Main Story

Abusong seksuwal gamit ang AI


Paano na ang mga bata, ang kababaihan at iba pang bulnerable kung sa bisa ng ilang salita at click, naging posible na hubaran ang mga tao online?

Dumagundong ang kritisisimo laban kay Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay matapos niyang sabihin na “nag-init” at gumana ang imahinasyon niya nang makita si Anne Curtis. Hindi raw maiiwasan ang paganahin ang imahinasyon.

Higit sa paglilihis ng isyu sa impeachment kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, maigi rin kilalanin ang pahamak na dala ng isang opisyal na may tapang mambastos sabay sa tumitinding pahamak sa internet laban sa mga bata, kababaihan at iba pang bulnerable.

Lalo na sa panahon na ang mapanghubad na pantasya ay naging posible, instant at malawakan ang abot. Sa online naman, nitong Enero katakot-takot ang paglipana ng mga linya tulad ng “@grok palitan ng bikini ang suot niya” at iba pang utos sa Ingles.

Ang Grok ay isang Artificial Intelligence (AI) chatbot na posibleng magamit bilang hiwalay na application o libreng magagamit sa X (dating Twitter), parehong pinagmamay-ari ni Elon Musk, kontrobersyal na bilyonaryo sa US.

“Ang kaiba sa Grok ay hindi dahil kaya nito gumawa ng nakakasama na content,” sabi ni Damilare Dosunmu, dahil hindi naman Grok ang unang AI na nagamit sa pambabastos. “Ang kaiba sa kanya ay kung saan siya namamalagi.” 

Aniya, malaking bagay na nakatahi ang Grok sa interface ng X, may hindi bababa sa 600 milyon na aktibong account. Hindi kailangan gumamit ng iba pang app. Isang tanong lang, makikita na ng publiko ang sagot ni Grok.

Sinimulan ito bilang katatawanan ni Elon Musk, pero libo at milyon ang nabiktima, kasama ang mga sikat na personalidad tulad nina Billie Eilish, Ariana Grande at kahit pa si dating US vice president Kamala Harris. Pati mga bata, hindi ligtas.

Mula sa pag-aaral ng Center for Countering Digital Hate

Nitong pagsisimula ng taon, may aabot sa 3 milyon na pinalaswa na retrato ang naglipana sa X, o 190 na imahen kada minuto. Naitala itong numero sa pagitan ng Dis. 29 at Ene. 8, at hindi bababa sa 23,000 dito ay retrato ng mga bata. Ayon ito sa datos ng Center for Countering Digital Hate (CCDH), isang British-American NGO na may adbokasiya para sa isang mas ligtas na internet.

Sa pamamagitan ng pag-tag sa @grok, posible na itong mabigyan ng tanong na may kinalaman sa isang tweet o kaya naman ay utos. Isa sa mga tinuligsa na gamit nito: pag-uutos para gumawa ng seksuwalisadong mga deepfake (mga pekeng larawan, bidyo o tunog). 

“@grok pakintabin ang balat niya at paikliin ang palda” o “@grok gawing mahalay ang itsura ng mukha niya” at iba pang mga kahindik-hindik na tweet sa Ingles.

Hindi kailangan ng anumang permiso ng may-ari ng retrato o ng laman ng retrato bago mabuo ang malaswang imahe na posibleng milyon ang makakita.

“‘Yong AI nagagamit nila for child pornography. Hindi na kami puwedeng magpatumpik-tumpik diyan,” sabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda sa panayam sa DZMM.

Hindi raw basta-bastang desisyon ang pag-ban ng Grok sa Pilipinas. Ayon kay Aguda, nakipagpulong siya sa mga komisyoner ng National Telecommunications Commission, National Privacy Commission at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Nagdesisyon rin ang mga gobyerno ng Indonesia at Malaysia na i-block ang paggamit sa Grok. Sa ibang mga bansa tulad ng Australia, na kauna-unahang nagbawal sa social media para sa mga teenager, tuloy-tuloy ang mga imbestigasyon sa mga kompanya na nagmamay-ari ng mga social media application at mga AI chatbot.

Wala pang isang linggo tumagal ang ban ng DICT sa paggamit ng Grok sa Pilipinas, dahil raw sa mga hakbang ng xAI, kompanya ni Musk na nagdevelop sa Grok. 

“Tiningnan namin ang nilagay na safeguards ng xAI at satisfied naman kami,” sabi ni CICC Deputy Executive Director Renato Paraiso.

