala na kung ganap na aalisin ang system loss charge, sino ang sasagot sa gastos? 

Ayon sa kompanya, hindi lahat ng system loss ay maiiwasan at anumang amyenda ay dapat “maingat” na isaalang-alang ang epekto sa kakayahan ng mga utility company na mapanatili ang kanilang network.

Nitong Ago. 2, inutusan inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na i-refund ang P9.51 bilyon sa mahigit 8 milyong konsyumer dahil sa “over-recovery” sa singil noong 2025.

Dalawang lang matapos ito, pinahintulutan din ng parehong ERC ang Meralco na mangolekta sa mga konsyumer ng humigit-kumulang P8.71 bilyon para sa mga “unrecovered pass-through charges” mula 2011 hanggang 2022 kabilang na rito ang halaga mula sa system loss. 

“Refund now, bawi later,” patutsada ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa naging desisyon ng ERC. “Hindi [konsyumer ang] dapat ang pinagbabayad sa gastos na bahagi ng operasyon ng mga power utility.” 

Ang kasalukuyang taunang kita ng Meralco ay nagpapakita rin ng laki ng pinag-uusapan. Nasa P26.5 bilyon ang kabuuang kita nito sa unang anim na buwan ng 2026 o 3.8% mas mataas kaysa sa parehong panahon noong nakaraang taon. 

Mabilis na sumunod sa panawagan ng pangulo ang ilang mambabatas. 

Kabilang dito ang House Bill (HB) 10273 ni Navotas Rep. Toby Tiangco na ganap na magbabawal sa pagsingil ng system loss; HB 10306 ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas na magtatakda na 4% sa urban areas at 6% sa rural areas ang hangganan ng paniningil; at HB 10357 ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Robert Nazal na aalisin ang VAT sa singil sa kuryente at mag-aatas ng taunang audit sa distribution utilities. 

Ngunit may mga mambabatas na nagbabala laban sa mabilisang pagtanggal ng system loss charge.

Sa pagdinig ng House Committee on Energy noong Ago. 6, sinabi ni Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco na maaaring ma-mislead ang publiko ang “sobrang pagmamadali.” Aniya, hindi lahat ng system loss ay automatic na inefficiency at dapat suriin kung gaano kalapit ang isang distribution utility sa inaasahang pinakamataas nitong efficiency.

Binigyang-diin naman ni APEC Partylist Rep. Sergio Dagooc na maaaring maipit ang electric cooperatives kung biglaang aalisin ang singil, dahil maaari itong makaapekto sa pondong para sa sahod at maintenance.

Ipinaliwanag ni Energy Committee Chairperson at Palawan 2nd Distrct Rep. Jose Alvarez na may technical at non-technical system loss, kabilang ang pagnanakaw at illegal connections.

Pumosisyon naman sina Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez at Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula na maglunsad ng mas malawak na pag-aaral at konsultasyon sa ERC at iba pang kompanya ng kuryente, lalo na’t hindi lang Meralco ang distribution utility na naniningil nito.

Nang tanungin kung ano ang dapat unang hakbang ng gobyerno kung talagang gusto nitong pagaanin ang pasanin ng mamamayan, malinaw ang sagot ni Guzman, “Ang unang hakbang diyan ay mga bagay na hindi mo ipapaubaya na pagnegosyohan, i-reclaim mo siya. Bawiin mo siya.”

Dapat ring buwisan ang mga mayayaman, bilyonaryo at mga korporasyon ani Guzman. Ang buwis na ito ang maaaring gamitin ng estado na pampuhunan sa pamamahala ng pampublikong serbisyo at yutilidad sa bansa. 

Para mangyari ito, dapat ipawalang-bisa ng adminstrasyon ang mga batas na pinapahintulutan ang pagpa-privatize ng mga pangunahing serbisyo katulad ng kuryente.

Para sa iba political will kung ito’y tawagin pero sabi ni Guzman, hindi tumitindig ang estado para sa mamamayan nito at hinahayaan lang na huthutan ng mga pribadong kompanya.

