Digong, mananatili sa detensiyon–ICC Appeals Chamber


Sa desisyong may petsang Marso 6, 2026, tinanggihan ng Appeals Chamber ang inilatag ng depensa na dapat palayain si Duterte dahil umano sa mga isyu sa kanyang kognitibong kalusugan.

Pinagtibay ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber I hinggil sa detensiyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na suspek sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng mga extrajudicial killing (EJK) sa ilalim ng madugong giyera kontra droga.

Sa desisyong may petsang Marso 6, 2026, tinanggihan ng Appeals Chamber ang inilatag ng depensa na dapat palayain si Duterte dahil umano sa mga isyu sa kanyang kognitibong kalusugan o kakayahan sa pag-iisip.

Sinabi ng depensa sa apela nito na nagkamali ang Pre-Trial Chamber I nang isantabi nito ang isinimute nilang ulat sa kalusugan ni Duterte at na walang dahilan upang tumakas, manakot ng mga biktima at gumawa ng krimen dahil sa kalagayan ng kanyang kalusugan.

Iprinesenta ito ng depensa bilang bagong impormasyon kahit nagtalaga ang ICC ng mga eskpertong medikal para suriin ang kalusugan ni Duterte at sinabi na ng Pre-Trial Chamber I na may kakayahan siyang humarap sa korte.

Pinaratangan din ng depensa ang Pre-Trial Chamber I nagkaroon na ito ng legal na pagkakamali, pag-abuso sa poder at paglabag sa patas na paglilitis.

Ayon sa Appeals Chamber, walang bagong argumentong inihapag ang depensa sa ilalim ng Article 60(3) ng Rome Statute para palayain ang suspek at nananatili ang mga kondisyon sa ilalim ng Article 58(1)(b) o panganib ng pagtakas sa pananagutan, pagsagabal sa proseso ng korte at pagpapatuloy ng krimen.

Samantala, nagtipon ang mga kaanak ng mga biktima at tanggol-karapatan nitong Marso 11 para markahan ang unang taon ng pag-aresto kay Duterte.

Nagdaos ng misa sa Sacred Heart Parish Shrine sa Quezon City si Fr. Flavie Villanueva ng Program Paghilom para sa katarungan sa mga biktima ng EJK. Sinabi rin ng pari na nararapat na makulong si Duterte habambuhay dahil sa kanyang mga krimen.

Nagsagawa naman ang Rise Up for Life and for Rights ng isang kilos-protesta sa Katipunan Avenue, Quezon City noong hapon para ipanawagan ang pag-aresto sa mga pinangalanan ng prosekusyon na kasabwat ni Duterte sa mga EJK.

Kasama sa mga pinangalanang co-perpetrator ng prosekusyon sina Sen. Bato dela Rosa, Sen. Bong Go, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, dating Philippine National Police chief Oscar Albayalde, dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña at iba pang matataas na opisyal ng pulisya noong akalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas si Duterte.