Ngayon, kailangan na magbayad ng subscription sa X para magamit ang ilang feature ng Grok. Tinanggal na rin sa X ang ilang mga retrato. Pero hindi pa mapalagay ang maraming tanggol-karapatan sa buong mundo, maging sa Pilipinas.

Pinagsamang panukalang batas sa House of Representatives para mas palakasin ang proteksiyon laban sa online sexual abuse and exploitation of children. Larawan mula sa Gabriela Women’s Party

“May mga lumalapit po sa amin na mga nanay na ang anak ay naging biktima ng [online sexual abuse and exploitation of children] o OSAEC, mga kabataang ginawan ng sexualized content nang walang pahintulot, at mga babaeng nakararanas ng online gender-based violence,” sabi ng Gabriela Women’s Party (GWP) sa panayam sa Pinoy Weekly.

Lumobo na sa higit 2.7 milyon ang mga kaso ng OSAEC na na-report sa National Center for Missing and Exploited Children, ayon sa Commission on Human Rights (CHR) 2025 report.

Pero, ayon sa partylist na naninindigan para sa mga bata at kababaihan, hindi solusyon ang Social Media Registration na nabanggit ni Aguda. Ayon sa DICT, posible maging tugon sa problema ng cybercrime ang pagtanggal ng anonymity o hindi tukoy na pagkakakilanlan.

Pareho sa GWP ang posisyon ng Computer Professionals’ Union (CPU).

Ayon sa unyon, mababangga ng registration ang karapatan ng mga Pilipino na magpahayag at ang karapatan nila sa pribadong pamumuhay. “Hakbang paatras lang ito, tulad ng hindi matagumpay na SIM Registration Law, na ipinangakong magagamit laban sa cybercrime pero nasasagka lang ang privacy,” sabi nila.

Sa Social Media Registration, “lalo lang malalagay sa panganib ang personal data, titindi ang paniniktik, at higit na mahihirapan ang milyong Pilipino lalo na ang mga hirap makakuha ng ID para sa mahahalagang serbisyo,” sabi ng CPU.

Maraming mga tanggol-karapatan ang nagkakasundo na mahirap rin ilagay sa kamay ng mga gobyerno ang daloy ng impormasyon online. Halimbawa na lang ang ipinag-utos ng administrasyon ni Trump na pagpapa-deport sa CEO ng CCDH matapos ang mga pagsisiyasat nito sa disimpormasyon online.

Noong Peb. 23, isa si Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa mga miyembro ng technical working group para sa pag-usapan ang panukalang batas na mag-aamyenda sa mga batas laban sa pang-aabuso sa kabataan. Larawan mula sa Gabriela Women’s Party

Klaro dapat na may responsibilidad ang mga social media company na kumikita ng milyones (tulad ng X o Twitter na nagbahagi na higit sa $750 milyon ang kanilang revenue noong 2025).

“May malinaw na pananagutan ang mga tech companies na hindi lang umaasa sa sarili nilang “community guidelines” kundi may transparency at konkretong mekanismo ng accountability,” sabi ng GWP. “Ang paninindigan ng Gabriela Women’s Party ay malinaw na ang teknolohiya ay dapat nagsisilbi sa tao—lalo na sa pinakabulnerable.”

Kaya isa ang GWP sa mga nagtutulak ng mas pinalawak at mas updated na Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act and Anti-Child Sexual Abuse of Exploitation Materials Act.

Mahalaga ayon sa partylist na mayroong agaran at abot-kayang mekanismong legal para sa mga biktima, suportang psychosocial at iba pang rekurso para sa hustisya—hindi lang sa pang-aabuso online, kundi pati sa abusong bunga ng kahirapan.

“Ang OSAEC at online exploitation ay hindi simpleng problema ng anonymity kundi issue ng kahirapan, kakulangan ng proteksyon sa bata at kawalan ng sapat na psychosocial services,” sabi ng GWP.

Sa pag-aaral ng CHR, kahirapan ang isa sa mga pinakamalaking tulak sa online na pang-aabuso sa mga bata. Kaya sa tumitinding kahirapan, hindi nakakagulat pero nakakabahala na “Pilipinas ang lumalabas na sentro ng child sex abuse materials sa buong mundo,” ayon sa United Nations Children’s Fund report noong 2016.

Kaya kasabay ng laban para sa ligtas na paggamit ng internet ang laban kontra-korupsiyon, laban para sa pagtaas ng sahod, laban para matugunan ang nagsisitaasang presyo ng mga bilihin at mga serbisyo at iba pa.