Samantala, pinalaya na ang 42 sa 51 na inaresto noong Hulyo 27 matapos na ilang oras sa detensiyon sa Camp Karingal. Siyam naman ang kinasuhan ng vandalism, malicious mischief, obstruction of justice at disobedience sa isang taong may awtoridad.

Nakapagpiyansa ang siyam para pansamantalang makalaya. Bukod sa mga kasong isinampa ng pulisya, nagsampa rin ang Meralco mismo ng sarili nitong reklamo laban sa “Meralco Sindikato” graffiti.

Para sa Vandals United, walang dapat ikahiya sa isinulat sa pader. Giit ng grupo, totoo naman na sindikato ang mga pribadong sektor na humahawak sa generation, transmission at distribution ng kuryente sa bansa. Ang pribadong sektor anila ang dapat pang sisihin sa mataas na singil, hindi ang mga kabataang nagsulat lang ng kanilang saloobin sa pader.

Anuman ang mangyari sa mga panukalang batas sa Kongreso, sa pagitan ng pag-amyenda o ganap na pagbabasura ng Epira, malinaw ang isang bagay: hindi mawawala ang tanong kung sino ba talaga ang “sindikato” sa likod ng bawat piso na binabayad ng Pilipino para matamas ang karapatan sa maayos at abot-kayang kuryente.

Narito ang buong value chain ng industriya ng kuryente sa Pilipinas kasama ang aktwal na ownership ng bawat isa batay sa pinakabagong datos.

Dito ginagawa ang kuryente. Ang mga power plant (coal, gas, geothermal, hydro, solar, atbp.) na nagko-convert ng panggatong o enerhiya papuntang electricity. 

Batay sa 2026 ERC market-share data

Ang transmission grid ang “backbone” ng industriya ng kuryente na nagtatayo at nagmamantina ng matataas na boltaheng linya na nagdadala ng kuryente mula sa power plant papunta sa mga distribution network sa buong bansa. Iisang opereytor lang ito sa buong Pilipinas sa ilalim ng 25 taong concession mula sa gobyerno.

Ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay isang consortium:

  • Monte Oro Grid Resources Corporation, pag-aari ni Henry Sy Jr. – 30%
  • Calaca High Power Corporation, pag-aari ni Robert Coyiuto Jr. – 30%
  • State Grid Corporation of China – 40%

Mula sa transmission grid hanggang sa metro ng bawat bahay o negosyo. Franchised na monopolyo ito sa loob ng partikular na saklaw.

Meralco – Pinakamalaki distribution utility na sumasaklaw sa buong Metro Manila at karatig-lalawigan ng Bulacan, Cavite at Rizal, ilang bahagi ng Pampanga, Laguna, Batangas at Quezon)

  • Beacon Electric Asset Holdings – humigit-kumulang 35%, ang investment vehicle ng MVP Group
  • JG Summit Holdings ng pamilyang Gokongwei – humigit-kumulang 30%
  • Metro Pacific Investments Corporation, direktang hawak ni Pangilinan – humigit-kumulang 10% 
  • Natitirang 25% ay hawak ng ibang investor at empleyado ng kompanya
  • Aboitiz Group – Visayan Electric Company (VECO), Davao Light and Power, Cotabato Light
  • MORE Power (Iloilo City) – Enrique Razon
  • CEPALCO (Cagayan de Oro) – Abaya family
  • Electric cooperatives – Nasa 121 sa buong bansa, member-owned/non-stock na kooperatiba, karaniwan sa mga probinsiya, nasa ilalim ng superbisyon ng National Electrification Administration (NEA)

Para sa “contestable market” o malalaking konsyumer (industriya, mall, atbp.) na maaaring pumili ng kanilang supplier sa halip na basta bumili mula sa lokal na distribution utility. Ang mga ordinaryong sambahayan (tinatawag na “captive market”) ay nananatiling nakasalalay sa distribution utility bilang default supplier. 

Karaniwang mga subsidiary ng parehong malalaking grupo sa itaas. Halimbawa dito ang MPower ng Meralco at mga retail unit ng Aboitiz, San Miguel Corp., at First Gen Corp. kaya’t kahit sa “kompetisyon” na ito, iisa pa rin ang mga pangunahing manlalaro.